Dahil ito raw ang pintuan sa buhay na walang hanggan,
Tumuloy kami sa kaharian ng mga Tan.
Hindi raw kami makapapasok sa langit
kapag ang isang tao ay hindi isinilang na muli, sa
pamamagitan ng tubig at karbon
ay mabinyagan.

Itinalaga ang unang sakramentong ito
ng Bagong Batas
upang huwag magwakas
ang gutom at uhaw.

Ipinaubaya nila ito
at ang Ebanghelyo
sa Estados Unidos de Filipinas
noong wikain nila
sa Pranses na Patatas,
sa Italyanong Pansit,
at sa Intsik na Krema:
humayo kayo at gawing mga alagad
ang lahat ng bansa
at binyagan sila
sa ngalan ng Asukal,
ng Rekado,
at ng Langhap-Sarap.

Ito rin daw ay sakramento ng pananampalataya
upang ang mga taong kinasihan
ng liwanag ng Dakilang Amerikanong Panaginip
ay makatugon sa Magandang Balita
ni San Aga.

Ang binyag sa Bagong Taipan ay tunay
na naglilinis sa kaluluwang-tao
sa bisa at sa pamamagitan ng pakikiisa
at muling pagkabuhay
ng piso.

Ang mga anak ko
ay natutulad, diumano, kay Kristong
namatay at inilibing,
na kasama Niya ay nagkaroon sila
ng panibagong buhay
sa Greenwich,
Delifrance,
at Chowking.

Kaya ngayon –
ang araw na ito ng aking panganay
(o ng aking pangalawa at ng aking bunso) –
ay nagpapahiwatig ng kaligayahang
Dulot ng walang kamatayang
Bubuyog!

Montage Vol. 10 • December 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.