“Bukas sara ang mga pintuan.
Ilan kaya ngayong gabi
ang nag-iisip umiba ng daan?
Bumaba sa di-nakikilalang lugar
at hanapin ang unang maisip na kalye
o cafe, at sa huli’y magtiyaga
sa kung ano ang naroon?”

MADALAS pinanabikan ang isang paglalakbay. Marami kasing maaaring makasalamuha, maranasan, at makita tuwing tumatahak ng bagong lugar ang isang manlalakbay. Mula sa mga makakasama mo sa sasakyan, bagong paligid na mapagmamasdan, kultura ng ibang pamayanan at kung anu-ano pa.

Ngunit hindi pag-alis ang nagbigay ng katuturan kay Manolito Sulit sa kanyang libro ng mga tula, Ibang Daan Pauwi (UST Publishing House), kung saan nakita niya ang higit pa sa nakikita ng isang manlalakbay na pilit umaalis sa kanilang kinalalagyan at hindi na nakababalik pa sa kanilang pinagmulan. Ang ibang landas na tinahak ni Sulit sa kanyang tula ang nagbigay ng makabagong pananaw sa pag-ibig, pamilya, relihiyon, pulitika, at lipunan.

Ipinakita ng ilan sa kanyang 40 koleksyon ng mga tula ang kahiwagaan ng Diyos, mga batang nanlilimos, sakit na kumakalat sa pamayanan, damdamin ng isang bigo, at maging ang saloobin ng isang Mangyan. Ipinahiwatig ng kanyang masining na pagtalakay ang tunay na daan tungo sa katayuan ng ilan sa mga mamamayan. Ito ang pakikibaka ni Sulit.

Ipinamalas ng “Sipon” ang magkaibang buhay ng mga mayayaman at mahihirap na pinagsalubong ng isang simpleng sakit gaya ng sipon. Binigyang linaw ng tula na walang pinipiling estado sa buhay ang isang karamdaman, kadalasan, mas may laya pa nga ang mga mahihirap upang mailabas ang sakit na nararamdaman.

Sumasalamin din sa ispiritwalidad ni Sulit ang ilan sa kanyang mga tula. Dahil minsan niyang ninais maging pari ngunit hindi siya nabigyan ng magandang pagkakataon, nagawa niyang ibahagi ang kanyang mga saloobin sa maka-Diyos niyang mga tula, gaya ng  ”Ang Pag-ibig ng Diyos.” Ipinahiwatig nito ang pananalig ng mga tao sa Diyos at ang paniniwalang kaya Niyang paliwanagin kahit ang pinaka-maitim na ulap sa kalangitan.

Matutunghayan rin sa libro ang romantikong saloobin ng may-akda gaya na lamang ng isang mailap na pag-ibig at kalagayan ng tunay na pagsinta sa tulang  ”Tula ng mga Tula.” Ang “Pag-ibig, Panaginip” naman ang alaala at pangarap na nais matamo ng isang umiibig o nangangarap na sa panaginip lang waring mabatid. Mararamdaman ang payak at madalas na karanasan ng ilan sa ating mga mamamayan dahil sa koneksyong nagagawa ng may-akda mula sa kanyang mga tula at sa mga mambabasa.

Tulad na lamang ng “Naghihintay sa Ulan.” Ipinakita sa tula ang isang matiyaga at masugid na pag-ibig na handang mag-antay, ang tuluyang napagod at hiniling na lamang na habulin naman nito ng pag-ibig na ninais. Inilarawan ni Sulit ang iba’t ibang mukha ng pag-ibig at katayuan ng isang taong naglalakbay at pilit na humahanap ng daan pabalik sa kanilang mga sarili.

Kung iisipin, simple at madalas na nangyayari ang ilang sitwasyong inilalagay ni Sulit sa kanyang mga tula. Ang kaibahan lang, ninanais nitong sabihin sa mambabasa ang ibang lugar na maaaring piliin at patunguhan. Sa “Mangyan” malalaman ang hinaing ng isang bata hinggil sa pagbabagong nagaganap sa kanyang pamayanan. Ang modernisasyon ang isa sa nagdudulot ng pagbabago sa isang lugar maging sa isang tao.

Repleksyon at realisasyon ang pupukaw sa mambabasa ng librong ito. Layunin ng may-akda na madala sa ibang daan ang mga mambabasa nito upang mailayo sa tukso ng materyalismo.

Tubong Batangas ang peryodistang si Sulit. Nagsulat siya sa mga pahayagang Balita, Liwayway (1989), Manila Chronicle, Filipino Magazine, at National Book Review. Sa De La Salle University siya napagkalooban ng fellowship sa tula sa ilalim ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center noong 1996-1997 na nagsilbing ubod ng koleksyong Ibang Daan Pauwi.

Montage Vol. 9 • February 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.