gabi-gabi kitang
mumultuhin at
sa iyong pagtulog
ako ang iyong bangungot.
minu-minuto kang
maghahabol ng hininga,
segu-segundo kang
hihingalin.
hihigupin
ng bawat baso ng tubig na iinumin mo
ang iyong lakas
at kada lagok mo’y
tutumbas sa tatlong tabong pawis.
maiiwanan kang manilaw-nilaw,
uhaw,
lusaw.
tandaan mong ako lamang ang hanging
tanggap ng baga mo at
magsisisi kang pinili mong
hindi na huminga.
ako ang tanging dugong
puwedeng manalaytay sa iyo.
at sa paglalaslas mo,
sa pagtataboy mo sa buhay na dala
ko,
dadapuan ka ng lason ng
Anemia,
Diabetes,
Cancer,
Leukemia
na ako rin ang may dala.
Isinusumpa ko,
Babalik sa iyo ang sumpa.
Montage Vol. 9 • February 2006