Mugto pa rin ang iyong mga mata. At sa pagbangon, simbigat ng planetang Jupiter ang ulo mo. Dahan-dahan mong kakaladkarin ang sarili papunta sa kusina para magtimpla ng kape. Mamayang hapon, pauwi na ang pinakamamahal mong asawa, si Jeff. Tatlong araw siya sa Bangkok kasama ang mga kaibigang photographer.
Hindi mo lalagyan ng asukal at cream ang kape tulad nang tinimpla mo kagabi. Kailangang komprontahin si Jeff nang may malinaw, hindi aantok-antok na diwa. Wala ka pa namang tulog. Para kang pinaglalaruan ng multo sa kama, pabiling-biling ka. Habang pinapanood mo ang unti-unting pagkukulay-tsokolate ng umuusok na tubig, maaalala mo ang napilay na kamay. Kagabi, halos trenta minutos mong ipinampukpok ang martilyo. Hindi ka pa naman sanay sa trabahong pangkarpintero. Pinalaki kang prinsesa, prima donna, spoiled brat ‘ika nga ng kuya mo. Pagbasa lang ang hilig mo. Hindi ka mautusan ng inyong magulang dahil lagi kang may hawak na libro. Puro libro, lapis at papel lang ang madalas mong dala-dala. Hindi ka sanay humawak ng matigas o kaya’y matalas na bagay tulad ng kutsilyong nakikita mong nakasuksok ngayon sa knife rack. Sandangkal ang haba at lapad ng talim. Kung mananalamin ka roon, kasya ang buo mong mukha.
Si Jeff ang bumili ng kutsilyong iyon. Pangtadtad daw ng baboy. Ayaw mo nga ito dahil natakot ka sa talim. Pero isang linggo pa lang iyon pagkatapos ng kasal ninyo kaya hinayaan mo na lang. Naisip mong maliit na bagay ito para pagtalunan pa. Maaalala mo, itinuring na wedding of the year ng mga kapamilya’t kaibigan ang kasal n’yo ni Jeff. Bongga ang kasal. Pinagkagastusan. Dapat lang dahil bagay na bagay kayo. Ikaw na unica hija ng mga Santos, isang sales executive ng mga kotseng imported at ang mala-Aga Muhlach na si Jeff, isang mahusay na photographer ng isang sikat na magasing panglalaki. Marami ang naniniwalang hindi na kayo maghihiwalay pa nang iluwa kayo ng simbahan. Humalik pa sa inyo ang nag-iisa mong pamangkin bago kayo nakababa ng batong hagdan ng simbahan. Si Cacai ang pinaka-cute na flower girl nang araw na iyon.
Dahil kay Cacai, nagkakilala kayo ni Jeff. Isinali mo si Cacai sa isang beauty contest na pambata. Kaya lang natalo siya dahil nakalimutan ang linya ng kantang pinagtiyagaan mong ituro sa kanya nang tatlong linggo… Barely even friends… then somebody bends unexpectedly… Just a little change… Small to say the least… Both a little scared… Neither one prepared… Beauty and the Beast…Sa backstage pagkatapos ng contest, lumapit si Jeff para kunan ng retrato si Cacai. Iba’t ibang pose ang ginawa ng pamangkin mo. May nakatayo, nakaupo, nakatuwad, habang suot ang gown na talunan. Nagkengkoy din ito ng mukha, sumimangot, kumindat, pumikit, nagbelat. Tawa kayo nang tawa ni Jeff. Klik… klik… klik… klik… klik… Isang rolyo yata ang naubos ni Jeff kay Cacai. Hiningi ni Jeff ang contact number mo para maibigay ang made-develop na retrato. Kinurot pa niya sa pisngi si Cacai. Mahilig daw siya sa bata. Pagngiti niya sa’yo, hindi ka na nagdalawang-isip pa. Doon kayo nagsimula.
Pupunta ka sa gawing lababo dala ang tasang walang laman. Marahan ang iyong lakad pagkat kangkong ang iyong tuhod. Kasabay ng paglapag ng tasa sa lababo, nalaglag ang mapipintog mong luha. Hindi mo akalaing ganoon si Jeff. Mapapako ka sa harap ng lababo. Iiyak ka nang mahina, pigil ang emosyon. Maiisip mong wala pala ang katulong, kahapon pa. Baka kung saan-saan dinala ng boyfriend kaya hindi nakauwi. Lalakas ang pagnguyngoy mo kasabay ng pagyugyog ng balikat dahil maaalala mong kung saan-saan ka rin dinala ni Jeff bago kayo ikasal.
Unang anibersaryo. Nag-snorkeling kayo sa Boracay. Nagalit pa siya nang makita niya ang isang supot ng sigay na iuuwi mo sana sa Maynila. Ibibili ka na lang daw niya sa SM. Dapat daw pinapanatili ang kagandahan ng Boracay para sa mga tulad niyang mapagmahal sa kalikasan. Pangalawang anibersaryo. Naligo kayo sa rumaragasang Pagsanjan Falls. Kabisado ni Jeff ang pasikot-sikot doon. Alam niya rin kung saan mabibili ang pinakamasarap na buko pie. May mga kaibigan siya roon. Mga photographer din, sabi ni Jeff. Pangatlong anibersaryo. Nagbabad kayo sa Puerto Galera. Manghang-mangha ka pa sa mala-postcard na tanawin. Asul ang langit at dagat. Parang pulbos ang buhangin. Mabango ang hangin. At hinding-hindi mo malilimutan ang huling gabi ninyo sa Puerto Galera. Romantiko talaga si Jeff, sabi mo pa. Dinala ka niya sa dalampasigan pagkatapos ng isang mainit na eksena sa nirentahang cottage. Naglatag siya ng sarong malapit sa umaapoy na tambak ng kahoy. Akala mo pa nga noong una, doon naman niya gustong makipagtalik. Pero napahiya ka lang. Ni hindi ka niya hinalikan sa harap ng nanunuksong dalampasigan. Idinaan mo na lang sa bungisngis. Nilaro-laro ng hangin ang buhok n’yo at sumabay sa indayog ng alon ang malalim na boses ni Jeff. Grow old along with me… Two branches of one tree… It will see us through… For our love is true… Mula sa kanyang bulsa, inilabas niya ang isang maliit na kahon.
Mapapatingin ka sa kanan mong kamay. Nandoon ang singsing na ibinigay ni Jeff nang gabing iyon sa Puerto Galera. Makinis na bilog lang ito, walang disenyo. Simple pero elegante. Iyon na rin ang ginamit ninyo sa kasal mag-iisang taon na ang nakalipas. Basang-basa na ng luha ang iyong mukha. Kung narito si Jeff, maiisip mo, pupunasan niya ang iyong mukha. Kukuha ng isang basong tubig at pauupuin ka sa sopa. Papaypayan ka habang hinahagod ang likod mo tapos aakayin ka papunta sa kuwarto. Si Jeff ang pinakamaalalahaning tao para sa’yo. Siya rin ang pinakamaunawain para sa’yo. Naiintindihan ang pagiging isip-bata mo. Napakasipag din ni Jeff. Magaling pang photographer kaya pinag-aagawan ng mga kumpanya. Hindi ka na nga nagulat nang magdesisyon siyang mag-freelance na lang. Guwapo, mabait, magaling, masipag, ano pa nga ba’ng hihilingin mo? Madalas mo itong madatnang kaharap ang personal computer sa sala maski dis oras ng gabi. Ipagtitimpla mo agad siya ng kape para hindi antukin habang tinatapos ang trabaho. Pati mga elementary school, pinapasok niya kahit maliit lang ang kita. Class picture, ID picture ng mga bata. Kahit ang pinakamalikot at pinakamakulit na bata ay kaya niyang kunan ng magandang anggulo. Magiliw siya sa mga bata. Perfect husband material talaga.
Mangangalay na ang mga binti mo sa katatayo. Mahapdi na ang mata mo sa kaiiyak. Padarag kang papasok ng kuwarto. Itatapon ang sarili sa kama. Iisipin mo kung sino ang nagpadala ng sobre sa’yo. Iisipin mo kung bakit bigla kang kinabahan nang mabasa mo ang laman niyon. Paano kung totoo ang kutob mo? Maiisip mo ang sarili. Bakit nangyari ito? Sasabunutan mo ang sarili. Daig mo pa si Sisa sa ayos ng buhok. Ang kasal n’yo? Sangkatutak pa naman ang naiinggit. You’re such a beautiful couple, ika nga ng marami. Ang trabaho mo. Baka pati ikaw madamay. Baka pati ikaw mawalan ng trabaho. Ang kahihiyan ninyong mag-asawa. Shit ka, Jeff, ano ang totoo? Ibubulong mo ang pangalan ni Jeff. Paulit-ulit… Jeff… Jeff… Jeff… Parang nagdarasal. Jeff… Jeff… parang pangalan ng Diyos. Sana hindi totoo. Tatayo ka. Huhugot ng lakas sa galit na galit mong dibdib. Makikita mo ang kotse-kotsehan sa study table ninyong mag-asawa. Sandosenang Matchbox, ang pulang miniature ng Ferrari, ang apat na tamiya, trak, kotse ng pulis, jeep ng GI Joe, kotse ni Batman. Ang koleksyon ni Jeff. Hahawiin mo ang lahat ng iyon. Uuga nang malakas ang mesa pero hindi ito matutumba. Aapakan mo ang mga nahulog na laruan. Madadampot ang kotse ni Batman. Ibabato mo ito sa kabinet ni Jeff. Titilapon si Batman. Magkakaroon ng uka sa kabinet.
Sa tokador, hahawiin mo ang mga nakahilerang Barbie doll. Kakalat ang maputing Barbie, negrang Barbie, Hawaiian na Barbie, estudyanteng Barbie. Magandang dekorasyon ito, sabi ni Jeff. At para na rin sa magiging baby natin kung babae, dagdag mo pa noon.
Pagpapawisan ka nang malapot. ‘Ambilis ng oras, tanghali na pala. Maya-maya lang, darating na ang asawa mo. Pero hindi ka magluluto. Ayaw mong magluto. Hindi ka naman marunong magluto. Kaya hindi ka rin kakain. Ayaw mo namang kumain. Mas maigting ang takot at galit sa dibdib kaysa kalam ng sikmura. Huhugutin mo mula sa basurahan ang itinapong sobre. Ngayon mo lang mapagtatanto, kilala ka ng sender. Kumpleto ang pangalan at tirahan mo, computerized pa, professional ang pagkakapadala. Kung totoo ang kutob mo, hindi lang kayong dalawa ni Jeff ang nakakaalam nito kundi pati ang nagpadala. Imposibleng hindi ito mabalita sa iba, maiisip mo. Nakakahiya!
Padausdos kang mauupo. Babasahin mo uli ang laman ng sobre. Mga pahina ng iba’t ibang libro at diyaryo. Putol-putol pero malinaw ang sinasabi.
>In their October 1993 newsletter, ECPAT-USA—West lists these numbers of child prostitution in Asian countries.
PHILIPPINES –1,200,000 street children. Number of prostituted children not known, estimate over 100,000.
THAILAND –200,000-300,000 children
INDIA – 1,500,000-2,000,000 prostitutes, 20% percent under 16 years old.
>Pedophiles have systematic and prolonged access to children. He, because of the wide age disparity between themselves and the victim, cannot just hang around children. He has to legitimize his contact with kids. He usually accomplishes this by obtaining employment in a field where he is to deal with children on a regular basis.
>The pedophile has hobbies or interest that commonly belong in the realm of a child’s world as toy collecting, building models of cars or planes. His home or room is dedicated in a child’s theme. And often, that theme will reflect the age bracket of his preferred victim.
>in 1981, Malcolm was convicted of raping a 3-year-old girl and sent to prison. When he was released in 1984, he returned to rape the same terrified girl who was then 6 years old. Malcolm was angry that she had identified him as the rapist. He later told cops he wanted revenge.
>Child erotica and pornography are used in the crimes of pedophiles. He will display this material to a victim to lower his inhibitions and introduce him to the possibilities of sex with an adult. He can also use this material for his own sexual gratification. Others will use photographs of the abuse to blackmail their victims into further sexual activity.
>Police bring some of the girls arrested in raids to the Bangkok Emergency Home to help them become rehabilitated. Some girls are found in Patpong Street, red-light district, by social workers and volunteer women. That spring alone, the Bangkok police had picked up more than one hundred young girls, thirteen and fourteen years old. About ten percent of all prostitutes are under fourteen years of age.
Maraming-marami pang iba pero hindi mo na babasahin. Didiretso ka sa kusina. Makikita mo kung saan mo pabalibag na iniwan ang martilyo kagabi. Hindi mo na ito ipagpapabukas. Kailangan mo nang malaman ang katotohanan. Sasampa ka sa isang upuan.
Kalahating dipa ang laki ng kitchen cabinet na babayuhin mo. Mula nang lumipat kayo sa bahay na tinitirhan ngayon, hindi mo nakitang bukas iyan. Inangkin na ito ni Jeff bago pa man niya hingiin sa’yo. Nilagyan niya ng kandadong primera klase. Okey lang, maliit na bagay para pagtalunan, sabi mo. Ilang buwan pa at nagtanong ka kung ano ang laman niyon. Sagot ni Jeff, mga lumang retrato at sketches, mga abubot ng tulad kong photographer. Hindi ka na nag-usisa pa. Walang itinatago si Jeff. Kung meron man, hindi sa bahay namin, sabi mo.
Bayo, bayo, bayo. Iingit na ang kandado ng kabinet. Mamumula at magkakapaltos ang palad mo. Sa huling pukpok, nganganga sa wakas ang pinto ng kabinet. Uulan ng mga retrato. Bubuhos ang sangkatutak na VHS tapes. Hindi mo na papansinin ang VHS tapes. Sa unang retratong mapupulot, mapapabilis na ang kabog ng iyong puso. Bilog na bilog ang bibig mo. Mapapa-oh, my god ka. Manginginig ang mga daliring may hawak nito. Tatlong taong nakahubad ang nasa retrato. Isang lalaki na naka-iskuwat patalikod sa kamera, isang pares ng batang babae at batang lalaking nakaupo sa sopa. Nakasapo sa bayag ng bata ang kanang kamay ng lalaki habang ang kaliwa ay nakapatong sa dibdib ng batang babae. Nakatungo ang mga bata. Wari’y nakatitig sa bahagi ng katawan nila na hawak-hawak ng lalaki. Lalabo ang retrato. Karera ang mga luha mo sa pagbagsak. Itatanggi mong si Jeff ‘yon. Hindi ko asawa ito, ulit mo, hindi!
Sasalampak ka. Pupukpukin mo ng martilyo ang mga VHS tape. Basag, warak ang matamaan ng martilyo. Tatagaktak ang pawis mo. Maglilintos ang malalambot mong palad. Tutok ang tingin mo sa VHS tapes na nagkalasog-lasog. Ni hindi mo titingnan ang iba pang retratong nagkalat.
Mapapagod ka. Ibabalibag mo ang martilyo. Hahawiin mo ang mamasa-masang buhok na nakaharang sa iyong mukha. Paparating na si Jeff. Tatayo ka mula sa pagkakasalampak sa banig ng mga retrato. Uupo ka sa dining table. Magpapasalamat ka at naglakwatsa ang katulong. Paano mo sasalubungin si Jeff? Siguradong maraming dala iyon galing sa Bangkok. Hindi niya nakakalimutang mag-uwi ng pasalubong para sa iyo. Mura sa Bangkok ang sweetened tamarind, maaanghang na pagkain at sarong. Mura ang puta roon at marami sa kanila ay batang-bata. Mamamataan mo ang malaking kutsilyo sa knife rack. Ang kutsilyong binili ni Jeff. Tatama ang sinag ng araw sa talim nito. Nakakahiwa ang tatalbog na liwanag.
Maiisip mong tama ang mahal mong asawa. Bagay ang kutsilyong iyon na pangtadtad ng baboy. Pangtadtad ng mga baboy.
* Ang bahaging italicized ay sinipi mula sa internet at sa librong Sisters Listening to Sisters ni Peggy Andrews.
Montage Vol. 11 • September 2008