Edad: 4
Bughaw ang kalangitan. Mapuputi ang mga ulap, wari’y bulak. Nais kong abutin ang kalangitan. Nais kong maramdaman ang lambot ng ulap sa aking palad. Sa hindi mawaring dahilan, bigla akong napatakbo, napalundag, at napasayaw sa galak.
“Yumi! Sali ka sa amin, habulan tayo!”
Napalingon ako sa kabilang dulo ng mga nakahilerang apartment kung saan nanggaling ang boses na nagpatigil sa aking sayaw. Nakatayo roon si Lea na mukhang pawisan at hinihingal. Kasama niya ang iba pa naming kalaro. Naging matalik kong kaibigan si Lea simula nang maging kapitbahay namin sila isang taon na ang nakalilipas. Minsan, nang magpunta kami sa tindahan at hindi ako binigyan ni Nanay ng kahit piso man lang na pambili ng kendi ay binigyan niya ako ng tsokolateng hubog-payong. Nais kong isama si Lea sa kalangitan. Sa susunod ay sa mga ulap na kami maghahabulan.
“Sige!” tumakbo ako sa direksiyon nila.
“Ikaw taya!”

Edad: 9
Nanaginip akong ibinili ako ni Nanay at ni Tatay ng bagong manika. Tuwang tuwa ako ‘pagkat hindi ito ‘yung ordinaryong manika na nabibili sa palengke. Hindi lang basta-basta ang tatak ng manika sapagkat Barbie ito. Ang ganda-ganda ng bago kong laruan: kulay-mais ang kaniyang buhok, simpula ng rosas ang kaniyang mga labing nakakorte sa isang ngiting hindi kumukupas, at maningning ang kaniyang mga matang hindi kumukurap. Ang kutis niya’y hindi gaya ng akin na maraming sugat at peklat at sunog sa pagkakabilad sa arawan. Hindi ko maialis ang tingin ko sa kanya. Hindi ko siya magawang bitawan. Simula kasi nang magdala ng Barbie ang isa kong kaklase, pinangarap ko nang magkaroon nito. Sa wakas ay natupad na rin ang aking kahilingan.
Naglaho ang maligayang imahen ni Barbie pati na rin ang ngisi sa aking mukha nang maramdaman kong may mabigat na tumabi sa banig na pinagsasaluhan namin ng aking nakababatang kapatid na si Makisig. Amoy-alak. Bahagya kong idinilat ang aking mga mata at mula sa bintana ng kuwarto tumambad sa aking paningin ang buwan. Bilog na bilog ito at mababang nakalambitin sa kalangitan. Babangon na sana ako nang may dumampi sa aking baywang at hinaplos ito. Dagli akong kinabahan. Namuo ang mga butil ng malamig na pawis sa aking noo habang dahan-dahang naglakbay ang ugat ng aking pagkatakot patungo sa loob ng aking salawal. Bagamat gusto kong gumalaw at pumiglas, tila namanhid ang aking katawan at hindi ako makagalaw. Gusto kong sumigaw sa abot ng aking makakaya ngunit nalunod ng pangamba ang aking boses. Mariin kong ipinikit ang aking mga mata. Mananaginip na lang akong muli.

Edad: 15
Hindi ako naiiba sa karamihan ng mga kabataan na nasa ganitong yugto ng kanilang buhay. Rebelde, mapusok at eksperimental.
May mga gabing ipinanalangin ko na hindi na sana umuwi si Tatay. Madalas na silang mag-away ng Nanay ngayon tungkol sa pera at babae. Halos hindi na siya nag-aabot ng kanyang kita sa pasada na pinantutustos sa mga gastusin sa bahay. Kaya si Nanay, nakukuba na sa pagbabanat ng buto. Hindi ko inakalang masasagot agad ang aking panalangin. Isang gabi, hindi na nga umuwi si Tatay.
Hindi katagalan pagkatapos kaming iwan ni Tatay, napilitan na akong tumigil sa pag-aaral at magtrabaho sa isang malapit na pabrika ng damit. Hindi na sumasapat para sa akin at sa sa dalawa ko pang kapatid ang kinikita ni Nanay. Madalas akong hindi agad na umuuwi sa bahay kapag galing sa trabaho. Nagpapalipas muna ako ng oras sa bahay ng isang kaibigan o kaya’y mag-isa akong kumakain sa karinderya. Nayayamot lang ako sa tuwing nakikita ko sila bagama’t alam kong hindi ko sila dapat sisihin. Wala akong dapat sisihin sa kinahinatnan ng buhay ko. Sigarilyo na lang ang mga tunay kong kaibigan ngayon.
Hatinggabi na nang umuwi ako nang matagpuan kong walang tao sa bahay. Kinatok ko ang aming bagong lipat na kapitbahay na pumalit sa pamilya ni Lea. Pinagbuksan agad ako ng pinto.
“Alam po ba ninyo kung saan nagpunta ang Nanay at mga kapatid ko? Wala po kasi-”
“Naku hija! Isinugod ang nanay mo sa ospital kanina! Naghihihiyaw kasi si Marilag kaninang hapon kaya sumugod agad kami sa bahay ninyo. Pinatawag ko ng ambulansya si Bert nang makita kong nakahandusay sa sahig ang Nanay mo. Si Aling Celia na ang sumama sa mga kapatid mo, hindi ko kasi puwedeng iwan ang mga bata dito. Dali ka, puntahan mo na sila sa ospital!”
Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman ko nang makita ko ang payapa niyang mukha pagpasok ko sa kwarto kung saan siya nahihimlay. Pumipintig pa ang puso niya ngunit hindi ko tiyak kung ito’y nakadarama pa. Hindi ko na maalala ang huling pagkakataong nakita ko siyang ganito. Walang bahid ng pag-aalala na makikita sa kaniya at maaliwalas ang kaniyang presensiya. Maaari ngang maligaya na siya kung nasaan man naglalakbay ang kaniyang isipan. Masaya na rin ako para sa kanya. Niyakap ko nang mahigpit si Makisig at ang umiiyak na si Marilag. Nakuntento ako sa pagtitig sa kaniya habang hawak sa magkabilang bisig ang aking mga kapatid. Magpahinga na kayo, Nanay. Ako na ang bahala sa lahat.

Edad: 17
Hinithit ko at nilasap ang hirap nang buhay. Manhid na ako sa sakit. Naabot ko na rin ang kalangitan. Nakikiliti ang aking mga paa habang ako’y nakikipaghabulan sa ibabaw ng mga ulap. Bughaw ang kulay ng paligid. Walang ligalig sa langit. Walang pangamba at walang gumuguhong pangarap. Walang ibang lugar para sa kahit anong bagay maliban sa kaligayahan. Kaligayahan. Ako’y maligaya sa langit. Nais kong manatili dito habang buhay.
Paminsan-minsang sumusulyap ang makukulay na ilaw at nag-aagawan sa pagpasok ang puting usok mula sa nakaawang na pinto. Nagsimulang tumugtog ang aking musika. Tinatawag na ako ng entablado. Humugot ako ng lakas ng loob mula sa isang huling hithit ng mahiwagang produkto ng kalikasan at saka tumayo.
Papalabas na sana ako nang mapansin ko ang dalawang pamilyar na litratong nakadikit sa kabilang dulo ng kwarto. Ang isa ay litrato ng isang binata na nakaunipormeng pampaaralan at may matipunong pangangatawan. Sa ilalim nito, mukha ng isang magandang batang babae na may abot-taingang ngiti bagama’t mukhang malaki at kupas na ang kanyang togang suot.
Sa tabi ng dalawang litrato, naaninag ko ang imahen ng manikang matagal ko nang iniidolo at pinapangarap. Nakita ko si Barbie sa kabilang dulo ng kuwarto. Wala siyang gaanong pinagbago sa panlabas na kaanyuan sa paglipas ng mga taon. Mapula pa rin ang kanyang labi, kulay-mais ang kanyang buhok at magara ang kanyang kasuotan ngunit tila wala na ang dating kislap sa kanyang mga mata. Marka ng maraming beses nang siya’y nadapa at nasaktan ang mapeklat niyang kutis. Hindi na siya perpekto gaya ng dati. Gayunpaman, maganda pa rin siya sa aking paningin. Nginitian ko siya at ngumiti rin ang imaheng aking kaharap. Kinawayan ko siya at agad din niya akong sinuklian ng kaway. Nginitian ko rin ang dalawang litrato at napuno ako ng pag-asa. Nagpatuloy ang aking pananaginip.

Montage Vol. 11 • September 2008

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.