I.
Sa saliw ng oyayi ng mga kuliglig,
sa ilalim ng kulambo ng galimgim,
mahimbing na mamamahinga ang mga mortal.

Ngunit sa loob ng mga humihikab na hilik,
magigising ang nahihimlay na dugo
ng mga mapaglarong anak ng karimlan.

Iilan lamang ang papalaring matunghayan
ang pagpapamalas ng gilas
ng mga lagalag na espiritu
na maghahatid ng ‘sanlaksang kibot sa kalamnan
at paghingang tila naaampat.

II.
Habang nagaganap
ang tunggalian ng liwanag at dilim,
muling babangon si Agni.
Pansamantalang matitigil ang mga kinatatakutan
at kababalaghan.

At muling lalakad ang mga mortal sa lupa
at mamumuhay na pahat ang kaalaman
sa mga misteryo ng sandaigdigang kubli.

III.
Ngunit sa muling pagguhit ng tintang itim
sa bughaw na langit,
muling maglilimayon ang mga gumagalang multo–
hindi ligaw na kaluluwa o espiritu–
bagkus mga maliligalig na nilalang
na nagkukubli sa likod ng anino:
Sa likod ng anino ng malalabay na punong kahoy.
Sa likod ng anino ng libidong nag-uumalpas.
Sa likod ng anino ng tunay na kinatatakutan.

Sa likod ng anino ng tunay na multo.

Montage Vol. 11 • September 2008

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.