NAGKAMIT agad ang pinakamatandang palimbagan sa Asya ng iba’t ibang parangal sa dalawang patimpalak sa ikaapat na taon pa lamang ng proyektong “400 books for UST’s 400th” ng UST Publishing House (USTPH).

Pinarangalan ng Manila Critics’ Circle sa 23rd National Book Awards ang USTPH bilang “Publisher of the Year 2003,” noong Agosto 14 sa World Trade Center sa Pasay.

“It’s probably high time that we be given that recognition, because we have been consistently producing at least 40 titles every year since we started the 400 books project in 2001,” ani USTPH Director Mecheline Manalastas.

Apat naman sa 43 aklat na inilimbag noong nakaraang taon ang nagkamit ng “National Book Award” para sa iba’t ibang kategorya.

Nagkamit ng parangal para sa katergoryang Translation ang aklat na “Ang Etika ni Sto. Tomas de Aquino,” ni Tomas del Rosario Jr., na nagkamit ng doctorate sa Pilosopiya sa UST, kasama ang aklat na “Gloria” ni Roman Leoncio ng Holy Angel University Press.

Nagwagi naman para sa kategoryang Fiction ang aklat na “Mayong” ni Abdon Balde Jr., na nominado rin noong nakaraang taon. Patas sa tatlo pang mga aklat sa naturang kategorya ang “The Sky Over Dimas” ni Vicente Garcia Groyon ng De La Salle University Press (DLSU Press), “Daisy Nueve” ni Menchu Aquino-Sarmiento ng Anvil, at “Feast and Famine” ni Rosario Cruz-Lucero ng University of the Philippines Press.

Best Book in Literary Criticism ang “Talinhaga ng Gana” ni Rebecca Añonuevo, dating patnugot sa Panitikan ng Varsitarian, kasama ang “Theater of the Nation” ni Cecile Guidote-Alvarez ng DLSU Press.

READ
Melo vows quick probe into extrajudicial killings

Best Book in Poetry naman ang “The Nymph of MTV” ni Angelo Suarez, kasalukuyang nasa ikaapat na taon ng kursong Literature. Nakasama niya sa parangal si Romulo Baquiran ng UP Press sa aklat nitong “Onyx.”

Apat na aklat naman ng USTPH ang naging nominado sa iba pang mga kategorya.

Nominado para sa Screenplay ang “Darna etc.” ni Frank Rivera, at “Homecoming and Small Voices” nina Gil Portes, Senedy Que, at Adolfo Alix, Jr. Kalahok din sa kategoryang History ang “Kulaboretor” ni Augusto de Viana, at para sa kategoryang Translation naman ang “Mga Kuwento ng Kasaysayan” ni Carmen Guerrero-Nakpil.

Iginagawad ng Manila Critics’ Circle, sa kooperasyon ng National Commission for Culture and the Arts, at ng National Book Development Board, ang “National Book Awards” taun-taon, kasabay ng Manila International Book Fair.

Samantala, nagkamit ng parangal sa “Gintong Aklat Award” 2004 ang aklat na “The Living With Nature” ni Dr. Abercio Rotor, para sa kategoryang Natural Science, at runner-up namang muli ang “Mga Kuwento ng Kasaysayan” ni Guerrero-Nakpil para sa Social Science.

Iginagawad ang “Gintong Aklat Award” ng Book Development Association of the Philippines tuwing dalawang taon. Kalahok sa taong ito ang 139 na aklat mula sa iba’t ibang palimbagan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.