KARAPATAN ng bawat mamamayan ang mabigyan ng sapat na edukasyon ngunit hindi lahat ay pinapalad at kasama na rito ang ating mga kababayang naninirahan sa malalayong kabundukan. Ngunit salamat sa teknolohiya, milya-milyang balakid ang nabigyang tulay ng Unibersidad upang maghatid ng edukasyon.
Sa pamamagitan ng “radio transceiver” at ng Distance Education Program ng Unibersidad, maaaring makapagsahimpapawid ng mga aralin ang mga Tomasinong guro upang maturuan ang mga mag-aaral na nakatira sa mga liblib at malalayong lugar. Matatagpuan ang radio transceiver sa radio room ng College of Education habang may mga radio transceiver unit din ang bawat lugar na pinagdadausan ng mga klase ng Distance Education Program.
Maaaring patakbuhin ang radyo gamit ang baterya ng sasakyan at iba pang maaaring pagkunan ng dumadaloy na kuryente. Bagaman nagtataglay ito ng 40 watts, ginagamitan naman ito ng mast antenna na may 9 decibels upang madagdagan ang bilang ng watts o lakas na kinakailangan upang makarating ang radio waves mula Maynila patungong Tarlac. Sa tulong ng antenna, malinaw na nakakaabot ang mensaheng ipinapadala mula sa dalawang magkalayong lugar.
Dahil dito, natuturuan ang mga Ayta at iba pang katutubong nakatira sa limang sitio sa Bamban, Tarlac ng pagbabasa at pagsusulat bukod pa sa pag-aaral ng mga module hinggil sa Environmental Conservation, Livelihood at Health and Responsible Parenthood.
Sa ganitong paraan naisasakatuparan ang programang Distance Education for the Marginalized ng Unibersidad na sinimulan noong 1999. Halaw ito sa doctoral dissertation ni Dr. Evelyn Songco, na siya namang unang guro ng programa. Kabilang sina Songco at Dr. Lilian Sison, ang vice-president for Academic Affairs noong panahong iyon, sa mga kumilos upang mapatupad ang programa at makabili ng radyo at ibang kagamitan na kinakailangan sa proyekto. Dahil dito, apat na beses nakakapagbigay ng klase sa mga katutubo ang mga guro tulad ni Prof. Marielyn Quintana, Assistant to the Director for Non-Formal Education.
Unang nilagyan ng mga radio transceiver ang Sitio Malasa, kasabay ng pagpapatayo ng learning center kung saan ginaganap ang mga klase. Sumunod namang binigyan ng radyo kasama ang pagpapatayo ng learning center ang mga sitio ng Mabilog, San Martin, Sta. Rosa, at Haduan. Sa kasalukuyan, nasa 160 na katutubo ang kasali sa Distance Education Program. Ayon pa kay Engineer Casimiro Hernandez, consultant ng Distance Education Program, ipinanukala rin ng Office for Community Development na magtayo pa ng dagdag na learning center sa lugar ng Kalawakan, Bulacan at Nueva Ecija.
Ani Casimiro, “Mahalagang matutunan ng mga katutubo kung paano magbasa at magsulat sapagkat kadalasang inaabuso ang kanilang kakulangan sa kaalaman.”
Pinatunayan ng paggamit ng radio transceiver na hindi balakid ang heograpiya upang makapagbigay ng edukasyon sa mga katutubo sa malalayong lugar lalo na sa kasalukuyang pag-usbong ng makabagong teknolohiya. Joseinne Jowin L. Ignacio.
Tomasalitaan:
bagtang (pandiwa) – tuntunin ang daan
Halimbawa:
Hindi na kinakailangang bagtangin ng mga guro ang daan patungong Tarlac upang makapagturo.
Sanggunian:
Engr. Casimiro Hernandez
Office for Community Development
The Philippine Daily Inquirer, June 9, 2006