ANG DUGONG Tomasino na dumadaloy sa pamilya De Alban ay patunay ng angking kagalingan ng bawat miyembro nito.

Walo sa pamilyang De Alban, kabilang ang kasalukuyang dekano ng Faculty of Engineering na si Atty. Engr. Josefin de Alban, Jr., ang nagsipagtapos mula sa Faculty of Civil Law.

Sa dami ng abogado sa pamilya De Alban—lahat ay mga Tomasino—isa ang pamilya nila sa may pinakamaraming abogadong magkakamag-anak mula sa iisang unibersidad sa Pilipinas.

Dahil na rin sa dedikasyon sa larangang ito, nakapagpatayo na sila ng sariling opisina, ang De Alban Law Office, sa lungsod ng Quezon.

Nagbabahagi din sila ng serbisyo para sa mga Pilipino sa iba’t ibang institusyon sa bansa tulad ng National Power Corporation (Napocor) at National Bureau of Investigation (NBI).

Hanggang sa kasalukuyan, ipinagmamalaki nila ang mga itinuro ng Unibersidad sa kanila na hindi nila kailanman maaalis sa kanilang buhay bilang isang pamilya at mga mamamayan ng bansa.

Mula sa yapak ng ama

Ang estado ng pamilya ang naging inspirasyon ng nasirang si Atty. Josefin De Alban, Sr., ama ng dekanong si Engr. Josefin, Jr., kaya kaniyang ninais na maitama ang sistema sa bansa upang makamtan ng mga mahihirap na tulad nila ang pagkakapantay-pantay na pagbabahagi ng serbisyo sa mga Pilipino. Sila'y nakatira noon sa isang payak na tahanan sa bayan ng Tumauini, Isabela at hindi naging madali ang pagpapaaral sa kaniyang mga anak.

Ang nakatatandang Josefin ay nagtapos ng Associate in Arts sa UST noong 1928. Sa probinsya ng Isabela rin niya nakilala ang kaniyang asawa na si Esteria Bautista Siccuan, isang guro ng Home Economics na nagtapos sa Philippine Normal School.

READ
Research office aims to link academe and industry

Sa pagsunod sa yapak ng kanilang ama, ang walong anak ay nagsipagtapos sa Faculty of Civil Law.

Hindi man ito itinakda sa kanilang pamilya, naging likas na sa kanila ang mag-aral sa UST.

Ani Engr. Josefin, Jr., ang tanging paghihigpit sa kanila ng kanilang magulang ay ang paghimok sa kanila upang ipagpatuloy ang naiwan ng kanilang pamilya. Ang kanilang ina ay isang topnotcher ng edukasyon sa Philippine Normal School habang ang ama naman nila ay dating alkalde ng kanilang bayan.

“Wala namang pressure ngunit gusto ng aming ina na magkaroon man lamang kami ng panlaban kaya ibig niyang makuha ang best namin,” ani Engr. Josefin, Jr. “Kaya noong maging alkalde ang ama namin, tumakbo rin kami sa mga student body councils para mag-excel kami sa leadership.”

Dagdag pa niya, hindi rin sila napilitang magkakapatid na kumuha ng abogasya o mag-aral sa Unibersidad.

“Dahil sa mga aksyon nila, nakita ko ang kahalagahan ng rule of law, ang disiplina sa pang-araw-araw at ang due process, at ang pagbibigay-diin sa supremacy of divine law over human law,” ani De Alban.

Hindi rin naiiwasan ang mga problemang kanilang kinakaharap sa pamilya tulad ng hindi pagkakaunawaan at inggitan sa isa’t isa.

“Bilang Thomasians, niresolba namin ang mga problema sa isang masiglang pakikipagtalo. Sa pamamagitan nito, naibabahagi namin ang mga ideya namin sa isa’t isa,” sabi ng nakababatang De Alban.

Pundasyon ng isang Tomasino

Malabo ang kapalaran ng mga De Alban noong sila ay nagsisimula pa lamang sa kanilang pakikipagsapalaran sa Unibersidad.

Bilang isang pamilya na tubong Isabela, ang mag-asawang abogado na si De Alban, Sr. at ang guro na si Gng. Esteria De Alban ay nagpapadala ng pera sa kanilang mga anak sa Maynila upang maitaguyod lamang ang kanilang pag-aaral.

READ
Koro ng kabataang Pilipino, nagwagi sa Wales

Ang matinding paniniwala sa Diyos ng kanilang mga magulang ang nagtulak sa kanila upang pagtibayin ang relasyon sa isa't isa.

“Ang aking ama at ina ay mga balwarte ng pag-asa, katapangan, at pananampalataya. Kanilang parating binibigyang-diin na walang makatatalo sa dasal at paniniwala sa Diyos,” aniya.

Maliban sa abogasya, hinubog ng pinakamatandang Unibersidad sa Asya ang kanilang pangalan na maging isa sa mga nangunguna sa larangan ng medisina at pagiging inhinyero. Ang asawa ni Atty. Emilio, kapatid ni Engr. Josefin, Jr., na si Dra. Amy Rose De Alban, ay pinuno ng laboratoryo sa National Center for Mental Health, habang dating tagapamahala naman ng Napocor ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Atty. Orlando Jose.

Si Atty. Roberto De Alban, nakatatandang kapatid ni Engr. Josefin, Jr., ang sumulat ng “Rules of Engagement” na inilimbag ng NBI.

Naitayo ng dalawang nakatatandang kapatid ni Josefin, Jr., sina Atty. Isaac De Alban at Atty. Emilio, ang Josefin de Alban Law Office na nagsilbing simbolo ng tagumpay ng kanilang pamilya noong Oktubre 16, 1981. Nabendisyunan ito ng dating rektor at regent ng Faculty of Civil Law na si P. Fredrick Fermin, O.P.

Bilang simbolo ng kanilang pagkakabuklod-buklod, simula noong March 25, 1933, isang tradisyon sa pamilya De Alban na ang toga ni De Alban Sr. ang bukod tanging isusuot ng lahat ng miyembro ng pamilya kahit hanggang sa mga kaapu-apuhan.

Para sa pamilya De Alban, ang kanilang ama ay isang huwaran na Tomasino.

“Si De Alban Sr. ay isang matapat at pinakamatulungin sa nangangailangan. Kahit kailanman ay hindi niya nilamangan ang kapuwa niya,” ani ng dekano.

READ
Helter-skelter development

Ipinayo rin ng dekano sa mga mag-aaral na nararapat lamang silang maglaan ng oras sa kani-kanilang pamilya at magsikap upang pagtibayan ang kanilang samahan.

“Ang pamilya ay dapat makibahagi sa mga problema na miyembro nito upang masolusyunan ang mga bagay tulad ng isyu pang-moral, pang-relihiyon, pang-lokal,” ani Engr. Josefin, Jr. CATALINA RICCI S. MADARANG

1 COMMENT

  1. Salamat naman at sumulat kayo tungkol sa pamilya namin. Pero may mali sa mga binaggit.
    Maraming beses nagtatalunan kaming mga magkakapatid tungkol sa mga national at local issues o kaya tungkol sa batas pero hindi yun pagiingitan. May kanya kanyang panig lang kami sa mga issues. Salamat! Ang panginoon sumasaatin lahat.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.