POSIBLE umanong lumikha ng panitikan, tulad ng tula, gamit ang wikang senyas.
Iminungkahi ng isang mananaliksik ang inklusibong panitikan at pagkakakilanlan ng kultura ng mga bingi sa pamamagitan ng senyas.
Ayon kay Perpilili Vivienne Tiongson, isang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bingi at mananaliksik sa Philippine Deaf Studies, katulad ng wikang sinasalita, mayroong sinusunod na sariling alituntunin, balarila, at estruktura ang senyas.
“Nagagamit ang mga konsepto at prinsipyo ng linguistics [sa wikang senyas] para saliksikin at pag-aralan nang mabuti ang mga tula,” wika ni Tiongson sa isang talakayan noong ika-5 ng Abril na inorganisa ng Komisyon sa Wikang Filipino bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan.
Binigyang-diin ni Tiongson na walang katulad ang senyas dahil pinapairal nito ang mga aspektong visual at spatial, gumagamit ito ng mga mata, at isinasagawa ito tulad ng isang palabas kung kaya’t itinuturing itong “wikang 3D.”
Ginagamitan din umano ang senyas ng konseptuwal na kahon na mayroong kahulugan.
“Minsan, ginagamit ang space para malaman kung sino ang nagsasalita lalo na’t kung maraming tauhan [ang] iyong kuwento,” saad ni Tiongson.
Hindi tulad ng tulang nakasulat, mahalaga sa wikang senyas ang ekspresyon ng mukha at hugis ng mga kamay upang ilahad ang mensahe ng tula, diin ni Tiongson.
“Kakaiba ang talento, kakaiba ang galing, at kakaiba ang sining ng isang manlilikha kapag bumubuo siya ng tula sa wikang senyas,” aniya.
Gayunman, sabi ni Tiongson, ang senyas ay maaaring magpatalon-talon ng paksa: “Hindi tuwiran o hindi linear ang usapan.” Michelle A. Agustin at Matthew G. Gabriel