SA PAGLALAKBAY ng tao sa kanyang buhay, maraming bagay at pangyayari ang kanyang dadaanan—mga pangyayaring maaaring makapagpatibay o makapagpahina sa kanyang katauhan. Sa takbo ng buhay, pinakamahirap na daanan ang mga pagkakataong magkamali, madapa, at mabigo sa landas na tinatahak.

Paano ba magsimulang muli? Paano bumangon? Paano ba tumayo at harapin ang bagong bukas?

Maliban sa pagpapaalam, mahirap magsimula at muling bumangon upang pulutin ang mga pira-pirasong bakas ng nakaraan at habiin ito upang harapin ang panibagong araw na nakataas ang noo.

Maraming bagay ang nagdudulot sa tao ng kabiguan at kamalian. Ang halimbawa nito ay mga kabiguan sa pag-ibig at trabaho, mga suliranin sa buhay at mga bagay na dapat harapin. Sa bawat pagkakadapa, mararamdaman niya ang iba’t ibang pasakit, pait, at kabiguan. Tanging ang mga luha, kasabay ng pagtanggap sa kamalian at pagharap sa problema, ang kanyang sandata.

Malimit nating marinig ang trahedya ng mga bigo sa pag-ibig. Ang pagtanggap sa katotohanan ang tanging solusyon ng isang bigo upang lagpasan ang sakit na dulot ng kabiguang ito. Ito rin ang magsisilbing gabay niya upang haraping muli ang panibagong hamon ng pag-ibig.

Ayon sa tema ng isang banyagang pelikula, ang isang taong nadapa na sa pag-ibig ay luluha sa sakit na nadarama. Masasabi lamang na nakabangon na siya kung tanggap na niya ang kabiguan at handa nang harapin ang taong bumigo sa kanyang puso. Ayon sa naturang pelikula, magiging handa siyang harapin ang panibagong pag-ibig kung kaya na niyang alagaan at buhayin ng wasto ang isang halaman at alagang hayop. Ang maingat na pag-aalaga sa mga halaman at hayop ay nagpapakita na handa nang umibig ang isang tao.

READ
Bathwater

Sa pag-inog ng buhay, ang pagkakamali ng isang tao sa kanyang propesyon, pag-aaral, at sa iba pang aspeto ng kanyang buhay ay nagbabadya ng takot sapagkat ito ay nakatatak na sa kanyang katauhan at maaaring makapagpaliko ng kanyang landas. Maaaring sa pagkakadapang ito, tuluyang magbabago ang buhay ng isang tao. Sa pagbangon mula sa kabiguan, hindi lamang luha ang solusyon kundi isang malalim na pagtanggap at pag-amin sa sariling kamalian. Ang payo ng mga matatanda, bahagi ng buhay ang madapa. Subalit dapat handang bumangon ang tao sapagkat mas maiintindihan niya ang buhay kung siya ay bumangong muli at matuto mula sa kanyang naunang kamalian. Nawa’y pakatatandaan natin na sa bawat pagsara ng pinto ay pagbukas ng panibagong bintana.

Maihahalintulad sa isang laro ang buhay ng tao. Maaari itong masaya o malungkot. Maaring manalo o matalo siya. Maaring lagpasan nang walang hirap o kailangang madapa para marating ang wakas. Panangga sa bawat kamalian at kabiguang darating ang pagnanais na bumangon at wastong pagtingin sa buhay.

Walang saysay ang buhay na inaasahan nating nag-uumapaw ng kasiyahan at walang halong pasakit. Ang mga bagay na matututunan natin mula sa ganitong takbo ng buhay ay batay lamang sa nakasulat sa mga aklat at mga panaginip ng mga tao. Sa bawat pagkadapa at kabiguan, natututo ang tao na maging matatag sa kanyang paninindigan sabay may mga aral siyang mapupulot. Ang bawat aral na napupulot sa mga karanasang ito ay humahasa sa buong pagkatao ng isang nilalang. Ngunit ang pag-iwas sa problema at takot na bumangon sa isang kamalian, ay marka ng isang talunan, talunan na walang natutunan mula sa kanyang karanasan at hindi handang harapin ang panibagong bukas.

READ
Central Library has new chief librarian

Ayon sa isang kasabihan, lalong tumatapang ang isang sundalo kapag nasusugatan ito. Ganito rin ang bawat yugto ng buhay. Sa bawat sakit na nadarama, dapat matuto ang isang tao na pulutin at hanapin ang mga bakas nito. Kailangan niyang harapin at gawing hamon ang bawat pait sapagkat kung mas nanaisin niyang magtago, walang patutunguhan ang landas na kanyang tinatahak. Magiging limitado ang kanyang buhay sa mundo niyang maliit. Matatakot siyang iangat ang mga paa sa takot na ang kanyang mga hakbang ang makapagbalik sa kanya sa kabiguang tinatakasan.

Wika nga ng mga nakatatanda, subukan mo nang subukan hanggang iyong makamtan. Sa kawikaang ito, ipinapakita na ang pagbangon mula sa isang pagkakamali o kabiguan ay isang gawaing marangal. Ito ay tuluyang makapagpabago sa takbo ng buhay ng isang tao at makapagpa-unlad sa buong sangkatauhan.

Hindi masama ang magkamali—ang masama ay hayaan natin ang ating mga sarili na patuloy na tuliro sa paniniwalang tapos na ang lahat sa atin. Puno ang buhay ng mga bagay na hindi natin inaasahan. Malay natin, nakatago sa mga kabiguan ay isang bagay na tuluyang makapagpabago sa ating buhay. Jerry V. Pua

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.