NAMAYAGPAG ang mga Tomasino sa katatapos lamang na licensure examinations para sa Architecture, Nutrition and Dietetics, Occupational Therapy, Physical Therapy, Nursing, at Medicine.
Sina Ramil Tibayan ng Architecture, Paola Suarez ng Nutrition-Dietetics, at Melissa Paulita Mariano ng Medicine ang tatlong bagong topnotcher ng UST na nagtala ng 84.10, 89.95, at 88.17 porsyentong grado.
Sa 12 pumasok sa Top 10 ng Medicine, anim ang nanggaling sa UST. Ito ay sina Mariano, Erick Mendoza na may 88 porsyentong grado; Katrina Mae Gamponia (87.67 porsyento); Joseph Villanueva (87.17 porsyento); Ricky Hipolito (87.08 porsyento); at Hebert Manaois (86.92 porsyento).
Dalawampu’t anim na Tomasino naman ang nakapasok sa ika-lima hanggang ika-10 puwesto sa Top 10 ng Nursing board exam.
Wala mang topnotcher ngayon, ikinatuwa ni Glenda Vargas, dekana ng Nursing, ang resulta ng eksamen.
“We still believe that there is common performance among our students. The first four places include only one each from different schools, but when it comes to fifth place we had three [passers] already. Then we had students who occupied the sixth, seventh [and so forth],” ani Vargas.
Hinirang ng Professional Regulation Commission (PRC) ang UST bilang ikalawang top performing school na may higit sa 100 na kumuha ng eksamen. Ayon kay Vargas, 472 ang mga bagong Tomasinong nars, na siyang pinakamarami sa buong bansa ngayong taon.
Tumaas sa 99 porsyento ang passing rates ng UST sa Medicine at Nursing kumpara sa 97 porsyento at 98 porsyento noong isang taon. Pumalo naman sa 71.28 porsyento at 44 porsyento ang national passing rates sa dalawang eksamen.
Bumaba ang passing rates
Pitong Tomasino naman ang nasa Top 10 sa Occupational Therapy kung saan dalawa ang kapwa nasa ikalawang puwesto na may 84.60 porsyento; dalawa sa ikatlo (84.40 porsyento); at tig-isa sa ika-apat (84.00 porsyento), ika-pito (82.40 prosyento), at ika-walong puwesto (81.80 porsyento).
Sa Physical Therapy, nasa ika-walong puwesto naman si Linelle Stacy Lao, ang kaisa-isang Tomasinong pumasok sa Top 10, na may 83.35 porsyento.
Hindi man nawala sa Top 10, sumadsad naman sa 70 porsyento ang passing rate ng Occupational Therapy mula sa 84 porsyento noong nakaraang taon. Bahagyang bumaba ang sa Physical Therapy sa 97 porsyento mula 98 porsyento noong nakaraang taon. Kapwa 44.6 porsyento ang national passing rate ng Occupational Therapy at Physical Therapy sa katatapos lamang na pagsusulit.
Dahil dito, hindi masabi ni Jocelyn Agcaoili, dekana ng College of Rehabilitation Sciences, kung ikinatutuwa niya ang resulta.
Bumaba man ang mga passing rates, top performing school pa rin ang UST sa Physical Therapy sa kategoryang “50 and more examinees” at ikalawang top performing school naman sa Occupational Therapy sa kategoryang “less than 50 examinees.”
Bumaba rin ang passing rate ng Nutrition-Dietetics kung saan tanging sina Robby Carlo Tan na may 88.40 porysento at Generose Rosario (86.65 porsyento) ang nakapasok sa ika-apat at ika-pitong puwesto sa Top 10. Mula 94 porsyento noong nakaraang taon, bumaba ang passing rate sa 89 porsyento. Pumalo sa 67 porsyento ang national passing rate.
Mula rin sa 68 porsyento ng passing rate, dumausdos sa 55 porsyento ang passing rate ng Architecture ngayong taon bagaman mas mataas pa rin ito kumpara sa 36 porsyentong national passing rate. Si Joanna Jane Comsti ang nag-iisang Tomasino sa Top 10 matapos niyang gumuhit ng 80.80 porsyento.
‘Signature of the dean’
Nais ibalik ni John Joseph Fernandez, dekano ng Architecture, ang “signature of the dean” kung saan sasalain muna ng dekano ng bawat kolehiyo ang bawat estudyanteng kukuha ng board exam.
“Isinusulong naming ibalik ang ‘signature of dean’ policy ng PRC at Board of Architecture para malaman namin kung sino talaga yung first-time passer. Yung iba kasi kahit hindi nag-aaral, kumukuha pa rin ng exam,” aniya.
Ayon naman kay Agcaoili, pinapayuhan ang mga estudyante kung sa kanilang palagay ay hindi pa handa ang mga ito na kumuha ng eksamen.
“Kapag mababa sila sa mock exam, sinasabi namin sa kanila na puwede pa silang mag-take sa February, pero nasa kanila pa rin ang desisyon dahil tapos na ang obligasyon namin sa kanila.” Cliff Harvey C. Venzon at Darenn Rodriguez at may ulat mula kay Jilly Anne A. Bulauan