SA PANAHON ng instant coffee, instant noodles, instant make-over, at Instagram, nakahanap ng puwang ang isa pang “instant” na mabentang-mabenta—ang Instant Boyfriend/Girlfriend.

Kaakibat ng instant boyfriend/girlfriend ang isa pang instant—ang Instant Panliligaw—na tila patok din sa makabagong panahon. Ngunit bakit nga ba naging ganito na ang kalakaran ng pagsinta, samantalang nanggaling tayo sa panahon kung kailan paglapastangan nang maituturing ang pagdampi sa kamay ng mga kababaihan?

Saksi ang mga mobile phone sa panliligaw sa pamamagitan lamang ng pag-text o pagtawag. Isang love quotation, isang group message na sa minamahal lamang pala ipinadala, isang pasa-load kung sa tingi’y walang load ang iniirog kaya’t hindi maka-reply—paniguradong pag-ibig na nga ang naghahari sa dalawang magkausap. Tila nakahanap na ng pag-ibig ang dalawang partido nang dahil lamang sa kanilang mga pinag-uusapan mula umaga hanggang gabi, bilang pareho silang gumagamit ng unlimited texting at calling na promo ng kani-kanilang networks. At bago pa man ang kanilang unang pagkikita, natanggap na ng isa’t isa ang kanilang matatamis na “Oo” at “I love you.” Kung gaano katagal ang kanilang relasyon, walang makapagsasabi—basta’t ang lahat ay nagsimula lamang sa isang text message.

Saksi rin ang ilang relasyon sa kakulangan ng pagsisikap ng ilang manliligaw—ang isang buwan na panunuyo para sa ilan ay katumbas na rin ng isang taon. Pagmamalabis man sa unang tingin, ngunit kung iisipin, tila ganito na nga yata ang nangyayari sa ilan—tatlong araw na panliligaw lamang, at hindi na makapaghintay ang naturang “masugid” na manliligaw. Ang nakagugulat pa rito, sa pagnanais ng manliligaw ng isang instant na relasyon, pati ang kaniyang pagpapatunay ng pagmamahal ay kaniya nang minamadali.

READ
UST High School, gagamit ng 'tablets' sa pagtuturo

Mapalad pa ngang maituturing kung nagkaroon ng panliligaw sa isang relasyon, dahil saksi na rin ang ilang relasyon sa ideya ng “mutual understanding,” “friends with benefits,” at “pseudo-relationships.” Mutual understanding na maituturing ang inyong relasyon kung kayo ay nagkakaintindihan at nagmamahalan—ngunit ayaw niyo pang sumabak sa isang relasyon. Friends with benefits namang maituturing ang isang relasyon kung sa pisikal na atraksiyon at pagnanasa lamang umiikot ang inyong pagsasama. Samantalang ang mga pseudo-relationship nama’y relasyon kung saan ayaw ninyong bansagan ang inyong pagsasama—basta’t kayo’y “masaya,” ayos na.

Komplikado, makabago, mabilisan—ganyan na ang pakikipagrelasyon sa ika-21 na siglo. Mabuti man o hindi ang ganitong kalakaran, walang nakasisiguro; ako mismo’y hindi na estranghero sa mga ganitong estilo. Ngunit anu’t ano pa man, sa panahon ngayon ng pagmamadali, hindi ba’t karapat-dapat namang pahalagahan ang sagradong larangan ng pag-ibig?

Tunay nga namang hindi maiiwasan ang pakiramdam, ngunit ang ating magiging tugon sa damdaming ito’y maaari nating pag-isipan. Sakaling dumating ang panahon na tayo’y iibig, ‘wag sana nating makalimutan ang ating sarili, at ang mundong dating nariyan para sa atin, bago pa man dumating ang ating minamahal.

Walang nakikitang edad o estado ang pag-ibig. Wala rin itong ipinagbabawal at pinapanigan. Tanging paggalang lamang ang nais nitong makamit.

Sa panahon ngayon kung kailan instant na ang halos lahat ng bagay at ideya, kung iyong gugustuhin, maaari kang maghintay—lalo na sa pag-ibig.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.