Pamantíng – (png) maliit na piraso ng metal na ginagamit upang makalikha ng apoy

KUNG HUNYO 12 ang araw ng Kalayaan, bakit sa Hunyo 9 walang pasok?

Ito marahil ang tanong na bumabagabag sa mga kabaataan ngayon matapos ilipat ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang bakasyon para sa Araw ng Kalayaan.

Kabilang ito sa ilang mga pambansang pagdiriwang tulad ng Araw ng Rebolusyon sa Edsa, at Araw ng mga Mangagawa na dapat sana ay walang pasok upang taimtim itong magunita ng ng mga mamamayan. Ngunit nang dahil sa polisiya ng gobyerno na tinatawag na “holiday economics,” napalapit sa araw ng Sabado at Linggo ang nakalaang araw ng bakasyon para sa mga ito upang magbigay daan sa mas mahabang araw na walang pasok para sa mga mamamayan.

Ayon sa Pangulo, binibigyan daw nito ng pagkakataon ang mga tao na magtungo sa iba’t ibang tourist destination sa bansa na magdudulot ng mas maunlad na turismo.

Maganda ang intensyon ng Pangulo para sa nasabing proyekto na layong palaguin ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng turismo. Ngunit dahil sa nasabing sistema, tila unti-unti nang nawawalan ng saysay at kasagraduhan ang mga nasabing okasyon dahil mas binibigyang pansin na ng gobyerno ang maidudulot ng “holiday economics” kaysa sa pagdiriwang ng mga mahahalagang pangyayari sa ating kasaysayan na naganap noong araw na iyon.

Dahil sa nasabing pagbabago naguguluhan na ang mga mamamayan kung anong araw dapat ipagdiwang ang mga okasyong naapektuhan ng “holiday economics” dahil mayroon na silang pasok sa kanilang mga opisina o paaralan sa araw na dapat sanang ginugunita ang mga ito. Marahil gaya ng sinabi ng isang komentarista sa isang istasyon sa radyo, kung ipagpapatuloy ng gobyerno ang nasabing sistema hindi malayong mabago na rin ang araw ng Pasko at Bagong taon.

READ
Pope to resign, Czech paper says

Bukod sa pagpapalit ng araw, kapuna-puna din ang mismong pagdiriwang sa Araw ng Kalayaan. Ayon sa isang pahayagan imbes na ipinagdiwang ito sa pamamagitan ng pagdaraos ng tradisyunal na parada na gumugunita sa ating kasaysayan, ginamit daw ng gobyerno ang pondong inilaan dito para sa isang cultural program at job fair na idinaos sa Rizal Park matapos ng nakagisnang pagtaas ng pambansang watawat. Sa ganitong paraan sabi ng Pangulo, maibibigay ng gobyerno sa mga mahihirap ang pondong natipid nito sa pagliban sa nasabing tradisyon.

Pero bagama’t ito ang ipinahayag ng gobyerno, bakit ipinagpatuloy pa rin nito ang muling pagbuhay “rigodon de honor,” isang tradisyunal na piging na nagmula pa sa panahon ng mga Kastila at siyang naging bahagi na paggunita sa Araw ng Kalayaan noong panahon ng mga Amerikano na itinigil noong 1980’s. Ginanap ang nasabing pagdiriwang sa Malacañang, kung saan imbitado ang mga matataas na opisyal ng gobyerno at ibang importanteng at kilalang tao sa Maynila.

Maraming tao ang nadismaya sa nangyari, lalo na ang mga residente sa Maynila na taon-taon nang sumasama sa nasabing pagdiriwang. Hindi makakailang maraming nakinabang sa programa at job fair, pero hindi ito sapat na dahilan upang ipagsawalang bahala ang Araw ng ating Kasarinlinlan bilang malayang mga mamamayan ng isang malayang bansa.

Ang tradisyon at kultura kabilang ang mga okasyong ating ipinagdiriwang ang nagsisilbing padron ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino na hindi matutumbasan ng kahit anong halaga. Aanhin mo na naman ang kaunlaran kung wala ka nang dignidad bilang isang Pilipino?

Wastong respeto at pagbibigay importansya ang kinakailangan upang ito ay mapangalagaan dahil gaya nga ng sinasabi ng isang kasabihan bagama’t gasgas na ito: “Ang hindi lumingon sa kanyang pinangalingan, hindi makakarating sa kanyang paroroonan.”

READ
Is UST earth-friendly enough?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.