TAHASANG tinutulan ng Unibersidad ang kautusan ng Commission on Higher Education (CHEd) na tanggalin ang Filipino sa kolehiyo bilang pakiki-ayon sa bagong curriculum ng K-12.
Bilang pagtugon sa kinakaharap na suliraning pangwika ng bansa hinggil sa pagtanggal ng Filipino sa kolehiyo, nakiisa ang Unibersidad sa pangunguna ng Department of Filipino sa pagdiriwang ng “Buwan ng Wikang Pambansa: Wika ng Pagkakaisa” sa pamamagitan ng pagdaos nito ng Saliksikan 2014 at Tanggol Wika noong ika-4 at ika-6 ng Agosto sa AMV College of Accountancy Multi-Purpose Hall.
Isang libreng simposyum ang Saliksikan na itinaguyod ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF) na naglalayong tipunin at hikayatin ang mga guro, propesor, mag-aaral, iskolar at manunulat sa Filipino na makiisa at makialam sa mga pananaliksik ng iba’t ibang dalubhasa tungkol sa mga pagbabago at ebolusyon ng wikang Filipino.
Sa kabilang banda, isang kilusan naman ang Tanggol Wika na may paksang “Tomasino para sa Wikang Filipino at Makabayang Edukasyon” na naglalayong ipaunawa sa lahat ang kasalukuyang isyung pangwika kaugnay ng K-12.
Naging pangunahing paksa sa dalawang talakayan ang pagtutol ng mga dalubwika sa ipinalabas na kautusan ng CHEd na tanggalin ang pagtuturo ng Filipino sa kolehiyo upang magbigay daan sa pagpapaigting ng kaalaman ng mga mag-aaral sa agham, matematika at maging sa teknolohiya. Isa itong paghahanda para sa darating na integrasyon ng mga bansa na kabilang sa Association of Southeast Asian Nations sa 2015.
Paliwanag ng CHEd, isa itong hakbangin na kinakailangan upang madaling makasabay sa ragasa ng globalisasyon ang mga Filipino.
Tutol naman ni Melania Abad-Flores, propesor ng Filipino sa University of the Philippines-Diliman (UP-Diliman), dapat alalahanin na hindi lamang pulos mabuti ang dulot ng globalisasyon sapagkat nagdudulot ito ng pagkawala ng sariling pagkakakilanlan ng isang bansa sa pamamagitan ng pag-usbong ng ideyolohiyang dayuhan.
“Ang liit na nga ng Filipinas, kalat-kalat pa tayo. Wala na rin tayong konsepto ng ‘bansa’, tapos lalamunin pa tayo ng konseptong globalisasyon,” ani Flores.
Inamin rin niya na mula pa noong 1987, wala pang batas na nagtatalaga sa wikang Filipino na gamitin itong wika ng pagtuturo at ng pagkatuto upang maging isa ang bansa.
“Ang wikang ito ang magbibigay sa atin ng talino, tapang, at lakas na magsisilbing panimulang-puhunan natin bilang isang bansa,” giit niya.
Ayon naman kay Ramon Guillermo, propesor rin ng Filipino sa UP-Diliman, kung sa tingin ng mga Pilipino na wikang Ingles talaga ang wikang magsusulong sa ekonomiya ng bansa at magdudulot ng kaunlaran at kasaganaan sa pamumuhay ng bawat Filipino, dapat noon pa ma’y maunlad na tayo tulad ng ibang bansa.
“Noon pang 1990’s nagsimulang mag-Ingles ang mga Filipino. Sabi raw, Ingles ang wika para sa globalisayon, kung gayon, nasaan na ba dapat ang Filipinas ngayon kung matagal na tayong nag-i-Ingles?” aniya.
Dagdag pa ni Guillermo, napapanatili ng mga mauunlad na bansa ang pag-aaral ng kanilang wika hanggang sa kolehiyo lalo na sa Europa, isang kongkretong patunay na hindi balakid sa pag-unlad ang sariling wika.
“Hindi naging hadlang para sa ibang bansa ang sarili nilang wika upang maging progresibo, kaya dapat maisip nating mga Filipino na ang wikang Filipino ay hindi dapat maging sagabal sa pag-unlad,” aniya.
Para naman kay Aurora Batnag, pangulo ng PSLLF, mahalaga na matalos at maunawaan ng lahat na hindi lamang pakikipagtalastasan ang gamit ng wika sapagkat ang pagkakaisa at pag-iisa sa damdaming Filipino ang higit na mahalagang tungkulin nito.
“Huwag nating sayangin ang nakamit na tagumpay ng wikang Filipino sa nakalipas na mga dekada. Patuloy tayong mag-isip, magsulat, maglathala, magsaliksik, makipagtalakayan gamit ang Filipino sa lahat ng antas ng pagkatuto,” aniya.
Pag-sang-ayon ni Michael David San Juan, propesor ng Filipino sa DLSU, kay Batnag, ipinahayag niya na sa wikang pambansa lubos na nakikilala ang mga mamamayan na gumagamit at tumatangkilik dito.
“Ito ang wika ng pambansang diskurso, wika ng mga ordinaryong mamamayan, wika ng demokratisasyong pampulitika, at obra maestra ng mga wikang rehiyonal sa Filipinas. Samakatuwid, ito ang salamin ng ating kolektibong identidad,” aniya.
Tama at mainam ang lahat ng inyong sinabi. Malaki ang naitulong nito sa pggawas ko ng editoryal na ipapasa ko sa aking guro sa filipino. Maraming salamat po.