UPANG makasunod sa pambansang reporma sa edukasyon, nakatakdang ilunsad ng Unibersidad sa akademikong taon 2016-2017 ang Senior High School (SHS), na magdaragdag ng ika-11 at ika-12 na baytang sa mataas na paaralan.
Ayon sa opisyal na pahayag ng UST sa Facebook page nito, ang SHS ay alinsunod sa mga pamantayan sa ilalim ng Philippine Qualifications Framework at ASEAN Qualifications Framework, kung saan inuuri ang antas ng kasanayan at edukasyon na kailangan bilang kuwalipikasiyon sa iba’t ibang trabaho.
Si Pilar Romero, kasalukuyang supervising teacher ng Christian Living sa Education High School ng Unibersidad, ang magiging punong-guro ng SHS na magbubukas ng klase sa Gusaling Buenaventura Garcia Paredes, O.P. sa isang taon.
Ayon kay Romero, malaki ang maitutulong ng SHS sa pagiging handa ng mga mag-aaral na tutuloy sa kolehiyo. “It is expected that after two years in SHS, the students have acquired a certain degree of maturity not only with the age, but in the sense that they are ready enough to handle what’s there in college. It will give them an advantage because the SHS is a great pre-university training,” ani Romero sa isang panayam sa Varsitarian.
Dagdag pa niya, ihinahanda na ng Unibersidad ang mga silid-aralan na gagamitin ng SHS at inaasikaso na rin ang pagkuha sa mga guro.
“The SHS will be a seedbed of innovations as we aim not only to ensure, but also enhance the quality of education that we are giving in the University,” ani Romero. “We are conceptualizing a better type of learning space for the students and we will be getting faculty members who have experience, competence and those who are experts at their field.”
Samantala, UST Junior High School (JHS) na ang tawag sa dating UST High School, ayon sa isang memorandum na inilabas ng Office of the Secretary General noong ika-31 ng Hulyo. Mananatili naman ang Education High School bilang laboratory school ng College of Education.
Sinimulan ng UST ang pagtanggap ng aplikasyon para sa SHS noong ika-15 ng Hunyo. Magtatapos ito sa ika-22 ng Enero ng 2016.
Nakatakdang isagawa ang UST Entrance Test o USTET para sa SHS sa ika-27 ng Setyembre at ika-6 ng Disyembre ngayong taon, at ika-31 ng Enero ng susunod na taon. Ang resulta ay ilalabas sa ika-15 ng Marso sa susunod na taon.
‘Academic strands’
Maaaring pumili ang bawat estudyante ng SHS sa anim na “academic strands” upang makapaghanda sa kolehiyo: Science, Technology, Engineering and Mathematics Strand; Liberal Arts, Education and Social Science Strand; Accountancy and Business Management Strand; Music and Arts Strand; Physical Education and Sports Strand; at Health-Allied Strand.
Binago ng Unibersidad ang panukalang “tracks” ng pamahalaan mula sa sumusunod: Academic, Technical-Vocational-Livelihood at Sports and Arts. Ang Academic track na panukala ng pamahalaan ay may tatlong strands: Business, Accountancy, Management (BAM); Humanities, Education, Social Sciences (HESS); at Science, Technology, Engineering, Mathematics (STEM).
Idinagdag ng UST ang Health-Allied Strand at Music and Arts Strand.
Ayon naman sa opisyal na website ng UST, may magkakatulad na core subjects ang mga programang akademikong nakahanay sa curriculum guides ng Department of Education (DepEd). Kontekstwalisado ang mga asignatura ayon sa katangian ng bawat strand.
“Each strand likewise has specialized subjects that prepare the students for the tertiary program they intend to pursue,” sabi ng UST website.
Maglalaan ang Science, Technology, Engineering and Mathematics Strand ng kinakailangang academic grounding sa mga gustong kumuha ng kurso sa kolehiyo sa physical sciences, mathematics, engineering at technology.
Nakadisenyo ang Liberal Arts, Education, and Social Science Strand upang mabigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga mag-aaral na naglalayong kumuha ng kurso sa liberal arts (philosophy, literature, communication arts, journalism), education at social science (sociology, history, behavioral science, psychology and asian studies).
Makatutulong ang Accountancy and Business Management Strand sa pagbibigay ng sapat na pre-university training sa mga gustong magtuloy ng kurso sa entrepreneurship, banking, accountancy, finance at management sa mga korporasyon at sa industriya ng hotel at turismo.
Ihahanda ng Music and Arts Strand ang mga gustong magtuloy sa performing arts, media and visual arts at industrial arts, habang ang Physical Education and Sports Strand ay naglalayong makapagsanay ng mga mag-aaral sa physical education at sports science.
Para naman sa mga papasok sa mga tertiary programs tulad ng biochemistry, medical technology, nursing, nutrition and dietetics, pharmacy, physical and occupational therapy, at speech pathology ang Health-Allied Strand.
Solusyon
Nauna nang ibinalita ng Varsitarian na ang SHS ang isa sa mga solusyon ng UST sa pansamantalang pagkawala ng mga mag-aaral sa kolehiyo dahil sa pagpapatupad ng repormang K to 12.
Sa isang taon, 13 na programa sa kolehiyo lamang ang bubuksan sa UST, dahil inaasahang kaunti lamang ang mga mag-aaral na papasok sa unang taon ng kolehiyo. Sa 2016, papasok sa ika-11 na baytang ang mga mag-aaral sa halip na tumuloy sa kolehiyo.
Ang sistemang K to 12 ay binubuo ng kindergarten, anim na taon ng elementarya, apat na taon ng Junior High school at ang karagdagang dalawang taon sa SHS. Ito ang hakbang ng DepEd sa pagpapaigi ng kaledad ng basic education sa bansa. A.A.M. Peralta at J.P. Villanueva