DATI’Y simpleng pagniniig at pagsasalu-salo, ngayo’y isa na sa mga pinakainaantabayan ng mga Tomasino—ito ang Pasko sa USTe.

Ayon kay Froilan Fontecha, isang propesor sa College of Architecture at ang nagdidisenyo ng mga Pamaskong palamuti sa Unibersidad sa nakaraang pitong taon, ang kasalukuyang tema ay orange accent at mga usa na sumisimbulo sa karunungan.

Noong 2010, gumamit si Fontecha ng apat na parol na may disenyong araw na nakasabit sa Main Building para sa pagsalubong ng ika-400 na taon ng UST. Ang nakagawiang dilaw na tema sa Unibersidad ay pinalitan ng kulay lila para sa kampanaryo ng Main Building at sa Christmas tree na sumisimbolo ng pagiging marilag na estado ng Unibersidad at paggunita ng panahon ng Advent na nakatakda sa kalendaryo ng Simbahang Katolika.

Ngayong taon, hindi gaanong nilagyan ng dekorasyon ang Main Building bilang pagtugon sa pagkahirang ng gusali bilang isa sa mga United Nations World Heritage Sites.

“Hangga’t maaari, iniiwasan naming gumamit ng mabibigat na mga dekorasyon na puwedeng makapinsala sa Main Building,” ani Fontecha.

Samantala, ang higanteng Christmas tree na kasalukuyang makikita sa tabi ng Grandstand ay unang itinayo noong 1980 sa tabi ng Arch of the Centuries. Ang naturang Christmas tree na dinisenyo ni Rey Mañago, propesor ng College of Fine Arts and Design, ay may taas lamang noon na 10 talampakan. Matapos ang tatlong taon, inilipat ito sa field.

Sa nakalipas na mga dekada, ang naging paggunita ng Pasko sa Unibersidad ay sa pamamagitan ng musical programs at pagdiriwang ng misa. Pagsapit ng 1991, idinaos ang “Paskong Tomasino: Paskong Filipino ’91.” Maliban sa pagsasadula ng “Panunuluyan” sa loob ng Unibersidad, nagsagawa rin ng programa ang Unibersidad na pagtanggap ng mga tulong para sa mga taong naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo at ang pagbaha sa Ormoc.

READ
2 Thomasian scientists feted by country's Research Council

Ang Paskuhan ay nagsimula lamang noong 1993 bilang isang salu-salo sa UST na pinangunahan ni Fr. Tereso Campillo, O.P., dating ingat-yaman ng Unibersidad. ‘Di kalaunan, naging isang malaking pagdiriwang na ang Paskuhan dahil isinabay ito sa selebrasyon ng nalalapit na pagdating ni Pope John Paul II.

Sa buwan din ng Disyembre isinasagawa ang taunang “Book Fair” ng UST Publishing House kung saan sila’y nagbebenta ng iba’t ibang aklat na inilimbag ng publishing house sa mas mababang halaga kumpara sa orihinal na presyo.

Taong 1991 unang ginanap ang taunang bentahan ng mga libro ay nakagawiang nakikita sa dating España covered walk na tumatagal ng halos dalawang linggo.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na mula pa dekada 60’s, mayroon nang Tomasinong nanguna sa Certified Public Accountant (CPA) Licensure Exam?

Nagtapos noong 1963, si Mercedes Diokno-Rovira ang pinakaunang Tomasinong nakamit ang unang puwesto sa CPA Licensure Exam, ayon sa saliksik na “College of Commerce and Business Administration: A Story of Phenomenal Success” ni Augusto de Viana, puno ng Department of History ng Unibersidad.

Sa ginawang pananaliksik ni Augusto de Viana, propesor ng Unibersidad at historyador, na “College of Commerce and Business Administration: A Story of Phenomenal Success,” si Mercedes Diokno-Rovira ang kauna-unahang Tomasinong nanguna sa CPA Licensure Exam.

Sa naging tagumpay ni Rovira noong 1964, tumaas ang nagparehistro sa College of Commerce at nakapagtala ang naturang kolehiyo ng 5,149 na mga mag-aaral noong akademikong taon 1967-1968.

Pinarangalan noong 1969 ng kolehiyo Rovira bilang isa sa kanilang Outstanding Alumni sa pagiging dalubhasa sa larangan ng pagnenegosyo.

READ
New seminary rector seeks stronger priests' formation

Sa kasalukuyan, ang Unibersidad ay mayroong pinakamalaking bilang ng mga pumapasa sa CPA licensure exams at isa sa top-performing schools sa mga nagdaang taon. Elora Joselle F. Cangco

Tomasalitaan

Saluno (png)—pagsalubong sa daan; pagsundo

Hal. : Halika’t magpasaluno sa kahapon at takbuhan ang mga hindi mawaring hinagpis at takot ng hinaharap.

Mga Sanggunian:

Celzo, J., & Patricio, S. (1999, December 16). Ang Higanteng Christmas tree sa USTe. Varsitarian

Manipon, R. (1994, December 23). A Christmas Tradition. Varsitarian.

Tajuco, J. F. (2000, December 16). Paskuhan. Varsitarian

Torralba, K. (1991, Dec 3). Thomasian Celebrate Paskong Filipino. Varsitarian .

Viana, A. D. College of Commerce and Business Administration: A Story of Phenomenal Success.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.