KINILALA ang kakayahan ng Unibersidad na maglabas ng dekalibreng mga Nursing graduate at alumni sa pag-aaral na nagwagi ng Best Paper Award sa isang komperensiya sa Thailand.

Sa nakalipas na 1st International Conference on the Development of Economy, Society, Environment and Health noong ika-23 hanggang 24 ng Hulyo sa Thailand Science Park Convention Center, kinilala ang mataas na passing rate ng UST sa taunang Nursing board exams.

Sa pag-aaral na pinamagatang, “What it takes to succeed in the Philippine Nursing Licensure Examinations (PNLE): A retrospective qualitative inquiry on the journey of Thomasian Board Topnotchers,” tinalakay ng propesor na si Marica Estrada mula sa College of Nursing ang mga salik sa pagiging topnotcher ng mga Tomasino sa naturang pagsusulit.

Ayon sa pag-aaral ni Estrada, nagsimulang maghanda para sa board exams ang mga Tomasinong topnotcher sa unang taon pa lamang sa kolehiyo. Isinaisip agad ng mga mag-aaral ang hangad na manguna sa pagsusulit.

“As early as their first year, these nursing topnotchers were already visualizing their goal of coming out on top of the exams. They were motivating themselves and it showed because they would create their own study methods and memorization techniques and they would study the concepts by heart,” ani Estrada sa isang panayam.

Dagdag niya, malaking bagay ang pakikitungo ng mga guro at estudyante sa isa’t isa at ang mga programang maghahatid ng karagdagang kaalaman, kasiyahan at inspirasyon sa mga mag-aaral.

“There has to be effort from professors to encourage and guide the students to learn. Kapag nakikita ng mga estudyante na tinutulungan sila, mas gaganahan silang mag-aral,” ani Estrada.

READ
GMA orders Nursing board retake

Aminado si Estrada na kailangan pang humabol ng UST pagdating sa makabagong teknolohiya na magagamit sa pag-aaral, na mayroon ang mga pamantasan ng ibang Asyanong bansa. Ngunit tiwala si Estrada na angat ang Unibersidad pagdating sa “hands-on experience.”

Ayon kay Estrada, mas maraming pagkakataon ang mga Tomasinong mag-aaral na magamit ang kanilang kaalaman sa praktikal na paraan dahil sa nakakasalamuha nila ang mga pasyente.

“We may not have the simulation and other innovations, but our students deal with human interaction and real instances so that is our edge,” ani Estrada.

Kasama ni Estrada sa ginawang pag-aaral ang dalawa pang instruktor galing Nursing na sina La Arnie Lazalita at April Joy Gascon. Tinalo nila ang 11 pang presentasyon mula sa iba’t ibang Asyanong bansa.

Kabilang ang UST sa top-performing schools ng PNLE. Mula 2007, nagtala ang UST College of Nursing ng lagpas 98 porsiyento na passing rate at 149 na topnotchers.

Noong nakaraang taon, nagtala ang Unibersidad ng 99.55 porsiyentong passing rate kung saan 446 mula sa 448 na kumuha ng exam ang nakapasa. Mas mataas ito kaysa noong 2013 kung saan 99.04 porsiyento o 411 mula sa 415 na kumuha ng pagsusulit ang nakapasa. Bumaba naman ang pambansang passing rate mula 42.81 porsiyento noong 2013 hanggang 38.46 porsiyento noong 2014.

Dahil sa pagbabago ng akademikong kalendaryo ng UST, iniurong ang pagkuha ng PNLE ng nagsipagtapos na batch ng nursing, na dapat sana ay noong Mayo. Sa Nobyembre kukunin ng mga nagsipagtapos ang pagsusulit.

Ang College of Nursing ay itinuturing ng Commission on Higher Education na Center of Excellence. Level III ang accreditation nito sa Philippine Association of Colleges and Universities Commission on Accreditation.

READ
Writer-professor Joyce Laig passes away at 80

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.