IPINATUPAD ng pamahalaan ang Executive Order (EO) No. 210 noong Marso 17, 2003 na muling nagtatakda sa wikang Ingles bilang pangalawang wika sa pagtuturo sa mga pribado at pampublikong paaralan. Nilalayon ng kautusang ito na paunlarin pa ang kasanayan ng mga estudyanteng Pilipino sa wikang Ingles.

Kabilang sa mga probisyon ng EO 210 ang pagtatakda na ituro ang mga asignaturang matematika at agham gamit ang wikang Ingles simula ikatlong baitang ng paaralang primarya. Bukod pa rito, iniaatas ding gawing Ingles ang pangunahing wikang-panturo sa paaralang sekundarya. Nakasaad pa sa EO 210 na hindi maaaring bumaba sa 70 porsiyento ng kabuuang oras ng pag-aaral sa loob ng silid-aralan ang ilalaan sa pagtuturo na gamit ang wikang Ingles. Inilabas din ng Kagawaran ng Edukasyon ang Order No. 36 noong Agosto 22, 2006 upang maipatupad ang nasabing utos.

Ilang manunulat at guro naman ang nagtangkang pigilan ang pagpapatupad ng dalawang kautusang ito. Ayon sa isang petisyong isinampa ng mga grupong nagsusulong sa wikang Filipino, sa pangunguna ng Wika ng Kultura at Agham, Inc. (WIKA), labag umano sa Saligang Batas ang dalawang kautusan. Anila, taliwas ang mga kautusang ito sa isinasaad sa Article XIV Section 6 ng Saligang Batas, na “…dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wikang ng pagtuturo sa sistema pang-edukasyon.”

Dagdag pa ng mga naghain ng petisyon, magiging balakid din ang paggamit ng wikang Ingles sa paaralan sa pagkatuto ng mga mag-aaral na galing sa mahihirap na pamilya. Bunsod ng kahirapan, hindi sila nakakapag-aral sa mga pribadong paaralan na kung saan higit na ginagamit ang Ingles bilang wikang-panturo. Nahihirapan silang sumabay sa talakayan sa silid-aralan kapag Ingles na ang midyum ng pagtuturo.

READ
The E.R.: up and close

Subalit binasura ng Korte Suprema ang petisyon noong Hunyo dahil sa kakulangan nito ng ilang impormasyon hinggil sa pagpapatunay ng pagsang-ayon sa petisyon ng mga miyembro ng mga grupong kasamang nagsampa ng kaso.

Ayon kay Joel Malabanan, guro ng Filipino sa isang paaralang sekundarya sa Cavite at dating propesor ng Filipino sa De La Salle University, nakakaabala sa pagkatuto ng mga mag-aaral ang wikang Ingles sapagkat kinakailangan pa nilang magsalin ang mga salita sa isip nila.

Aniya, “Paatras na hakbang ang EO 210 sa pagyabong ng wika at panitikang Filipino.”

Batay naman sa aking karanasan, higit kong nauunawan ang mga itinuturo ng aking mga propesor kung ipinapaliwanag nila sa wikang Filipino ang mga mahihirap na aralin. Higit rin akong malayang nakapagpapahayag ng aking mga paliwanag o saloobin sa klase kapag pinahihintulutan akong magsalita sa nakasanayan kong wika.

Sa kabilang banda naman, hindi maikakailang may pakinabang rin sa mga estudyante ang pagtuturo gamit ang wikang Ingles. Bukod sa lumalawak ang kanilang kaalaman hinggil sa daigdig, nakatutulong ang pagkatutong gumamit ng wikang Ingles lalo na’t ito ang wikang ginagamit sa larangan ng komersyo at agham.

Mahalagang matutuhan ang wikang Ingles, ngunit higit na mainam kung ang mga mag-aaral ay tinuturuan muna sa wikang Filipino o sa rehiyonal na wikang kanilang nakasanayan sapagkat madali nilang maiintindihan ang mga aralin gamit ang mga ito. Naipakita na ito sa mga pag-aaral, gaya ng ginawa ng Lupon ng Pambansang Edukasyon sa Iloilo noong 1948 hanggang 1954 kung saan higit na natuto ang mga mag-aaral sa Iloilo nang Ilonggo ang ginamit na wikang panturo.

READ
Rice crisis a myth, experts say

Ang pagpili ng wikang panturo, batay sa naging karanasan ng ating sistema ng edukasyon, ay hindi lamang isang panandaliang usaping nakabatay sa pangangailangang pang-ekonomiya. Sa halip, mahalaga ring isaalang-alang dito kung paano nauunawaan ng mga estudyante ang kanilang paligid. Kaya’t nararapat lamang na pag-isipan nang mabuti ng pamahalaan ang mga polisiyang pangwika upang sa gayon ay higit itong makatulong. Joseinne Jowin L. Ignacio

4 COMMENTS

  1. diba may english subject na? bakit kaylangan pang eenglis ang math, science, religious educ. diba mas madaling intindihin kung ang aklat natin ay nakasulat sa wikang filipino? wala ba tayong karapatan na gamitin ang wikang filipino? bakit pa tayo nagdiriwang ng linggo ng wika kung halos lahat ng nakikita natin sa mga daan, eskwelahan, mga gusali, o anu-ano pa nakasulat sa wikang englis?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.