SA LOOB ng maraming taon, nakasanayan na ng mga paaralan at pamantasan ang mangasiwa ng iba’t-ibang gawain at palabas upang maipamalas ang kanilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Kasabay ng pagpupugay sa wikang Filipino, sinilip ng Varsitarian ang iba’t ibang pagdiriwang ng mga Tomasino bilang pagkilala sa ating pambansang wika.
Lakas ng bigkas
Hindi lamang sa pangangalaga ng kalusugan maipagmamalaki ang mga estudyante mula sa unang taon ng Kolehiyo ng Narsing. Kaya rin nilang magpakitang-gilas sa pagsulat at bigkasan.
Gamit ang kanilang pagkamalikhain, nagtagisan ng talento ang iba’t-ibang pangkat ng unang taon ng kolehiyo sa Sabayang Bigkas, ang pangunahing tampok ng Narsing para sa Buwan ng Wika.
Ginanap noong Agosto 22 sa Medicine Auditorium, kailangang ito para sa mga kumukuha ng asignaturang Filipino 1. Dahil sa isa itong malaki at matrabahong proyekto, magiging bahagi ng kanilang marka sa preliminary period ang magiging resulta ng paligsahan.
Pinangunahan ito ng Department of Languages and Humanities sa pamumuno ni Prop. Zendel Taruc, kabalikat ang Nursing Central Board of Students (NCBS), sa pangangasiwa naman ni Kathrine Bernadette Apostol, pangalawang kalihim ng NCBS.
Ayon kay Apostol, isang mahaba at matagal nang tradisyon ng kanilang kolehiyo ang sabayang bigkas. “Dumadaan sa kumpetisyong ito ang halos lahat ng kumukuha ng kursong narsing sa pamantasan,” dagdag niya.
Sa unang pagkakataon, kasama na sa mga alituntunin ng paligsahan ang paggamit ng sariling katha bilang piyesang itatanghal gamit ang temang “Yaman ng Wika, Gamit ng Katapatan.” Nanalo ang piyesang pinamagatang “Wika ng Ating Lipi” ni Joey Meneses mula sa Section I-1. Tinalakay nito ang pang-aalipusta sa wikang Pilipino at ang hangarin ng mga Tomasinong maibalik ang dati nitong karangyaan.
Sa kabilang dako, nakamit ng pang-anim na seksyon ang unang gantimpala gamit ang piyesa nilang “Tomasinong Pilipino, Pilipinong Tomasino.” Tinalakay ng piyesa ng grupo ang papel ng mga Tomasino sa pagpigil sa unti-unting pagbaba ng kalidad ng wika.
Pista ng talento
Iba’t-ibang talento naman ang ipinamalas ng mga estudyante mula sa unang taon ng Kolehiyo ng Komersyo. Pinamagatang “Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2007,” idinaos ang programa noong Agosto 24 sa Commerce audio-visual room.
Nagpakitang-gilas sa pag-awit, pagsayaw-awit, pagbigkas, at paglikha ng kanta ang mga mag-aaral habang suot nila ang makukulay at magagarang Pilipinong damit.
Alinsunod sa tema ng Kolehiyo na “Isulong ang Komersyo at ang Wikang Pilipino: Pagpapayaman ng Wikang Filipino,” ideya mismo ng mga estudyante ang magpakita ng kani-kanilang mga talento para sa programa.
“Tinulungan lamang namin ang mga estudyante para sa pagdiriwang na ito. Sila ang bumuo ng programa,” ani ni Prop. Catherine Cortez, propesor ng Filipino 1 at nangasiwa sa programa.
Kahit hindi ito kasama sa kanilang kurikulum, maraming mag-aaral ang sumali.
“Naging matrabaho ang paghahanda para sa pagdiriwang na ito. Ngunit, naging kapalit naman ang paglago ng kanilang pagkakaibigan at nakakuha din sila ng incentive,” ani Cortez.
Usapang Wika
Kahit huling araw na ng Agosto, patuloy pa rin ang paggunita ng Fakultad ng Sining at Panitik sa pambansang wika. Ngayong taon, inilunsad nito ang “Usapang Filipino: Isang Porum Para sa Buwan ng Wika,” isang talakayan tungkol sa lagay ng wikang Filipino sa modernong panahon. Ginanap ito noong ika-31 ng Agosto sa St. Raymund’s audio-visual room.
“Isa itong bukas na talakayan sa pagitan ng mga propesor at estudyante. Layon nitong magbigay kaalaman tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng wika ngayon,” ani Sharyn Clein Placido, mula sa 3Literature.
Dinaluhan ito ng mga estudyante ng Philosophy, Literature at Political Science.
Sa paksang pagtingin sa paggamit ng wikang Filipino sa kasalukuyan, nagbigay ng mga interesanteng panukala si Prop. Lakangiting Garcia ng De La Salle University Dasmariñas. Tinalakay niya ang mga isyu ukol sa paggamit ng wika sa kasalukuyan. Kasama sa mga panelista si Dr. Imelda de Castro, guro ng Filipino na siya ring pangunahing patnugot ng proyekto.
Himig Pinoy
Sa musika naman magpapamalas ng talento ang iba pang mga mag-aaral mula sa fakultad. Bilang paggunita sa buwan ng wika, ihahandog nito ang “SiklAB”, isang taunang paligsahan sa pag-awit. Bukas ito sa lahat ng mga estudyante ng AB.
Katulong din sa paghahanda ng produksyon ang iba’t-ibang organisasyon, tulad ng MusiCASA, TunORG, Artistang Artlets, at AB Chorale.
Bukod sa pagsunod sa mahabang tradisyon ng musika, layon din ng paligsahan na makakuha ng kaunting pondo para sa mga proyektong pangkomunidad ng Central Student Council.
“Kahit malaki yung pera na ilalabas namin, may papasok pa ring pera na puwede naming maipang-tulong sa mga partner communities natin tulad ng Bilibid at Aplayang Munti,” ani Rosario Carbonell, auditor ng student council.
Ayon sa ABSC, malaki ang maitutulong ng paligsahang ito para palawakin ang kamalayan ng mga estudyante sa paggamit ng sariling wika.
“Gusto rin sana naming mabigyang pansin ang mga kantang gawa mula sa sarili nating wika,” ani Carbonell.
Orihinal na Musikang Pilipino ang tema ng programa ngayong taon. Aawit ng “metropop,” o modernong pop, ang mga nasa solong kategorya, samantalang magtatanghal naman ng sarili nilang mga katha ang mga bandang kasali.
Malaki rin ang mga premyong makukuha ng mga magsisiwagi. Isang taong scholarship mula sa Center for Pop Music and Arts ang unang gantimpala para sa mananalo sa kategoryang solo.