Dibuho ni Sam Immanuel R. Macaisa
KINIKILALA ang Unibersidad ng Santo Tomas sa larangan ng medisina dahil sa mga doktor na nakapagtapos dito na kinilala hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa. Sina Francisco Duque III, kasalukuyang Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan, Vicky Belo na sikat naman sa larangan ng cosmetic surgery, at Guillermo de Venecia, isa sa mga pinakaunang optalmologo na kilala sa pag-aaral at pananaliksik sa iba’t ibang mga vascular retinopathies, ay ilan lamang sa mga Tomasinong patuloy na nagbibigay serbisyo gamit ang angking galing at kaalaman sa medisina.

Noon pa ma’y napatunayan na ang kalidad ng edukasyon sa Faculty of Medicine and Surgery (FMS). Itinatag noong 1871, daan-daang mga doktor na ang hinubog ng institusyong ito at tunay namang nakapagbigay ng karangalan sa bansa nang dahil sa panggagamot. Isang magandang halimbawa nito si Gregorio Singian, na siyang nagtatag ng Philippine College of Surgeons noong 1936.

Sa kanyang paninilbihan bilang isang siruhano, hanggang tuluyang naging tagapamahala ng Department of Surgery sa UST Hospital, hindi nakuntento si Singian sa mga lokal na pamamaraang ginagamit noon sa mga operasyon kung kaya’t nagtungo siya sa iba’t ibang mga klinika sa Europa upang mangalap ng mga bagong kaalaman sa pag-oopera. Pagbalik niya sa bansa, dala-dala niya ang mga makabagong inobasyong kanyang natutunan sa kanyang paglalakbay, gaya ng pagpapatayo ng pinakaunang modernong X-ray Laboratory Electro-therapy Clinic. Dahil sa hindi mapapantayang mga nai-ambag ni Singian sa aspetong ito, siya ang itinuring na Father of Philippine Surgery.

Kabilang din si Proceso Gabriel sa mga natatanging Tomasinong doktor na kinilala naman sa larangan ng bacteriology. Gamit ang pananaliksik at angkin niyang galing, tumuklas siya ng mga epektibong pamamaraan para maiwasan ang mga sakit na nakukuha sa mga mikroorganismong pumapasok sa katawan ng tao. Siya ang sumulat ng premyadong akdang Parasitos intestinales en Filipinas y su influencia en la salud privada y publica, isang pormal na sulating pangmedisina tungkol sa mga parasito at ang epekto ng mga ito sa kalusugan ng tao. Siya rin ang pinakaunang Pilipinong nagtatag ng kauna-unahang pampribadong laboratoryong pangbakteriolohikal noong 1909. Dahil dito, naging tanyag siya hindi lamang sa pagiging isang doktor, kundi dahil na rin sa pagiging isang pilantropo.

READ
When the mountain crumbled

Kabilang din sa hanay ng mga kilalang doktor si Luis Ma. Guerrero. Nagpakadalubhasa siya hindi lamang sa iisang asignaturang pangmedisina, kundi sa tatlo: Tropical Medicine, Bacteriology, at Pediatrics. Siya ang naging pinakaunang Dean Emeritus sa FMO noong 1945 hanggang 1949.

Bilang pagkilala sa kanyang pagiging batikang doktor at propesor, inilunsad ang pinakaunang Luis Ma. Guerrero Memorial Lectures noong 1951 kasabay ng paggunita sa unang anibersaryo ng kanyang pagkamatay. Mula noon, taun-taon na itong ginaganap, sa tagubilin ng mga kilalang doktor na produkto ng mga higanteng institusyon gaya ng Harvard sa Estados Unidos. Maliban sa pagiging isang alagad ng medisina, isa ring manunulat si Guerrero, na nabibilang sa hanay nina Rafael Palma at Cecilio Apostol.

Matinding pag-aaral at walang humpay na pagpapakadalubhasa ang pinagdaanan nina Singian, Gabriel at Guerrero para makamit ang mga titulong nakakabit sa kani-kanilang mga pangalan. Ngunit minsan, mayroong mga pagkakataon kung saan ang kasikatan ng pagiging isang doktor ay dumarating nang hindi inaasahan.

Noong ika-25 ng Agosto 1939, isang kakaibang balita ang nailimbag sa pahinang Alumni ng Varsitarian. Tungkol ito sa isang “freak baby” na nailigtas sa agarang pagkamatay ni Dr. Guillermo Lopez del Castillo.

Hindi pangkaraniwang sakit ang taglay ng naturang “freak baby,” na natatagpuan lamang sa tinatayang 0.79 kada sampung libong mga sanggol na ipinapanganak. Isa itong congenital na sakit sa puso o ectopia cordis, kung saan ipinapanganak ang sanggol na nasa labas ng katawan ang puso.

Maging sa kasalukuyan, wala pa ring natutuklasang tiyak na solusyon o operasyon para sa mga sanggol na mayroong ganitong uri ng komplikasyon. Tinatayang ilang oras hanggang tatlong araw mula pagkapanganak lamang ang itinatagal na buhay ng isang sanggol na may ectopia cordis. Subalit sa pamamagitan ng isang proseso kung saan minasahi ni Del Castillo ang puso ng bata, tumagal ng halos isang linggo ang buhay nito.

READ
Innocence

Ang bawat isa sa kanila ay kinikilala sa kanilang sariling kontribusyon sa medisina. Sila ang mga produkto ng mahigit isang siglong pagkakatatag ng FMS upang makapaghatid ng panibagong mga inobasyon at pamamaraan ng panggagamot. Mapatutunayang sa ano mang larangan ng medisina, hindi nakapagtatakang nangunguna ang mga Tomasinong doktor.

Tomasalitaan:

Tilad (pangngalan): piraso o pagpipiraso ng kahoy, lalo na upang gawing panggatong.

Halimbawa: Namangha si Jeremy sa mga probinsiyanong binatang maliliit ang katawan ngunit kaya palang magtitilad ng mga sanga mula sa malalaking puno ng mangga para sa apuyang gagamitin mamaya sa pista.

Sanggunian:

The Varsitarian: Taon XII Blg. 9, ika-25 ng Agosto 1939

The Varsitarian: Taon XII Blg. 11, ika-26 ng Setyembre 1939

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.