December 1, 2015, 1:58p.m. – UPANG tumaas ang tingin ng mga mag-aaral sa wikang pambansa, dapat gamitin ang Filipino sa pananaliksik-panlipunan, ayon sa mga guro sa isang talakayan sa Pamantasang De La Salle noong ika-27 ng Nobyembre.
Ani Prop. Crizel Sicat-de Laza ng UST, dapat ituro bilang “core course” sa senior high school ang pananaliksik sa Filipino. Sa ganitong paraan, kukunin ng mga mag-aaral ang asignaturang FIlipino anuman ang “academic strand” na kanilang piliin.
Suhestiyon niya, mapapairal ang maka-Filipinong pananaliksik sa pagpili ng mga paksa sa konteksto ng kalagayang pang-ekonomiya at pampulitika ng bansa. “Dapat may kabuluhan at mapanghamon ang kanilang mga paksang sasaliksikin,” dagdag niya. “Ang pananaliksik ay para sa kapuwa at sa lipunan at hindi pansarili lamang.”
Naniniwala siyang may pulitika sa likod ng pagpili ng wika sa pananaliksik, na siya umanong ugat ng mababang pagtingin ng mga mag-aaral sa Filipino. “Sa pamamagitan ng pagpili ng wika sa pananaliksik, maiuugnay ang personal na aspirasiyon [ng mga mag-aaral] para bayan,” ani de Laza.
Mahalaga rin aniyang talakayin sa loob ng silid-aralan ang mga responsibilidad ng mananaliksik, kung saan tampok ang mga suliranin tulad ng plagiarism.
Ipinahayag ni de Laza ang kaniyang pagnanais na baguhin ang paraan ng pananaliksik sa bansa, na kalimitan ay hindi nailalathala.
Aniya, anim na teksto lamang ang tatalakayin sa mga klase ng Grade 11, ayon sa curriculum guide ng Kagawaran ng Edukasiyon. “Limitado lamang ang mga tekstong tatalakayin kung kaya’t dapat na magmula ang mga ito sa iba’t ibang disiplina,” mungkahi ni de Laza.
Mahalaga rin aniya na mahusay ang rubric na gagamitin ng mga guro sa pagmamarka, sapagkat sa bagong performance-based assessment ng K to 12, ang mga mag-aaral ang “bida” at magsisilbing gabay lamang ang mga guro.
Isa ang “inquiry approach” sa mga gagamiting proseso sa bagong kurikulum na nakabatay sa interes ng mag-aaral. Binanggit ni De Laza na unti-unting humihinto sa pagiging mausisa ang isang bata habang tumatanda bunga ng edukasiyon.
“Ang mga bata sa kolehiyo ay hindi na madalas sinasaliksik ang kanilang kaalaman kung kaya’t [mas lalo] silang dapat bigyan ng pagkakataong magtanong,” aniya.
Alinlangan sa ‘Asean integration’
Samantala, nagbabala si Prop. David Michael San Juan ng De La Salle sa paparating na “ASEAN integration” o ang pagsasama sa isang komunidad ng mga ekonomiya sa Timog-Silangang Asya.
Maaaring magdulot ng problema sa Pilipinas ang pagsapi nito sa “ASEAN Economic Community” o AEC. Mas mataas pa sa mga kalakal na iniluluwas ang mga “import” dito sa Pilipinas, saad niya. “Pinapalala nito ang dependensiya ng mahihirap na bansa sa mga mauunlad na bansa.”
Ipinaliwanag niya ang mga klase ng pamahalaan sa Timog-Silangang Asya at inihambing ang mga magkakalapit na bansa. “Ang Pilipinas ay may ‘family dynasty.’ Ang anak ng dating presidente ay nagiging presidente. Hindi totoong demokrasya ang nanaig sa bansa natin,” ani San Juan.
Ihinambing din ni San Juan ang kapitalismo sa sosyalismo at ang masasamang dulot ng mga sistemang ito. “Mas mataas pa ang bawi sa gastos ng mga materyales ng mga produktong ibinebenta kaysa sa sweldo ng mga manggagawa na nagtatrabaho,” ayon kay San Juan. Bernadette A. Pamintuan at Gabriel Agcaoili