WALANG problema para sa magkaklaseng Rina Tan at Jessa Manansala, kapwa unang taon sa Pharmacy, ang ginawang mandatory drug testing sa kanila noong Hulyo. Para sa kanila, walang dapat ikatakot kung wala namang itinatago. Bukod sa nakakailang na proseso ng pagkuha ng urine sample, hindi inisip ng dalawa na nalabag ang anumang karapatan nila.
Kung mandatory ang isinagawa sa mga freshmen, random drug testing naman ang nakaabang sa mga nasa mas mataas na antas. Bago nakapag-enroll uli ang mga Tomasinong nasa ikalawa hanggang ikaapat na taon noong Mayo, kinailangan nilang pumirma sa isang waiver para sa random drug testing, bilang pagsunod sa Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Naaayon din ito sa hangarin ng Unibersidad na magkaroon ng isang drug-free campus.
Pero ayon sa pagsaliksik ng Varsitarian, walang batas ang nagbibigay ng awtoridad sa UST at ibang eskuwela, publiko man o pribabo, na magsagawa ng mandatory drug testing sa mga estudyante.
Wala ring batas o regulasyon na nagbibigay kapangyarihan sa UST na maningil para sa drug testing, mandatory man o random. Ayon sa batas, ang drug testing ng mga estudyante ay sasagutin ng pamahalaan. Subalit naniningil ng P280 bawat freshman ang UST.
Walang sinasabi sa RA 9165 na may kapangyarihan ang mga eskuwela na puwersahin ang estudyante na sumailalim sa drug test. Sinasabi sa Artikulo IV nito (“Participation of the Family, Students, Teachers and School Authorities in the Enforcement of this Act”), na kailangang ipaalam ng mga guro ang mga estudyanteng pinaghihinalaang kumukuha ng pinagbabawal na gamot at magsagawa ng drug education and information.
Sinasaad ng RA 9165 at ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito na maaaring isailalim ang mga estudyante sa random drug-testing lamang.
Subalit sasagutin ng gobyerno ang drug-testing ng mga estudyante sa publiko o pribado mang paaralan, ayon sa batas at IRR.
Walang sinasaad sa IRR na maaaring magsagawa ang mga paaralan ng mandatory drug testing.
Maging sa Memorandum 19 ng Commission of Higher Education (CHED) noong 2003, walang mandatory drug testing. Ang titulo ng memorandum ay “General Guidelines for Random Drug Testing of Tertiary Students.”
Walang pinalalabas na memorandum ang CHED ukol sa mandatory drug testing, ayon sa CHED.
Nilinaw din sa Ched Memo 19 at IRR na kailangan munang malaman ng mga estudyante at magulang mula sa administrasyon ng paaralan ang proseso at pamamaraan na gagamitin sa drug test.
Gayumpaman, walang nakasaad na paliwanag sa mga waivers na pinirmahan ng mga Tomasino.
Ayon sa teksto ng waiver, pumapayag ang estudyante at magulang sa “mandatory drug testing for the first semester of my first year, to random drug testing comformably with the Drug Free Policy of the University which was enacted pursuant to the provision of RA 9165, and commit myself to observe the same while I remain as such student of the University.“
Walang paliwanag sa teksto para sa mga magulang at estudyante ukol sa drug testing.
Ayoin sa IRR, “The school’s administration shall be required to explain these provisions and their procedures to the school community and when applicable, include these in the schools’ handbook or listing of procedures.”
Walang sinasaad sa CHED memorandum o sa batas na maaring gawin ng mga paaralan na bahagi ng kanilang admission policy ang drug-resting. At walang sinasabi na puwedeng tanggihan ng eskuwela ang mga papasok pa lamang sa paaralan na nakapasa na sa entrance exam at iba pang requirement na tumangging magpa-drug test.
Academic freedom?
Ayon kay Edwin Sandoval, abogado at guro sa Political Law sa Faculty of Civil Law, bagaman nasa Konstitusyon ang academic freedom ng Unibersidad, maaari lamang tanggihan ang isang estudyante kung papasok pa lamang siya sa unang taon, para sa mga kadahilanang ipinatupad ng administrasyon.
Ngunit sa oras na tanggapin ang estudyante sa Unibersidad, nagkakaroon na ng kontrata para sa panahong itatagal niya at hindi kaagad pwedeng paalisin dahil sa polisiya sa droga ayon na rin sa Memo 19. Kailangan lamang bigyan ng rehabilitation at counselling ang estudyante.
“Hindi ordinaryong kontrata ang kontrata ng estudyante at ng Unibersidad dahil edukasyon na ng isang mag-aaral ang nakasalalay,” ani Sandoval.
Maaari lamang hindi tanggapin muli ang estudyante kung may deficiency sa marka o kung may sinuway na utos pang disiplina.
Ngunit sa nakaraang enrollment, hindi tinatanggap ang mga ayaw pumirma sa waiver, ayon kay Central Student Council president Reinald dela Cruz.
‘Big brother’?
Ayon kay Dr. William Olalia, direktor ng UST Health Service, bagong polisiya ng Unibersidad ang drug-testing. Ipinaliwanag niya na random selection ang gagawin kung saan sampung porsiyento ng populasyon ng UST ang dapat kumuha ng test, kabilang ang mga administrador, guro, estudyante at mga empleyado.
Hanggang sa ngayon, hindi pa malinaw kung paano gagawin ang random selection dahil hindi pa pinapangalanan ang mga taong bubuo sa selection board.
Bubuuin ang board ng drug testing coordinator at tig-isang kinatawan mula sa mga estudyante, faculty, at mga magulang, ayon sa IRR. Magaganap ang pagpili ng pangalan at ang mismong drug testing sa loob ng isang araw.
Bago simulan ang proseso, itatanong sa estudyante kung may ininom ba siyang gamot, bitamina, o food supplement sa nakalipas na limang araw. Itatala ang mga impormasyong ito para magamit sa evaluation ng estudyante.
Matapos nito, hihingi ng urine sample sa estudyante. Mamanmanan ang pag-ihi ng estudyante.
Sa ginagawang mandatory test sa freshmen, kinailangang kitang-kita ang pag-ihi kahit puwede namang bukas na lang ang pinto ng cubicle gaya ng ginagawa sa ibang drug tests.
Nagmimistulang ‘Big Brother’ ang nagbabantay sa mga umiihi kayat nagmimistulang paglabag sa “privacy” ng estudyante ang isinasagawang mandatory drug testing.
“Binigyan kami ng maliit na botelya para ihian. Habang isinasagawa ito sa isang cubicle ng palikuran, nakabukas ang pinto at may nakatutok pa sa aming pag-ihi,” ani Tan.
“Hindi mo tuloy alam kung paano ka iihi nang maayos, matutuluan tuloy pati kamay mo.”
Ang botelyang pinaglalagyan ng ihi ang siyang dinadala sa laboratoryo para sa pagsusuri.
Tinatawag na initial o screening drug test ang paunang eksaminasyon na naghihiwalay sa estudyanteng positibo sa droga sa mga negatibo.
Kung mapatunayang positibo sa droga matapos ang confirmatory test ng isang estudyante, irerekomenda ng drug testing coordinator ang estudyante sa isang DOH-accredited facility o DOH-accredited government physician para alamin ang drug depenadency level ng estudyante. Sa loob ng tatlong buwan, sasailalim ang estudyante sa obserbasyon at counseling. Inaasahan na pagkatapos nito, rehabilitated na ang estudyante at tuluyan nang naalis sa kanyang sistema ang bawal na droga.
Walang pasabi
Hindi alam ng mga estudyante ang mga probisyon ng RA 9165, ang IRR nito, at Ched Memo 19 nang papirmahin sila ng waiver. Ayon pa kay Cruz, “Nakapagtatakang hindi lamang kinonsulta ang CSC sa nasabing drug testing.”
Ngunit ayon naman kay Anita Garcia, direktor ng Student Welfare and Development Board, sumuporta at tumulong ang CSC sa pagpapalaganap ng impormasyon sa mga estudyante ukol sa drug test lalo na noong enrolment.
May karapatan din naman ang Unibersidad na magpataw ng kani-kanilang mga regulasyon basta lamang batay ito sa Student’s Handbook at sa Manual of Regulations for Private Schools, ayon kay Sandoval.