HINDI maipagkakait na mababa ang pagtingin ng ibang tao sa mga Tagalog romance pocketbooks maliban sa mga bumabasa nito. Masasabing “cheap” ang mga ito dahil nabibili ito sa mga tiangge at narerentahan.
Samantala, sa kabila ng lahat ng pagsisikap na matamo ang paghanga mula sa mambabasa ano man ang estado ng buhay, hindi maiiwasan ang mga kritiko sa paggamit ng wikang “Taglish” o “Engalog” at pagsulat ng nobela dagdag pa ang stigma sa lipunan na ang mga ito ay para sa mga nabibilang sa mababang uri ng lipunan.
Ani Roberto Ampil, isang guro ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters, karamihan ng kabataang kaniyang nakasalamuha ay nahihiyang aminin na nagbabasa sila ng mga pocketbooks.
“May pagkakataon pa nga na ipinagawa ko itong (Tagalog romance novels) paksa ng pananaliksik. Isang lalaking mag-aaral ko ang nagsabing nahihiya siya sa pagbili nito sa convenience store na baka raw husgahan siya ng mga tao kung talaga bang nagbabasa siya nito,” ani Ampil.
Para kay Abdon Balde, Jr., isang manunulat, naituturing na “baduy” ang mga pocketbooks kung ang huhusga ay mga taong malawak na ang pananaw sa kultura—lalo na sa panitikan.
“Masasabi ring baduy ang Tagalog romance novels? Puwede, dahil naglalaman ito ng mga kuwentong simple, pang-araw-araw, mababaw ang tema, at paulit-ulit na nating nabasa, narinig at napanood. Subalit baduy lamang ito sa mga taong tumitingin; sa mga tulad natin na marami nang dinaanang literatura, maraming kuwentong narinig, maraming pelikula at telenobela na napanood. Hindi ito baduy sa mga taong maliliit lamang ang mundong ginagalawan, payak ang pamumuhay at paulit-ulit lamang ang pang-araw-araw na karanasan.”
Komento naman ni Eros Atalia, isang manunulat at propesor ng Filipino sa Artlets, sa mga pagbabatikos ng ilang mga kritiko sa mga pocketbooks bilang hindi isang uri ng panitikan.
“Unang una, sino ang magsasabi kung ano ang panitikan, mga kritiko? Walang may monopolyo ng katuturan ng kahulugan ng panitikan—masyado itong sentralisado at pundamentalistang katuwiran. Laging sinasabi ng mga nagdudunong-dunungan na ang panitikan ay salamin ng buhay at pangarap, bakit hindi puwede ang buhay at pangarap ng karaniwang tao?” ani Atalia.
Dagdag pa niya, may hindi patas o may pagka-bias ang mga batikos ng mga kritiko.
“Ayaw lang tanggapin ng ilang mga nagmamagaling na panitikan ang mga ito kasi hindi sila binabasa at tinatangkilik kumpara sa mga nagsusulat ng pocketbook Tagalog romance,” dagdag ni Atalia.
Tinukoy ni Ampil bilang halimbawa ng panitikan ang tala-arawan ni Anne Frank sapagkat ito ay sumasalamin sa buhay ng manunulat noong kapanahunan niya.
“Samantala ang simpleng diary nga ni Anne Frank ay ginawa niya para sa kanyang sarili. Nabasa at naisalin sa ibang wika hanggang sa isinapelikula. Ito ba ay hindi panitikan?” wika niya.
Halaga
Ayon kay Rhiana Dizon, isang manunulat para sa Precious Hearts Romances, isang sikat na palimbagan ng Tagalog pocketbooks, hindi ililimbag ang isang libro kung wala itong halaga.
“Hanggang may halaga ang isang istorya, maituturing ito na panitikan. Mula sa maikling sanaysay, maikling kuwento at nobela sa kahit anong genre pa. Hanggang sa nagsasalaysay ito kung paano nabubuhay ang mga tao, hanggang sa nagsasaad ito ng damdamin ng mga tao, hanggang may halaga at may napupulot ang mga mambabasa, maituturing at maituturing itong panitikan,” pahayag ni Dizon sa kanyang liham sa Varsitarian.
Dadgdag pa rito, pinaghambing ni Dizon ang isang romansang nobela na gawa ng isang banyagang manunulat ng isang romansang akda na gawa ng isang Pilipino. Maraming pagkakapareho ang “A Walk to Remember” ni Nicholas Sparks at “My Substitute Bride” ni Martha Cecilia—parehong may kuwento ng pag-ibig, may tagpuan, may isang kasukdulan, parehong may katapusan at may mga nagsisiganap.
“Ang gawa ni Sparks ay masasabing panitikan ngunit ang gawa ni Martha ay hindi? Ano ang pinagkaiba? Tanging wika na ginamit, hindi ba?” sabi ni Dizon.
Hanggang sa telebisyon
Hindi nagtagal nang nagkaroon na ng mga bersiyon ang mga pocketbooks sa telebisyon kung saan mga sikat na artista ang mga tauhan.
Noong Pebrero ay inumpisahan ng ABS-CBN ang pagsasabuhay ng mga pahina ng Precious Hearts Romances sa kanilang bagong palabas na Precious Hearts Romances Presents. Makaraan ng tatlong buwan matapos lagdaan ang kontrata, isinabuhay ang “Bud Brothers” ni Rose Tan.
Muli, binatikos ni Atalia ang mga tinatawag niyang nagmamarunong sa panitikan.
“Nang kunin ng ABS-CBN ang mga istorya sa pocketbooks, nagtaasan sila ng kilay. Pero pag Palanca-winning piece ang ginawa, ayos lang. Ano kung gawing pelikula o teleserye ang Tagalog pocketbook? Bakit ba mahilig ang mga nagdudunong-dunungan na makialam sa sining ng ibang tao pero kapag sining nila, kahit iilang lang ang nakakaunawa o baka sila lang, ayaw nilang pinakikialaman. Kasi nga, mababa ang turing ng mga nakapag-aral sa sining ng mga mahihirap,” sabi ni Atalia.
Sa kabilang dako, “panitikang pang-masa” naman ang ginamit na parirala ni Balde upang ilarawan ang mga pocketbooks na ito.
“Sa mga hikahos na kalagayang kinasasadlakan, natututo silang pumaloob sa mga karakter na binabasa, mangarap ng pag-ibig at tagumpay, at malibang sa maghapon. Walang itong halong pagtuya sa kalagayan ng karaniwang mamamayan. Habang tumatagal, kapansin-pansin ang pag-unlad ng imahinasyon, pagyaman ng wika at lawak ng pananaw ng mga may-akda.”
Tuloy sa Pagsulat
Sa mga nagbabalak na magsulat ng mga nobelang romansa, mapa-Ingles man o Tagalog, ani Dizon, ay huwag mahiya.
“Ang masasabi ko lang, kung mabibigyan ka ng pagkakataon na magsulat, at nagkataon na ang gusto ng puso mo na isulat ang nobela ng pag-ibig, huwag kang mahiya. Hindi lahat ay kayang magsulat at hindi lahat ng kanyang magsulat ay makakatapos ng nobela, lalo na kung istorya ito ng pag-ibig. Regalo yan ng nasa itaas,” sabi ni Dizon. Azer N. Parrocha at J. E. B. Trinidad