Dibuho ni Rey Ian M. CruzBILANG pagsunod sa direktiba ng Santo Papa na nagsasaad na kinakailangan ang pagtuturo ng Religion sa Unibersidad, ipinag-utos ni Rektor P. Serapio Tamayo, O.P. noong 1924 ang pagtuturo nito na kalauna’y tinawag na Theology para sa mga Tomasino, Katoliko man ang mga ito o hindi.

Nagsilbing tugon ito sa lumalaking bilang ng mga kabataang nais mag-aral sa Unibersidad na walang Katolikong edukasyon sa pinanggalingang paaralan.

Ang pagtuturo ay isinagawa ng mga paring propesor isang beses sa isang linggo. Ngunit nang lumaon ay kinailangan nang magkamit ng dalawang yunit sa Theology ang bawat Tomasino sa isang semestre.

Sa paglipas ng mga taon, ginawang requirement ng UST ang Theology bago makapagtapos ng kurso ang isang Tomasino. Dahil dito, may ilang di-Katolikong mag-aaral ng Unibersidad ang nagtanong kung ang pagkuha ba ng Theology ay magbubunsod sa pagpapalit nila ng relihiyon bilang Katoliko.

Mabilis namang pinabulaanan ito ng administrasyon kung kaya’t hindi na rin tumanggi pa ang mga di-Katolikong mag-aaral sa pagkuha ng Theology bilang isa sa kanilang asignatura. Gayon pa man, nagkaroon ng ilang bihirang pagkakataon kung saan tumanggi ang ilang mga mag-aaral na kumuha ng Theology, bagay na nagtulak sa noo’y dekano ng Religion na si P. Paulino Gonzalez upang magbigay ng special classes para sa mga ito.

Sa kasalukuyan ay bahagi pa rin ng edukasyong Tomasino ang Theology, na kinukuha pa ring asignatura ng mga Katoliko at di-Katolikong mag-aaral.

Tomasino siya

Sa murang edad na 18, kinilala ang Tomasinong si Jethro Dionisio bilang kauna-unahang di-Amerikanong nakapag-uwi ng pinakamataas na karangalan sa World Speed Shooting Championships (WSSC) na ginanap sa California, Estados Unidos noong 1990.

READ
Filoni to UST: 'Be guardians of truth'

Taong 1994 nang magtapos ng kursong Accountancy sa UST, nagsimula ang hilig ni Dionisio sa baril dahil sa kaniyang ama na noo’y pangulo ng Metro Gun Club, isang asosasyon na nagbibigay ng shooting classes, firearms safety, at iba pa para sa mga miyembro nito. Madalas siyang sumama sa mga ensayo nito hanggang sa siya’y natuto at napagtagumpayan ang kauna-unahang shooting competition na nilahukan niya sa Nueva Ecija.

Matapos ang tagumpay niya sa WSSC, namayagpag pa siya sa nasabing kumpetisyon nang tatlong magkakasunod na taon. Bukod dito ay nagwagi pa siya ng anim na kampeonato kabilang na ang World Shoot Off Championship sa Colorado, Estados Unidos mula 1993 hanggang 1995.

Dahil sa kaniyang natatanging galing, binansagan si Dionisio bilang “fastest steel shooter alive” noong 1996 ng Gungames Magazine na nakabase sa Estados Unidos.

Taong 2001 nang nag-uwi siya ng medalyang pilak para sa ating bansa sa ginanap na Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nang sumunod na taon ay muli siyang nagdala ng karangalan sa Pilipinas nang magtagumpay siya sa Asian Clay Championships sa Bangkok, Thailand at Asian Games Shooting Event na ginanap naman sa Busan, Korea.

Bukod sa galing ni Dionisio sa larangan ng baril, siya rin ay mahusay sa paglangoy, kick-boxing, horseback riding, at badminton.

Si Dionisio rin ang naging kinatawan ng Pilipinas sa Athens World Olympics noong 1994.

Tomasalitaan:

hulalay (pnr) – nakahilata o namamahinga sa isang upuan

Halimbawa: Naabutang nakahulalay sa oras ng trabaho si Randy kaya’t napagalitan siya ng kaniyang amo.

Mga Sanggunian:

De Ramos, Norberto V. (2000). I Walked with Twelve UST Rectors. UST Publishing House.

READ
What is OVI trapping?

The Varsitarian: Tomo 77 Special Sports Supplement, Hunyo 2006

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.