DUWAG at mahina. Ito ang madalas na tukso kay Haraya ng kapwa niya gagamba. Hindi man niya madalas pinapansin, may mga pagkakataong napapatanong siya sa sarili kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin siya marunong humabi ng sariling sapot.
“Inay, tinutukso na naman po ako ng mga kaklase ko,” sumbong ni Haraya. Halos araw-araw siyang umiiyak pagkaumuuwi galing eskwela. Kung hindi siya sinasabuyan sa mukha ng likidong seda ng kanyang mga kamag-aral, walang-patid naman ang paghahalakhakan habang itinutulak siya ng mga ito sa kanilang patibong na sapot.
“O, ano, Haraya, lumaban ka!” bulyaw pa ng isang kamag-aral sa tuwing pinag-iinitan siya.
At dahil sa matinding pangangatog ng walong paa niya sa tuwing hinahamon ng away, tanging pagtungo lamang ang naigaganti ni Haraya sa mga pilyong kamag-aral.
“Natatakot po kasi ako,” madalas na sagot ni Haraya sa kanyang Nanay sa tuwing tatanungin siya nito kung bakit hindi siya lumalaban.
Wala siyang kasabikan, hindi gaya ng mga kapatid na munti pa lamang ay gusto nang makaakyat ng puno at makapagsimulang humabi ng sapot. Sa tuwing naghahabulan ang kanyang mga kapatid at magpapaligsahan sa paghabi, nasa isang sulok lamang si Haraya. Nagmamasid.
Lumaking tahimik si Haraya. Hindi tulad ng mga kasing-edad, madalas siyang magkulong sa kanyang silid at malalim ang iniisip. At dahil sa wala siyang kaibigan, bahay at eskuwela lamang ang kanyang naging buhay.
Sa kanilang lugar, hinahangaan ang kanyang mga kapatid. Sa murang gulang, angkin na nila ang natatanging galing sa paghabi. Lahat sila ay pawang magagaling, maliban kay Haraya.
Minsan, habang nakapako ang tingin ni Haraya sa mga kapatid na naaaliw sa dami ng insektong nalambat sa kanilang mga sapot, nilapitan siya ng kanyang Nanay at nagtanong, ”Anak, bakit hindi ka sumali sa mga kapatid mo?”
Walang naisagot si Haraya. Muling nanginig ang kanyang mga paa.
Isang araw napagpasyahan ni Haraya na lumabas sa kanyang silid. Noon niya lamang ganap na nakita ang kagandahan ng gubat na tirahan. Sa labis na pagkaaliw sa tanawin, hindi namalayan ni Haraya ang layo nang kanyang narating.
Mula sa kasukulan, napadpad siya sa isang bahagi ng gubat na kinatatayuan ng isang napakalaking matandang puno.
Nang iniangat niya ang kanyang paningin sa puno, nakita niya ang isang matandang babaeng gagamba. Lalapitan na agad sana niya ito nang bigla siyang napahinto sa nakita. Kulang ang paa nito. Lima lamang, sa halip na walo.
At lalo siyang namangha nang makita ang isang napakagandang sapot na likha ng gagambang abalang-abala.
“Ang ganda naman po!” pagkamangha ni Haraya.
Marahil naramdaman ang matamang pagkakatingin sa kanya, tumigil ang matanda at bumaling kay Haraya.
“Ako si Urduja. Kumusta ka?” tanong ng gagamba habang gumagapang pababa ng puno.
Kahit na hindi sumagot si Haraya, nagkuwento na nang nagkuwento si Lola Urduja habang pababa siya. Ngunit nang mapansin na hindi naman siya pinakikinggan ni Haraya, tinapik niya ito.
“Kanina pa ako nagsasalita. Saan ka ba nakatingin?” usisa ni Lola Urduja.
Sa halip na sagutin ang tanong ng matanda, tanong din ang ibinato ni Haraya. “Papaano po ninyo nagawa iyon?”
Muling nagkuwento ang matandang gagamba. Ayon sa kanya, lumaki siyang mag-isa. Mula sa isang pamilyang ikinahihiya ang pagkakaroon niya ng kapansanan, dinala si Lola Urduja ng panahon sa iba’t ibang gubat at karanasan.
“Noon, galit ako sa sarili ko,“ kuwento pa ni Lola Urduja.
“Walang pumapansin sa akin dahil wala naman daw akong silbi. Minsan nga, sa sobrang pagkainis ko, ginusto ko nang mamatay,” pahayag ng matandang gagamba. Ipinain niya umano ang sarili sa mababangis na hayop na hindi naman siya pinansin.
Hindi raw naging madali para kay Lola Urduja ang makaalis sa ganoong paniniwala sa sarili.
“Ginamit ko angs bawat araw sa loob ng gubat upang alamin ang kayang gawin,” dagdag pa ni Lola Urduja.
Biglang napatungo si Haraya. Patuloy siyang nanahimik. Napansin ni Lola Urduja ang biglaang paglamlam ng mga mata ni Haraya, mula sa dati nitong pagkamangha.
“Anong iniisip mo?” tanong ni Lola Urduja.
At si Haraya naman ang nagkuwento.
“Kasi po, hindi po ako marunong humabi ng sapot,” nakatungong sambit ni Haraya.
At bumulalas sa tawa ang Lola, habang nakatango si Haraya.
Matapos marinig ang halakhak ng matanda, napakamot sa ulo si Haraya at nakaramdam ng pagkahiya. Tumalikod si Haraya at naglakad papalayo mula kay Lola Urduja.
“Saan ka pupunta?” biglang tanong ng Lola.
“Ayaw mo bang tulungan kita?” pahabol ng matandang gagambang nakatingin kay Hiraya na tila nag-aabang ng tugon.
“Maraming salamat po!” pasigaw na sambit ni Haraya.
Mula noon, araw-araw nang dumaraan at nagpapaturo si Haraya kay Lola Urduja.
Naunawaan ng matandang gagamba ang lahat ng mga suliranin ni Haraya kaya’t naging masigasig ito sa kanyang pagtuturo, tulad ng masinsinang paghabi sa kabila ng kapansanan.
“Kung ako nga, nakaya ko, ikaw pa,” palagiang hamon ng matanda kay Haraya sa tuwing pinanghihinaan ito ng loob.
Dahil sa kabaitang ipinakita ni Lola Urduja kay Haraya, pinagkatiwalaan siya ng batang gagamba. Ikinuwento niya rito ang lahat ng tungkol sa kanya—ang mga nagpapasaya sa kanya at ang mga kinatatakutan niya.
“Lola, alam n’yo po, nasasaktan ako sa tuwing ikinukumpara ako ni Nanay at Tatay sa aking mga kapatid. Sa takot kong hindi ako makahabi ng tulad nila, hindi ako sumubok ni minsan,” kuwento ni Haraya sa matanda.
“Isipin mo palaging iba ka. Huwag kang matakot sumubok, Hindi lahat ng bagay ay kusang nagaganap. Karamihan sa pinakamagagandang bagay sa mundo ay pinaghihirapan,” paalala ni Lola Urduja kaya Haraya.
“Nasa iyong kamay ang iyong tagumpay. Basta’t nagsusumikap ka at handang paunlarin ang sarili, hindi imposibleng mahigitan mo ang iba, kahit ang iyong mga kapatid,” paglilinaw ng matandang gagamba.
Dumating ang araw na napakarami nang naituro ni Lola Urduja kay Haraya.
“Haraya, sa palagay ko ay sapat na ang naibahagi ko sa iyo,” sambit ni Lola Urduja.
Sa pagkakataong iyon, biglang tumayo si Lola Urduja at nagwika, “Handa ka na ba?”
Natigilan si Haraya matapos marinig ang tanong ng matanda. Tila bumalik ang mga araw na hinahamon siya ng kanyang mga kamag-aral. Ngunit hindi na tulad noon, nakatitiyak si Haraya.
“Opo!”
At sa payak na araw na iyon—habang maliwanag ang sikat ng araw, luntian ang mga puno, humuhuni ang mga ibon sa paligid, iniabot ni Lola Urduja ang isa niyang kamay kay Haraya at sabay nilang tinungo ang paanan ng puno.
Habang gumagapang papaakyat sa puno si Haraya, naisip niya bigla ang lahat nang naganap sa nakaraan. Ang nagtatawanan at nang-aalipustang mga kamag-aral, ang nangangatog na mga paa sa tuwing hinahamon ng away, at ang pag-iisip ng kung kaya na ba niya talaga.
Unti-unting sinimulan ni Haraya ang pagpapalabas ng likidong seda, sang-ayon sa itinuro sa kanya ni Lola Urduja. Sa paglabas ng likido, dahan-dahan niyang iginalaw ang kanyang mga paa upang simulang maihabi ang likido sa tulong ng ihip ng hanging nagpapatibay sa hibla.
Matapos ang ilang sandali, tumigil si Haraya at nagtungo sa dulo ng sanga. Mula roon, pinagmasdan niya ang kaniyang nalikha.
“Mahusay!” bati ni Lola Urduja sa batang kaibigan.
Matapos banggitin iyon ni Lola Urduja, iniwan ni Haraya ang hinabing sapot at tinungo ang kabilang sangang kinalalagyan ng matandang gagamba.
“Lola, hindi po ba’t sinabi ninyo na matagal na kayo ditong nag-iisa?” nakatinging tanong ni Haraya sa matandang gagamba.
Nilapitan ni Haraya si Lola Urduja at iniabot ang kamay nito sa matanda.
“Sumama na po kayo sa akin pabalik sa bayan. Hindi po ninyo dapat sarilinin ang kahusayan ninyo. Katulad ko, marami pang batang gagambang naghihintay sa inyong mga gintong pangaral.”