HINIHIKAYAT ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na pahalagahan ang kanilang pera at iwasan ang pagsusugal partikular ang pagpapalawig ng online gambling ng gobyerno.
Ipinahayag nila ito matapos pahintulutan ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (Pagcor) ang paglalaro ng Quik Pick, isang sugal mula sa Best World Gaming And Entertainment Resources Corporation.
Noong nakaraang taon, matatandaan na nasangkot sa mga iskandalo ng pagmamanipula ng mga stocks ang BW Resources Corporation na pag-aari ni Dante Tan, isang matalik na kaibigan ng dating Pangulong Estrada.
Tinutulan din ng CBCP ang plano ng Pagcor na maglunsad ng online gambling sa Internet.
Matibay ang paninindigan ng Simbahang Katoliko laban sa pagpapalaganap ng sugal sa iba’t ibang paraan gaya ng karera, frontons, casino at pati na rin sa cyberspace.
Ayon kay Nestor Cariño, tagapagsalita ng CBCP, dapat maintindihan ng mga tao na hindi sila dapat nagsusugal dahil sinasayang lamang nila ang pinaghirapan nilang pera.
“We have to convince people not to patronize gambling. God does not approve of that. We are not doing enough in evangelizing against gambling because many people still engage in gambling,” wika niya.
Subalit, idinepensa ng Pagcor na ang malaking porsiyento ng kinikita mula sa legal na pagsusugal ang tinutustos ng gobyerno sa mga proyekto na naglalayong iangat ang kalidad ng pamumuhay ng Pilipino, katulad ng pagbibigay ng libreng edukasyon at pagpapatayo ng mga imprastraktura para sa mamamayan. Anna Rachelle S. Ariola