HINDI hadlang ang edad para gawin ang kinalakihan at naibigang responsibilidad sa bayan, ang pamamahayag.

Sa mahigit 30 taon bilang associate editor ng Manila Bulletin, nasaksihan na ni Ramon Francisco ang mabilis na pag-usad ng panahon sa saliw ng mga pangyayaring humulma hindi lamang sa bansa kundi pati na rin sa buong mundo.

At kahit na siya’y 63 taong gulang na, patuloy pa rin ang beteranong peryodista sa paghahatid ng mga makabuluhang balita sa mga Pilipino.

Tomasinong mamamahayag at guro

Nagtapos si Francisco sa UST ng Bachelor of Literature major in Journalism noong 1967 at pinarangalang summa cum laude.

Ang interes niya sa mga pangkasalukuyang pangyayari ang nag-udyok sa kaniya upang kunin ang nasabing kurso. Ayon kay Francisco, ang pagkahilig niya sa balita ay nagsimula nang siya ay nag-aaral pa lamang ng sekundarya sa Kolehiyo ng San Sebastian kung saan siya ay nagtapos bilang salutatorian.

“Naalala ko pa iyong 100-item na pagsusulit namin na karamihan ay tungkol sa mga kasalukuyang kaganapan,” sabi niya. “Ito ang nag-udyok sa akin na palaging magbasa ng dyaryo. Hindi naglaon, ito ay nakasanayan ko na at naging isang gawaing hindi ko na maipagpaliban.”

Pagtuntong ni Francisco sa Unibersidad, naging aktibo siya sa iba’t ibang organisasyon tulad ng Los Amantes del Español (Mga Nagmamahal sa Wikang Espanyol), Thomasian Writers Guild, at Pax Romana, kung saan siya ay naging presidente.

Sa kaniyang huling taon, naging punong patnugot siya ng opisyal na pahayagan ng kanilang Pakultad. Ayon kay Francissco, ang naging karanasan niya rito ang nagbigay sa kaniya ng sapat na kaalaman sa pamamahayag bago pa man siya nagtapos.

READ
Chabet tries hard at digital art in new installation

“Para sa akin, ang karanasan ko sa kolehiyo ay nakatuon sa mga term papers at rebyu ng mga libro,” ani niya. “Noon ay madalas akong pagbayarin ng silid-aklatan dahil sa overdue na ang mga librong hiniram ko.”

Nagturo rin siya ng English, Political Science, Diplomacy, at Contemporary World Geography sa nasabing Pakultad noong 1967 hanggang 2003. Sinabi niya na ang pagtuturo ang isa sa mga bagay na lubos na nagpapasaya sa kaniya.

“Tinuturuan at tinuturing ko ang aking mga estudyante na parang mga anak ko,” ani Francisco.

Natigil na lamang ang kaniyang pagtuturo nang kinailangan niyang sumailalim sa isang therapy magmula ng siya ay inatake ng stroke noong taong 2000 at 2003 dulot ng hypertension.

Buhay peryodista

Sa loob ng 10 taon, siya rin ay nagsilbing desk editor ng The Evening News kung saan nagkaroon siya ng mga ‘di malilimutang karanasan. Isa rito ay nang gumawa siya ng istorya tungkol sa pagguho ng Ruby Tower apartment sa Sta. Cruz, Maynila dulot ng lindol noong 1968.

Bilang isang mamamahayag, isa sa mga naging pribilehiyong kaniyang nakuha ay ang pagpunta sa iba’t ibang parte ng mundo. Isa sa mga pagkakataong ito ay nang siya ay inatasan ng The Evening Post na ibalita ang mga pangyayari nagpapatungkol kay dating pangulong Ferdinand Marcos.

“Kasa-kasama ko si Marcos sa buong Asya,” sabi ni Francisco. “Nagbalita rin ako noong kami ay nasa Aprika para sa isang pagpupulong ng International Monetary Fund kung saan pinagusapan ang iba’t ibang patakaran ng pamahalaan.”

Sinabi rin niya na ang kaniyang pakikitungo kay Marcos noong panahon ng Martial Law ay pawang trabaho lamang.

READ
UST drops to 148th in Asian rankings

“Bilang isang mamamahayag, hindi ka dapat nadadala ng iyong sariling opinyon dahil ito ay para lamang sa mga kolumnista,” sabi ni Francisco.

Ibinahagi rin niya ang mga sakripisyong kinaharap niya sa ilang dekadang pagtatrabaho sa media. Isa sa mga ito ay ang walang tigil na pagtatrabaho at pag-eedit ng mga artikulo mapa-Pasko man o bagong taon.

“Sa tinagal-tagal ko sa industriyang ito, minsan ay nakakaramdam din ako ng hirap at pagod. Ngunit sa halip na lalo akong panghinaan, tinitingnan ko ang mga ganitong pagkakataon bilang pagsubok na kailangang malampasan,” sabi niya.

“Ang pagkakaroon ng dugong Tomasino ang nagtulak sa aking maging mabuting mamamayan,” ani Francisco. “Para sa aming mga mamamahayag, ang nagbibigay inspirasyon sa aming kumilos ay ang propesyon naming naglalayong magbigay impormasyon sa publiko.” Maria Luisa A. Mamaradlo at Margaret Rose B. Maranan

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.