MAKALIPAS ang mahigit dalawang dekada, muling natunghayan ng bansa ang pagpapalit ng disenyo ng mga pera na sinimulan noong Disyembre 2010, kung saan unang inilabas ang P20 at P50 perang papel, samantalang nakatakdang ilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ngayong Enero lahat ng mga bagong disenyo.

Ang mga bagong disenyo ay gawa nina Diwa Gunigundo, BSP Deputy Governor, at Ambeth Ocampo, tagapangulo ng National Historical Institute.

Ang pagbabago ng mga salapi ay inianunsiyo noong 2009 ng BSP.

Ayon kay Fe Dela Cruz, tagapagsalita ng BSP, isa sa mga rason kung bakit pinalitan ang mga disenyo ng pera ngayon ay dahil madali na itong magaya ng mga namemeke.

“Sa katunayan, ang mga bangko sentral sa buong mundo ay karaniwang nagpapalit ng disenyo ng kanilang pera upang makaiwas sa mga namemeke. Isa pang dahilan nito ay upang masalamin ng ating mga salapi ang mga mahahalagang mga bagay para sa ating mga Filipino dahil ito ay pera natin, pera ng bayan, pera ng mga Filipino,” ani Dela Cruz.

“Bagong” pera

Naglalaman ang bagong disenyo ng iba’t ibang mga hayop at tanawin na sa Pilipinas lamang matatagpuan tulad ng tarsier, butanding, Chocolate Hills, Banaue Rice Terraces, at iba pa.

Ilan sa mga katangian ng bagong pera ay ang simbolo ng Republika ng Pilipinas at ng BSP; ang pag-iiba ng kulay sa pag-ikot ng pera sa 45 digring anggulo nito tulad ng nasa P500, kung saan nagpapalit ito mula sa mukha ni dating Senador Benigno Aquino Jr. tungo sa nakasulat na P500; ang pagkaroroon nito ng micro prints at security thread na ilan sa mga security features upang maging mahirap ang panggagaya rito.

READ
Rethinking nuclear energy

Ito rin ay naka-angat (embossed), isang katangiang para sa mga bulag. Ang bagong pera, na gawa sa 80 porsyentong cotton at 20 porsyentong abaca, ay mayroon ding katangiang anti-bacterial na kayang tumagal ng tatlong taon para sa malalaking mga halaga.

Ayon kay Dela Cruz, maaaring pumunta sa mga bangko ang mga mamamayan upang papalitan ang kanilang mga lumang pera, ngunit umapela rin siya sa publiko na huwag itago ang bagong pera para gawing souvenir.

“Kung makakakuha kayo no’ng bagong currency, ‘wag n’yo ho sana ubusin lahat agad para marami rin ang magkaroroon ng pagkakataon na makakuha nito. Huwag n’yo sana itago lahat kasi hindi iyan kakalat,” ani Dela Cruz.

Sa gitna ng kasikatan ng pagpalalabas ng mga bagong disenyo ng pera, agad rin naman itong binatikos dahil sa ilang mali sa mga nilalamang tanawin at hayop nito na bahagi ng disenyo.

Isa sa mga puna rito ay ang maling pagkasusulat ng scientific name ng tarsier na Tarsius syrichta, na nakasulat sa likod ng P200 na Tarsius Syrichta.

Ang scientific name ay dapat nasusulat ng pahilig at ang ikalawang salita ay dapat nakasulat sa maliit na titik.

Ang iba ring mga salapi ay naglalaman ng maling mga scientific name tulad ng sa butanding at maliputo na nakasulat sa maliliit na titik.

“Remember that this is an artistic output. Hindi naman ito pang-aklat. We chose a specific family of fauna. We went for the artistic [side] otherwise magiging masyadong magulo na. So this is an artistic rendition of certain elements. The reaction of the public has been generally positive,” aniya.

READ
Cebu Archdiocese launches apps for 2016 Internat'l Eucharistic Congress

Ayon naman kay Amando Tetangco, tagapangulo ng BSP, ang bagong pera ngayon ay mailalarawan gamit ang apat na letrang M—maganda, makulay, malinis, at matibay. Ang unang M ay nangangahulugang maganda, tulad ng mga tanawing matatagpuan sa bansa. Ang ikalawang M ay nangangahulugang makulay, tulad ng ating kasaysayan at mga bayani. Ang ikatlo ay nangangahulugang malinis dahil sa mga anti-bacterial features nito na tulad ng ating nais na magkaroon ng malinis na pamamahala. Ang ikahuling M ay nangangahulugang matibay na tulad naman ng ating ekonomiya.

Sa kasaysayan ng BSP, apat na beses lamang ito naglabas ng overprint. Ito ay ginagawa lamang kung ito ay mahalaga sa pambansang lebel. Una ay noong United Nations Year of Microcredit, sumunod noong ika-60 anibersaryo ng BSP, ikatlo noong ika-100 anibersaryo ng Unibersidad ng Pilipinas at ikaapat, ngayong ika-400 na pagdiriwang ng Unibersidad ng Santo Tomas.

“Isang pambihirang pagkakataon ang pagpayag [ng BSP] na maglagay ng overprint. Sa pananaw ng BSP, naging napakahalaga ng mga naging kontribusyon ng Uniberisdad sa bansa,” ani Dela Cruz.

Ang UST rin ay lumabas ngayong taon sa planner at kalendaryo ng BSP bilang pagpupugay sa mga naging ambag sa lipunan ng Unibersidad.

“Hindi na bago”

Ayon sa historyador na si Augusto De Viana, tagapangulo ng Department of History sa UST, ang pagababago ng pera ay huling ginawa noong 1980’s upang palitan ang Bagong Lipunan Series ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang pagbabago ng pera, ayon sa kaniya, ay dapat mayroong mga security features tulad ng pera na Singaporean dollar na naglalaman ng plastic.

“Isa sa mga konsiderasyon ng pera ay dapat tumatagal ito. Ang karaniwang buhay lamang kasi ng papel na pera ay isang taon,” ani De Viana.

READ
Family congress at UST

Kaugnay sa mga kontrobersiyang nagsilabasan ukol sa bagong pera, para kay De Viana, hindi na ito bago sa mga Filipino dahil ang mga pagkakamaling ito ay nagiging mga collector’s item na.

Para sa kaniya, magiging collector’s item na ang mga unang imprenta ng bagong pera sakali mang palitan ito ng disenyo.

“Kung alisin ito o baguhin (mga maling imprenta), magiging collector’s item ito gaya ng ‘Arrovo bills’, kung saan napalitan ng letrang v ang letrang Y sa apelyido ng noong Pangulong Gloria Arroyo,” aniya.

Dagdag pa niya, nagkakaroon din ng mga misprint kung saan nagiging dalawa ang imahe ng isang bagay.

Sa pagdiriwang ng ika-400 na taon ng Unibersidad, ayon kay De Viana, nararapat lamang na magkaroon ng commemorative bill ang UST dahil hindi mo ito maihihiwalay sa kasaysayan ng bansa.

“Itong commemorative bill ay ang unang pagkakataon ng Unibersidad na magkaroon nito. Mahalaga tayo (UST) dahil nationally significant naman ang ating kasaysayan. Hindi mo maihihiwalay ang UST sa kasaysayan ng Pilipinas,” ani De Viana.

1 COMMENT

  1. makabuluhan ang inyong pahayagan. nais kong ipabatid sa inyo na isa akong mag aaral na nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa pababago ng anyo ng pera sa ating bansa, at nkasagot sa ilan kong nga katanungan ang article na ito..salamat.sana mkapaglabas pa kyo ng MARAMING IMPORMASYON,PRA SA MGA NANGANGAILANGANG TULAD KO..pagpalain kayo ng Diyos.salamat….

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.