Mahirap humiling ng isang bagay at umasang makakamit ito kahit na walang katiyakan. Gayundin ang magbitiw ng mga pangako na hindi mo naman kayang tuparin.

***

Kamakailan lang, bumisita kami sa Lupang Pangako, ang lugar sa Payatas na pinangyarihan ng malagim na “garbage-slide” mahigit isang taon na ang nakalipas. Doon namin nakilala si Aling Cleodivina, isang retiradong guro sa elementarya, na 10 taon nang naninirahan sa lugar na iyon.

Ayon sa kanya, matapos ang malagim na trahedyang kumitil sa buhay ng mahigit isang libong pamilya, nangako ang lokal na pamahalaan ng Quezon City na aayusin nila ang lugar. Subalit, hanggang ngayon, hindi pa rin naisasakatuparan ang pangako.

Noong nakaraang taon, binayaran ng lokal na pamahalaan ang mga namatayang residente ng labinlimang libo bawat tao. Subalit iilan lamang ang nakinabang dito sapagkat may mga bangkay na hindi na natukoy at mayroon namang hindi na nakuha mula sa gumuhong basura. Nagkaroon din ng relocation program para sa mga residente, ngunit kakaunti lamang ang lumipat. Ayon sa kanila, bukod sa masikip ang mga lilipatan nilang bahay sa Montalban, Quezon, wala pa silang hanapbuhay doon, kaya pinili na lamang nilang manatili sa Payatas.

Hindi ko makalimutan ang tanging hiling ni Aling Cleodivina, “Ang pangako nila ibibigay na ang lupa sa mga residente na matagal nang nakatira doon. Naghihintay kami na matupad ang pangako.”

Nakalulungkot isipin na matapos ang “garbage-slide,” napakadaling mangako para sa mga opisyal ng pamahalaan na aayusin daw nila ang lugar at hindi na raw nila hahayaan pang mangyari uli ang naturang trahedya. Ngunit ngayon, tila naglaho na sa hangin ang kanilang mga pangako.

READ
Architecture gets Level I PACUCOA accreditation

Kung tutuusin, napakadali rin para sa kanila na magwalang–bahala. Paano ba naman nila mauunawaan ang hirap ng mga taga–Lupang Pangako, hindi naman sila ang nagtitiis na tumira sa tabi ng mga basura?

Ayon sa mga residente, tumigil na naman daw ang pagtatapon doon. Tinubuan na nga ng damo ang dating bundok ng basura. Pero may mga nagsasabi na nagbabadyang magsimula uli ang pagtatambak sa kabilang dulo naman ng gumuhong bundok ng basura. Ang katuwiran ng mga awtoridad: wala pang mahanap na maaaring maging dumpsite. Ngunit, tila ang dali naman nating makalimot at mukhang hindi na tayo natuto. Hihintayin pa ba natin na magkaroon uli ng isang trahedyang libu–libong buhay at pangarap ang ibabaon sa basura at lupa?

Sa ngayon, nararapat lamang na bantayan nang mabuti ng mga residente ang namumuong dumpsite.

Tama na ang mahigit isang libong buhay na isinakripisyo dahil sa kapabayaan at kasakiman ng iilang nakikinabang.

Habang papaalis kami mula sa lugar na iyon, naisip ko na sana, sa aming pagbabalik, naisakatuparan na ang mga pangako. At sana mabuhay pa nang matagal si Aling Cleodivina para masaksihan ang araw na iyon. Sana.

***

Napakadali para sa isang bata ang maniwalang natutupad ang mga hiling at mga pangako. Tila nakatira sila sa isang mundong puno ng pantasya. Noon, humihiling pa ako sa mga bituin at lubos na umaasang matutupad ang lahat ng ito. Buo rin ang aking pagtitiwala sa mga taong nangangako sa akin.

Subalit ngayon na namulat ako sa katotohanan ng mundo, nabatid kong hindi pala nagkakatotoo ang mga hiling at hindi natutupad ang mga pangako. Mahirap umasa sa isang bagay na walang katiyakan sapagkat, sa bandang huli, ikaw din ang masasaktan kapag hindi mo ito nakamtan.

READ
Walang batas para sa 'mandatory drug test'

Kung maari lang sanang ibalik ang kakayahang magtiwala gaya ng isang bata. Sana.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.