BINIGYANG-DIIN ng isang dalubguro sa UP Diliman kung ano ang dapat mabatid sa pag-aaral ng kasaysayan sa unang talakayan ng Katipunan sa Kultura at Kasaysayan noong ika-4 ng Pebrero. 

Ani Maria Luisa Camagay, mayroong dalawang kahulugan ang kasaysayan: ang kasaysayan bilang nakaraan na panahon at kasaysayan bilang ulat o interpretasyon ng nakalipas na panahon.

Nabanggit din niya ang kahalagahan at gamit ng iba’t ibang ebidensiya sa kasaysayan dahil kung wala nito, hindi makabubuo ng kuwento o interpretasyon ang isang historyador. 

Sa pagsusuri ng ebidensiya, pinaalala ni Camagay na hindi dapat ito basta-basta lang at dapat dumaan sa external at internal criticism.

“Medyo mabagal ang production of knowledge sa history kasi talagang kailangang masinop, kailangang kahit na may primary sources, ito ay dapat hindi mo tanggapin ng ganun-ganun lamang,” wika ni Camagay.

Para sa kaniya, layunin ng historyador na ilahad ang katotohanan bunga ng masinop niyang pagsusuri ng ebidensiya at may matibay na batayan ng kanyang mga konklusyon.

“Ang pagkakaroon ng iisang katotohanan hinggil sa nakaraan ay hindi makatutulong sa ating pag-unawa dahil isinusupil nito ang iba pang katotohanan at ikukubli ang masalimuot na interpretasyon ng nakaraan,” pagpapaliwanag  niya.

Paalala rin ni Camagay na dapat maging mapagmatiyag ang mga tao sa mga nababasa at nalalaman nila, at dapat ingatan ang mga mamamayan mula sa mga maling impormasyon mula sa internet.

“Ang bilis kasi ng production ng mga gamit ng historical negationism sa social media na talagang pagbabaluktot ng ating kasaysayan,” wika niya.

Katipunan sa Kultura at Kasaysayan o KKK 2022

Ibinahagi ni Virgilio Almario, kilala bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang pagkakabuo ng KKK noong ika-8 ng Enero sa pagbubuklod ng mahigit 40 na makata, guro, at manggagawang pangkultura upang mapasigla ang mga proyektong pansining at kultura.

Binanggit din niya ang pagbuo ng samahan ng Kartilya ng Katipunan sa Kultura at Kasaysayan na binubuo ng mga sumusunod:

  1. Itaguyod ang isang pambansa at makabansang kultura at kasaysayan batay sa diwa ng Himagsikang 1896;
  2. Pangalagaan at palaganapin ang isang kulturang mapagpalaya, malikhain, at mapagbago;
  3. Tangkilikin ang saliksik at pagsisiyasat na nagdudulot ng wastong pagtingin sa kasaysayan at naglalantad sa mga halagahang kolonyal, baluktot na katwiran, at mapanlinlang na salaysay;
  4. Isulong ang Wikang Pambansa bilang pambansang sagisag pangkultura at wikang opisyal ng pamahalaan at edukasyon habang pinangangalagaan ang lahat ng wikang katutubo at nililinang ang kasanayan sa Ingles at ibang wikang internasyonal;
  5. Ipagbunyi ang patakarang pampolitika at pangkabuhayan na nakasalig sa tumpak na pagpapahalaga sa kultura at kasaysayan;
  6. Ipagtanggol ang panlahat at pantay-pantay na pag-iral ng mga karapatang pantao, lalo na ang karapatan sa malayang pagpapahayag at pagtitipon, at ang ganap na karapatang tumuligsa at sumiyasat sa mga gawaing tiwali ng mga pinuno sa gobyerno at mga institusyong pampolitika at pangnegosyo;
  7. Bakahin ang kultura ng karahasan, ang politika ng panlilinlang at pagsasamantala, at ang mga batas at tuntuning nagpapairal ng ganitong kultura at politika;
  8. Paunlarin ang industriyang pangkultura at produktong Filipino;
  9. Palaganapin ang edukasyong demokratiko at mga programa para sa pagtaas ng literasi sa buong kapuluan;
  10. Paglingkuran ang kapakanang pangkalusugan at pangkabuhayan ng mga manggagawang pangkultura.

Ayon kay Almario, pangunahing adhika ng samahang ito na isulong ang tumpak na pagtingin sa ating kasaysayan at kultura upang magkaroon ng direksyon tungo sa kaunlaran ng bansa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.