MAAARING hawak sana ng UST ang unang puwesto sa nakaraang Physician licensure exams kung hindi umalis ng Unibersidad si Ma. Christina Jovida, ang topnotcher sa nasabing pagsusulit, upang ipagpatuloy ang kursong medisina sa Our Lady of Fatima University sa Valenzuela.

Subalit nagkamit ng 91 porsyentong passing rate ang Unibersidad dahil 298 mula sa kabuuang 327 examinees mula sa UST ang pumasa. Ito ay lubos na mas mataas kumpara sa 84 porsyentong naitala noong Agosto 2006.

“Ang hinahangad ko talaga ay 100 porsyentong passing rate,” ani Dr. Ma. Graciela Gonzaga, dekano ng Faculty of Medicine and Surgery. “Ngunit masaya ako na naging mas mataas ang passing rate ngayon kumpara noong nakaraang taon.”

Naniniwala si Gonzaga na ang mas mataas na passing rate ay bunga ng mas pinaigting na review courses.

Tomasino sya

Si Jovida, na nagtapos ng medisina sa Fatima noong 2005, ay nakakuha ng 86.92 marka. Ginugol ni Jovida and pag-aaral sa high school at kursong medical technology sa UST kung saan nagtapos siya bilang cum laude noong 2000. Naging matagumpay din siya sa medical technology licensure exams matapos pumangatlo noong Marso 2001.

Makalipas lamang ang dalawang buwang pamamalagi sa Faculty of Medicine and Surgery ay nagdesisyon si Jovida na lumipat sa ibang unibersidad dahil mas gusto niya ang tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo.

Noong taong iyon ipinatupad ng fakultad ang bagong paraan ng pagtuturo na kung tawagi’y problem-based learning.

Ang problem-based learning, ayon kay Gonzaga, ay isang makabagong kurikukum kung saan walang malinaw na asignatura. Sa halip ay tinuturuan ang mga estudyante sa pamamagitan ng problem-solving method. Ito rin ay isang student-centered approach kung saan hinahayaan ang mga estudyante na sila mismo ang makatuklas ng mga bagong bagay at kaalaman.

READ
Varsitarian alumni relive the glory - and laughs - of the turbulent 1980's

Sinabi ni Gonzaga na marahil ay naabutan ni Jovida ang transition period kung kaya’t nahirapan ito na makasunod sa bagong sistema ng pagtuturo.

“Kung tutuusin, noong unang ipatupad ang problem-based learning ay nagkaroon din ng mga problema sapagkat hindi pa gaanong handa ang faculty sa pagbabago,” ani Gonzaga.

Dahil sa sobrang batikos ng mga estudyante at propesor sa sistema ng problem-based learning, ibinasura ito noong 2003.

Lumipat si Jovida sa Fatima kung saan nakakuha siya ng scholarship noong huling dalawang taon niya sa kolehiyo.

Bagamat hindi siya nakapagtapos ng medisina sa Unibersidad, inialay pa rin ni Jovida ang kalahati ng kanyang tagumpay sa UST.

“Siguro mga fifty percent ng kung ano ako ngayon ay utang ko sa pag-aaral sa UST,” ani Jovida.

Kasama ni Jovida sa Top 10 ang mga Tomasinong sina Sherilyn Tuazon na nakuha ang ikalawang puwesto (85.92), Marjorie Golekoh, ika-apat (85.58) at Jeffrey Mendoza, ika-pito (85.25).

“Para sa akin mas importante ang makakuha ng mataas na passing rate kaysa makuha ang unang puwesto sa mga pumasa sa exams,” ani Gonzaga. “Sa ngayon ay hangad ko ang 100 porsyentong passing rate sa susunod na exam at mas maraming Tomasino ang mabilang sa Top 10.”

Bagong Physical at Occupational Therapists

Bumandera rin ang mga Tomasino sa katatapos lamang na Physical and Occupational Therapy exams kung saan pumangalawa ang Unibersidad sa mga top-performing schools na mayroong mahigit sa 20 kumuha ng pagsusulit.

Nagtala ang UST ng 93 porsyentong passing rate para sa PT at 88 na porsyento naman sa OT, mas mababa kumpara sa 98 porsyento at 95 porsyentong naitala noong July 2006. Sa mga kumuha ng PT exam, 43 mula sa kabuuang 46 examinees ang nakapasa. Samantala, 13 mula sa kabuuang 14 ang nakapasa sa OT exam.

READ
Pagbalik sa pinagmulan

Si Marian Grace Gabor ay nagkamit ng markang 85 na siyang naghatid sa kanya sa ikalawang puwesto sa PT exam, habang nakamit naman nina Joel Recinto (83.90), Arriane Marie Kathrine Novicio (83.25), at Jamie Raychel Lim (82.65) ang ika-anim, ika-walo, at ika-sampung puwesto.

Sa kabilang banda, pinangunahan naman nina James Ryan Nomus (79.40), Joan Carla Lampa (79.00), at Kris Edward Borja (78.60) ang mga Tomasinong pumasa sa OT exam matapos makuha ang ikatlo, ika-apat, at ika-limang puwesto. Verity Ayrah B. Cabigao

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.