NAGTALA ng 98 porsyentong passing rate ang UST sa Nursing licensure exams noong Hunyo, upang tuluyang ibaon sa limot ang mababang 83 porsyentong nakamit nito noong isang taon sa kontrobersiyal na pagsusulit.
Samantala, nakuha ng mga Tomasino ang pang-apat, -lima, -anim, -pito, -walo, at -siyam na pwesto sa Top 10.
Napakadramatiko ng resultang pinakita ng UST sa eksamen, kung saan halos 600 na Tomasino ang kumuha, kasama ang mga naunang kumuha noong isang taon na nagdesisyong dumaan muli sa pagsusulit upang alisin ng bahid ng maanomamalyang eksamen noong 2006.
Matatandaang dahil sa anomalya na nagsangkot sa ilang nursing review centers at ilang miyembro ng Board of Nursing, pati na rin sa Professional Regulation Commission, nanindigan ang UST para sa retake ng eksamen. Bagaman umani ng sari-saring batikos ang UST, ito naman ay sinang-ayunan ng Commission on Overseas Filipinos, Department of Labor and Employment at kamakailan lamang, ng Commission on Graduates of Foreign Nursing Schools ng Amerika, na nagsabing hindi nito bibigyan ng visa-screen certificates ang mga nakapasa ng 2006 exams hangga’t hindi pinapatupad ang retake.
Muli, sinabi ng mga awtoridad ng Kolehiyo ng Narsing na ang mataas na grado ng UST ay pagpapatunay na hindi madadaya ang kalidad ng edukasyon sa pamantasan.
“Ipinakita lamang ng mataas na passing rate ngayong taon ang totoong kakayahan ng mga Tomasino sa (Nursing) board exam kapag patas ang laban,” ani Mila Delia Llanes, katuwang na dekano, na dati ring miyembro ng Board of Nursing.
Pumangalawa ang UST sa mga top-performing schools na mayroong higit sa 100 examinees. Sa kabuuang 587 na kumuha ng pagsusulit, 577 ang pumasa sa pangunguna nina Jayson Co at Jemie Koon, na nagsalo sa ika-apat na puwesto sa markang 87. Sinundan naman sila nina Mark Rodelio Marcos (86.80) sa ika-lima, at Nicole Jan Cabrera at Yasmin Michelle Umali (86.60) sa ika-anim.
Samantala, nagtala bawat isa sina Hilarious De Jesus, Claudine Marie Reniedo, Danielle Ritz Shala, at Haidee Wasan ng 86.40, para sa ika-pitong puwesto, habang sina Hanni Mae Daduyo, Bren Lester Isip, at Jaimie Rizza Mislang ang nagkamit ng ika-walong pwesto (86.20). Nakuha naman nina Mae Aileen Agustin at Maria Regina Tiru ang ika-siyam na pwesto ( 86.00).
“Lubos na kasiyahan at pasasalamat ang aming naramdaman matapos mapag-alaman na labing-apat na Tomasino ang nakakuha ng pinakamatataas na marka. Higit sa lahat mataas ang nakuhang passing rate ng UST,” ani Llanes. “Ipinakita lamang nito sa buong nursing community na talagang kayang umangat ng mga Tomasino.”
Sa 64,909 na kumuha ng exams sa buong Pilipinas, 31,275, o 48 porsyento lamang, ang pumasa.
Dahil sa Center of Excellence ang UST, naniniwala si Llanes na ang Kolehiyo ng Narsing ang isa sa mga pinagpipitaganang institusyon na patuloy na humuhubog sa mga mag-aaral nito upang maging mga epektibong nurses.
“Mayroon tayong maayos na administrasyon, mga faculty members na may sapat na kakayahan upang hubugin ang kaisipan ng ating mga mag-aaral, maayos na curriculum, kumpletong library at laboratory facilities, pati na rin hospital affiliations,” ani Llanes.
Naniniwala si Llanes na ang magandang resulta ng nakaraang exam ay makatutulong sa kanilang kolehiyo na kasaluyang nasa proseso ng accreditation.
“Ang resulta ng exams ang pinakamahalagang pruweba na maipapakita namin sa mga accreditors upang patunayan na talagang mataas ang kalidad ng edukasyon sa College of Nursing,” dagdag ni Llanes.
Upang mapanatili ang mataas na passing rate ng UST, sinabi ni Llanes na kasalukuyan silang nagsasagawa ng enrichment classes tuwing Sabado at iba’t ibang exercises para sa mga mag-aaral na nasa ikaapat na antas bilang paghahanda sa board exam sa susunod na taon.
“Hindi lamang namin ninanais na makapasa ang mga estudyante sa board exams. Higi na mas mahalaga pa rin para sa amin na maging mahusay silang mga nurses.”