DALAWANG buwan na ang nakakaraan simula nang tanggapin ni Elna Alunan-Bueno, 52-taong gulang, ang 500 pisong subsidyo mula sa “Katas ng VAT,” isang proyekto ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mahihirap gamit ang nakokolektang buwis mula sa serbisyo’t produkto gaya ng kuryente, langis, at iba pa. Aniya, inabot siya ng tatlong oras sa pagpila bago makuha ang subsidyong ipinangako ng gobyerno.
Habang tinitiis ang init ng araw sa labas ng Landbank, isang bangkong pagmamayari ng gobyerno, napagtanto niya na mahirap palang kumuha ng sarili niyang pera na nagmula sa buwis na kanyang binabayaran.
“Gusto ko na nga sanang umuwi,” sabi ni Elna. “Kaso kapag umuwi ako, sayang ang perang makukuha ko.”
Ngunit nagdalawang-isip man siya, hindi naman niya pinagsisihan ang kanyang naging pasya. Malaki ang naitulong ng subsidyo sa pamilya niya dahil naibili niya ito ng 10 kilo ng murang bigas na inilalako ng National Food Authority sa presyong 18.25 piso kada kilo para sa mga mahihirap na mamamayang tulad niya.
Siya ay isa lamang sa 1.7 milyong lifeline user ng Manila Electric Company (Meralco) o mga kumokonsumo ng kuryente na hindi hihigit sa 100 kilowatt hours. Bilang bahagi ng “Katas ng VAT,” 2 bilyong piso ang inilaan ng gobyerno na nagmula sa sobrang kita buwis sa langis ang ipinamimigay sa mga katulad ni Elna.
Bagamat nakatulong sa pagbayad ng gastusin ang pagtanggap ni Elna ng subsidyo, makikitang hindi napupunta sa pagbabayad ng kuryente ang mga ito. Kadalasan, ang perang ito ay nailalaan na lamang niya sa mas higit na pangangailangan tulad ng pagkain. Para sa kaniya, kokonti lamang ito kumpara sa higit na pangangailangan ng kaniyang pamilya sa araw-araw.
Aniya, mas mainam sana kung ang lahat ng mga subsidyong programa ng gobyerno ay buwan-buwan na ibinibigay at hindi isahan lang upang lalong makatulong sa mga mamamayang gaya niya.
“Sana ang subisdyong ibinibigay ng gobyerno ay hindi ‘yung kakainin lang kundi may permanenteng pakinabang din sa amin gaya ng pang-negosyo.”
Kulang na kita
Walang trabaho at nag-aalaga lamang ng tatlong anak na lalaki si Elna sa munting tirahan na hinuhulugan niya at ng kanyang asawa sa Quezon City. Noon, upang maitaguyod ang kanyang pamilya, nilalakad niya ang mga makikipot na eskinita ng Gabihan sa Diliman, Quezon City upang magtinda ng mga lalagyan ng pagkain na gawa sa plastik.
Ngunit tinigil niya ang pagtitinda pagkalipas ng limang taon dahil lagi na lamang siyang inuutangan at pinahihirapan sa paniningil ng kaniyang mga kliyente.
“Ang hirap maningil dahil lagi nila akong tinatakasan,” sabi ni Elna.
Subalit sa kagustuhang kumita ng pera, sinubukan naman ni Elna na magtinda ng iba-ibang uri ng sabong panlaba sa kanyang mga kapitbahay.
Subalit gaya ng nauna, hindi rin siya sinuwerte at nalugi lang siya dito. Humantong pa sa isang pagtatalo noong minsang sinubukan niyang maningil sa mga nangutang sa kanya.
“Ikaw na nga ang naniningil, kailangan ikaw pa ang magpakumbaba. Kaya minsan nagiging libre nalang,” sabi ni Elna. “Mula noon, tinigil ko na ang pagtitinda.”
Sa ngayon, pinagkakasya na lamang ni Elna ang munting kinikita mula sa pagtitinda ng kanyang asawa ng mga piniratang DVD at sinusuweldo ng kanyang panganay na anak na lalaking empleyado ng isang malaking mall sa Fairview.
Dumating ang panahong kinapos ng pera ang pamilya ni Elna kaya hindi na sila nakabili pa ng bigas at ulam at nagtiyaga na lamang sila sa itlog at noodles.
“Hindi talaga sapat ang kanilang kinikita,” sabi ni Elna nang tinukoy niya ang kakarampot na mga suweldo ng kaniyang panganay na anak at asawa. “May listahan na nga ng bibilhin kahit wala pang pera,” sabi ni Elna.
Kanya ring nabanggit na mas maluwag ang pamumuhay noon kaysa ngayon dahil may natitira pa sa suweldo ng kanyang asawa at panganay na anak at naibibili pa niya ng ulam ito. Ngayon, ang pera ay sakto na lamang.
Ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), 62 porsyento ng mga Pilipino ang nagsasabing lumubha ang kalidad ng kanilang pamumuhay kumpara sa nakaraang taon at 30 porsyento ang nagsasabing mas lalala pa darating na taon. Gayunpaman, 53 porsyento ang nagsasabing sila ay mahirap.
Hangga’t may buhay, may pag-asa
Gaya ng ibang Pilipino, ang pangungutang ang siyang itinuturing na pinakamainam na solusyon ni Elna tuwing siya ay nagigipit lalo na’t kapag dumating na ang bayaran ng kuryente.
Hindi niya magawang mangutang ng buong halaga sa mga kapitbahay dahil pati sila ay kinakapos na rin.
“Sa hirap ng pera, naiintindihan ko rin sila,” sabi ni Elna. “Buti nga’t may naaawa pa sa akin at nagpapautang.”
Naiisip rin niyang mangutang sa kanyang mga kapatid ngunit lagi siyang pinangungunahan ng hiya dahil ayaw niyang makaabala sa mga ito.
“Maghihintay ka nalang na kusa kang bigyan at hindi yung hihingi ka dahil hindi masyadong maganda iyon,” sabi niya.
Aminado si Elna na nahihirapan siya sa sitwasyon ng kanyang pamilya dahil sa walang tigil na pagtaas ng mga presyo ng bilihin, langis, tubig, at kuryente. Ikinababahala rin ni Elna na baka hindi makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang bunsong anak na siya na lang nag-aaral sa kanyang mga anak at nasa ika-apat na taon sa hayskul dahil sa kakulangan ng pera.
Aniya, para siyang susuko sa tuwing maiisip niya ang mga ito. Ngunit naniniwala pa rin siya na hangga’t may buhay, may pag-asa.
“Kailangang dagdagan mo nalang ang kapit sa itaas,” sabi niya. “Basta kapit lang at tiyaga kung paano mo magawan ng paraan na mapaayos ang buhay.”