NANINIWALA ang Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) na ang matatag na pundasyon sa Agham at Teknolohiya (S&T) ay isa sa mga pinakamabisang susi para sa pambansang pag-unlad. Ito ang naging paksa ng talumpati ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagbubukas ng ika-43 taunang pagdiriwang ng Pambansang Linggo ng Agham at Teknolohiya na ginanap noong nakaraang Hulyo 16 – 20 sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs), Diliman, Quezon City.

Nilahukan ito ng ilan sa mga ahensya ng gobyerno na nagpakita ng mga pinakabagong inobasyon at imbensyon. Bagaman nabawasan ng malaki ang mga sumali ngayong taon, kapansin-pansin na parehong mga institusyon sa nakaraang pagdiriwang ang lumahok dito ngayong taon. Kabilang ang Philippine Science High School na nag-iisang paaralang sumali sa exhibit kumpara sa mahigit dalawampung unibersidad noong nakaraan. Naging sentro na lamang ng pagdiriwang ang iba’t-ibang seminars at symposia na itinakda sa mga araw ng linggong nabanggit. Tinalakay dito ang mga plano tungkol sa pagpapalawak ng kampanya para sa pagsulong ng Agham at Teknolohiya sa bansa.

Kalagayan ng S&T

Sa ilalim ni Kalihim Estrella Albastro, nagpalabas ang DOST ng mga plataporma sa pag-usbong ng S&T para makahanay ang bansa sa antas ng pandaigdigang pag-unlad. Pinangunahan ito ng paglulunsad ng mga agresibong programa para sa pagkalap, pagsasalin at paggawa ng teknolohiya. Nais ng pamahalaan na iangat ang lumalawak na kaalaman ng mga Pilipino sa Information and Communications Technology (ICT). India ang kinikilala na may pinakamalaking mapagkukunan ng talento subalit malaking puntos ang kakayahan ng mga Pilipino sa wikang Ingles para pumangalawa sa aspeto ng paggawa at paggamit ng teknolohiya. Sinabi ni Pangulong Arroyo na hindi malayong maging sentro ng S&T ang bansa sa Pasipiko maging sa buong Asya dahil sa kadahilanang ito.

Pinasinayaan na rin ang mga pagbuo ng iba’t-ibang Research and Development (R&D) Centers at ang paggawad ng mga intensibong pag-aaral para sa mga siyentipiko at inhinyero. Para maging ganap ang mithiing ito, inilahad sa pagdiriwang ang pagsasanib ng pamahalaan, industriya at akademya. Ang mga pag-aaral na isinasagawa partikular sa mga unibersidad ay hindi nabibigyan ng kaukulang-pansin kaya’t hinihimok ang mga mga industriya na tumulong sa teknikal at pinansiyal na aspeto ng paglinang sa mga saliksik at pagbigay ng karampatang aplikasyon.

READ
Truth in Media shines in Cinemalaya

Gayunpaman, ang pagbaba ng badyet nang mahigit sa 65% mula sa tinatayang plano na 5.92 Bilyon para sa taong ito ay hindi magandang indikasyon ng pagsuporta ng gobyerno sa sarili nitong mga programa. Hindi malinaw na matutugunan ang pagkuha ng mga makabagong pasilidad at pagpapatayo ng mga laboratoryo lalo na sa panahong ito ng pagtaas ng inplasyon. Nauna nang itinigil ng National Science and Research Institute (NSRI) ang mga proyekto nito samantalang ang ibang mga pananaliksik ay nailimita na lamang sa tatlong buwan.

Ayon sa isang pag-aaral ng UNESCO ukol sa kalagayan ng pananaliksik sa S&T sa Asya noong 1994, nakapagtala lamang ang Pilipinas ng 39 orihinal na inobasyon at imbensyon, kumpara sa 77 ng Thailand, 5,160 ng South Korea, 54,652 ng Estados Unidos at 75,034 ng Hapon. Sa larangan naman ng edukasyon, nagmistulang anino ng Japan, Singapore, China, Taiwan at Australia ang bansa sa 3rd International Math and Science Survey na inilunsad ng International Association for the Evaluation of Educational Achivement (IEA) sa pagpuwesto nito pangatlo mula sa ilalim ng 48 bansa, kasama ang Bangladesh at Qatar.

Ika-12 NSTW Fair

Noong nakaraang taon ay inilunsad ang tatlong Mobile IT classrooms bilang bahagi ng programang ihatid sa pinakasulok ng bansa ang S&T. Nakalibot na ang mga bus na ito taglay ang 32 laptop computers at audio-visual equipments sa mahigit 290 paaralan sa bansa at nakapag-sanay na ng mahigit 20,000 mag-aaral at 500 guro sa loob ng isang taon. Ngayong taon ay dalawa pang yunit ang idaragdag sa pakikipagtulungan ng INTEL Corporation sa Advance Science and Technology Institute (ASTI), isang sangay ng DOST.

READ
GMA cites importance of skilled professionals

Kabilang pa rin sa pagdiriwang ngayong taon ang 12th Annual S&T Fair na ginanap din sa Philvolcs Lobby na nagtampok ng ilan sa mga programa ng DOST. Noong nakaraang taon, mahigit sa 100 exhibitors mula sa iba’t-ibang sektor tulad ng mga pribadong korporasyon at akademya ang naimbitahang magpakita ng mga produkto at inobasyon. Tinatayang may bilang nang higit sa 50,000 ang sumaksi sa demonstrasyon na ginanap sa Philippine Trade and Training Center (PTTC), malayong bilang kumpara sa pagdiriwang ngayong taon sa nasabing lugar.

Tanging ang mga piling ahensya ng gobyerno, tulad ng Philvolcs, Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), National Research Council of the Philippines (NCRP) at iba pang mga kapwa sangay ng DOST ang nakasali sa exhibit ngayong taon.

Programa

Samantala, ayon kay Kalihim Albastro, ipagpapatuloy pa rin ang anim na pangunahing proyekto na inilunsad ng nakaraang administrasyon. Ito ay kinapapabilangan ng COMPETE (Comprehensive Program to Enhance Technology Enterprises); IPCT (Integrated Program on Cleaner Production Technologies); Pagtatayo ng mga ahensya na susubaybay sa R&D; Pagpapalawak ng mga Metrology Centers sa bawat rehiyon; Programang S&T sa Mindanao; at mga Intervention Programs para sa mga mahihirap, maysakit at may kapansanan.

May tugon na rin ang pamahalaan sa proyekto ng sangay ng edukasyon para sa digital literacy at pandaigdigang kaalaman at asal sa mga guro at mag-aaral. Ang PilipinasSchoolNet ay isang programa na tututok sa mga piling pampublikong paaralan sa agham gayundin sa mga Centers of Excellence (COE) sa bansa. Bubuo ng mga makabagong silid-aralan sa mga piling lugar sa pakikipagtulungan ng Foundation for IT Education and Development (FIT-ED) at Ayala Foundation. Sa pamamagitan nito ay magaganap ang mga pambansa, pang-rehiyon at pandaigdigang kolaborasyon sa teknolohiya ng mga institusyon at ahensya ng gobyerno.

Ang punto ng programa, ayon kay Roberto Romulo ng FIT-ED, ay hindi lamang sa pagse-seguro na marunong ang mga estudyante sa paggamit ng Computer kundi ang malamang konektado sila sa bawat isa nang sa gayon ay maaari silang magpalitan ng kaalaman. “There will be a sense of ASEAN community,” aniya.

READ
Med regent discusses war

Isinasaayos na ngayon ang mga programang ilulunsad sa tulong ng teknolohiya sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga ekspertong kukunin mula sa akademya para paunlarin ang mga kapwa sektor ng pamahalaan partikular ang agrikultura. Personal na babantayan ito ni Pangulong Arroyo sa pamamagitan ng pamamalagi niya sa Kagawaran ng Agrikultura.

Aksyon

Malaking papel ang ginagampanan ngayon ng pamahalaan para sagutin ang mga pangangailangan sa pag-unlad. Mahalagang magmula sa administrasyon ang inisyatibo sa mga programang ito sapagkat hindi madaling kilalanin ng mga tao sa isang mahirap na bansang tulad ng Pilipinas ang mga programang ganito. Tumutulong lamang ang publiko kapag may sapat na pangangasiwa mula rin sa gobyerno. Subalit hindi ito malinaw sapagkat sa puntong riyalistiko, hindi bakas ang sinseridad sa mga programa,. Nagiging malaking isyu ito ng pagpapalago ng kapital, hindi ng intensibo sa Agham at Teknolohiya. Kinakailangan ang buong suporta ng mga pribadong institusyon partikular ang Akademya. Pinakamalaking pagmumulan ito ng mga saliksik na kinikilala ng ibang bansa. Importanteng pagtuunan ng pansin ang pagsanay sa pagtingkilik sa sariling bansa nang lumago ang mga talentong magpapaikot sa bumabangong antas ng Agham at Teknolohiya.

Namamayagpag ngayon ang mga bansa sa Europa at Estados Unidos dahil hindi sila nagpahuli hamon ng industriyalisasyon noong nakaraang siglo. Ang bansa sa kasalukuyan ay nasa hanay ng mga nangunguna sa hamon ng teknolohiya na siyang bagong armas ng panibagong panahon. May angking galing at talino ang bawat Pilipino na marapat lamang linangin at hindi malayong mararating ang tugatog ng tagumpay sa pamamagitan ng Agham at Teknolohiya.

Kapag walang ganap na kaalaman sa takbo at kultura ng S&T, mananatili ang bansa sa likod ng kahirapan at kawalan ng progreso sa mahabang panahon.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.