PINAKAIINGATAN ko ang blusang asul na pasalubong sa akin ni Mama. Payak lamang ito kung pagmamasdan, walang kakaiba sa tahi at disenyo, at may tatlong munting bulaklak sa kanang bahagi.

Sa katagalan, natastas ang laylayan nito. Sinubukan kong ipagawa kay Lola subalit tumanggi siya. Aniya, may mga bagay raw na ako dapat ang gumagawa. Sinubukan ko naman at tagumpay ang unang pananahi ko kahit hindi sinasadyang matusok ako ng karayom.

Ginamit ko na naman ang asul na blusa hanggang masira ito at tinahing muli. Ilang ulit rin itong ginamit, nasira, at tinahi hanggang naubos na ang asul na sinulid. Naghanap ako ng ibang kulay na pantahing bagay sa kulay asul. Dumating ang pagkakataong hindi ko namamalayang gumagamit na ako ng ibang kulay na sinulid maayos lamang ang sira.

Habang nagmumuni-muni ako sa loob ng aking silid, nakita kong muli ang damit na iyon. Dahil sa espesyal ito, hindi ko magawang itapon o itago kahit bakas na rito ang kalumaan.

Naisip kong sinisimbolo pala ng blusa ang aking sarili na habang lumalakad ang panahon, lalong lumalawak ang ginagalawan kong mundo at hindi maitatanggi na naluluma rin ako.

Nagpapasalamat ako sa mga taong nagiging bahagi ng buhay ko na nagsisilbing sinulid na bumubuo ng aking pagkatao. Silang nagpupuno sa aking pangangailangan at nagbibigay-lunas sa hiya, lungkot, at takot na bumabalot sa akin.

Ngunit may mga taong panandalian lamang at hindi ko rin alam kung sino ang magpapaiwan.

Bumalik sa alaala ko ang mga panahong sinusulsi ko ang blusa at naghahanap ng sinulid, gaya ng paghahanap ng mga taong magiging karamay ko sa buhay. Handa rin ako na hindi magtatagal ang sinulid na ginamit ko at hindi ko rin alam kung hanggang kailan tatalab ang pagkumpuni ko.

READ
A piece of Jesus

Sa bawat taong umalis, tila may bahagi ng aking pagkatao ang nasisira. Kung nalulungkot man ang blusa sa bawat pagkakataong napupunit ito, ganoon din ang nararamdaman ko.

Minsan, natakot akong isuot ang blusang asul. Baka kasi masira ko ulit at tuluyan nang hindi ito magamit. Nakapapagod na rin kasing humabi ng mga punit. Ilang ulit man itong nasira, ilang ulit ko rin itong matagumpay na nabuo sa tulong ng mga sinulid, sa tulong ng mga taong nagkaroon ng mahalagang bahagi sa buhay ko.

Subalit masaya na rin ako dahil hindi sila naglalaho lamang, bagkus nag-iiwan sila ng bakas sa blusang pinakaiingatan ko mula sa iba’t ibang sinulid na ginamit ko.

Alam ko na sa darating na mga araw, masisira kong muli ang laylayan, manggas, o ang tagiliran. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi na ako matatakot pang humabing muli, magiging matapang na akong sulsihin ang mga sira ng blusa gamit ang sinulid na gamot sa aking pag-iisa.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.