Tomasino Siya
mistulang ehemplo ng makabagong bayani si Fortunata V. Bautista-O’Santos sa pagtulong sa mga dukha at paglilingkod sa Simbahan, bukod sa mahabang panahong pagsisilbi sa Unibersidad.
Tubong Bocaue, Bulacan, nagsimula si Bautista bilang instructor sa College of Commerce. Naging pinuno siya ng kagawaran ng accounting at naging CPA review director matapos ang ilang taon. Bago siya nagretiro noong 1982, nanilbihan siya bilang assistant dean ng kolehiyo.
Kasama ang kanyang asawang si Jose O’Santos, nagbalik siya sa Bulacan. Itinayo ng mag-asawa ang Krus sa Wawa Memorial Park sa Bocaue noong 1984.
Bukod sa kanilang negosyo, naging aktibo rin si Bautista sa mga organisasyong nagbibigay-tulong sa mga kapus-palad gaya ng Soroptomist International of the Philippine Region, Sinag Pag-asa Foundation for the Disabled, at Martyrs of Bocaue Foundation.
Miyembro din siya ng iba’t ibang samahan sa simbahan gaya ng Bocaue Parish Pastoral Council, Catholic Women’s League, at iba pa na nagpapatunay sa kanyang matatag na pananampalataya.
Nakamit din niya ang kauna-unahang Gawad Parangal sa Natatanging Bulakeña ng Taon noong 1997 bilang pagkilala sa mga nagawang kabutihan sa kanyang probinsiya. Ngunit ang Pro-Ecclesia et Pontifice na mula sa Santo Papa sa Roma ang pinakanatatangi sa mga parangal na kanyang natanggap.
Noong nakaraang Marso 7, kabilang siya sa mga pinarangalan ng Unibersidad bilang natatanging Tomasino. Sa ngayon, siya ang namumuno sa fund-raising at pagpapatayo ng Bahay ni Jose sa Nueva Ecija para sa mga nangangailangan.
Pinatunayan ni Bautista na hindi lang sa iisang larangan maaaring umunlad ang tao. Pagpapatunay dito ang ilang karangalang kanyang natanggap bilang guro, negosyante, kaibigan ng mga nagangailangan, at bilang lingkod ng Diyos. Michael Louie C. Celis
Tomasalitaan
Dalpak (pang-uri) – walang arko ang talampakan
Dahil dalpak, madalas madapa si Tracey sa harap ng maraming tao.
Pede po mag lagay po kayo ng “IMAGE”?
para po mas maging accurate ung info…