IDINAOS ng ABS-CBN Interactive, sa pakikipagtulungan ng UST Internet Society (UST-Isoc) Pinoycentral Rocks…On Campus sa UST noong Hulyo 26-27.

Dito rin inilunsad ng ABS-CBN ang kanilang pinakabagong handog para sa mga kabataan, ang College.Pinoycentral.com.

Ito ang pinakamalaking proyekto ng ABS-CBN Interactive na nagtataglay ng mga produkto, imahinasyon, at galing na akma sa panlasang Pinoy.

Naging makulay ang motorcade sa loob ng UST na ginawa sa pagbubukas ng okasyon. Sinundan ito ng isang Internet exhibit sa Main Building Lobby. Iba’t-ibang mga pakulo ang inihain para sa mga Tomasino, na masiglang tumanggap sa kanilang pagtigil sa UST sa loob ng dalawang araw.

Hindi rin pinalampas ng mga mag-aaral ang mga papremyo at pribilehiyo na hatid ng ABS-CBN.

Pinuno naman ng mga mag-aaral mula sa Faculty of Engineering at College of Science ang symposium na itinanghal ng mga bisita sa Medicine Cinematorium kinahapunan sa unang araw.

Tinalakay rito ang mga bentahe ng Internet sa kabataang nagsidalo. Bagama’t naging impormal ang symposium dahil sa mga regalong ipinamimigay sa bawat pagitan ng presentasyon, kasama ang katulong na portal ng Pinoycentral.com, ang Jobstreet at PinoyAuctions.com.

Bukod sa pagiging pangunahing tagapaghandog ng balita sa University Athletics Association of the Philippines (UAAP), layon ng College. Pinoycentral.com na maipakita ang kagandahan at kahusayan ng pagiging Pilipino sa ibang bansa, sa usapang merkado, teknolohiya, pamumuhay, at pamayanan.

Taglay nito ang maraming impormasyon tungkol sa iba’t ibang usaping estudyante na matatagpuan sa chat at message boards at kapakipakinabang na pang-araw-araw na gabay sa buhay-kolehiyo.

Ayon kay Jennifer Maglalang, pangulo ng ISoc, ito ang unang proyekto ng kanilang organisasyon para sa taong ito.

READ
Dismissed instructors sue UST officials

Ayon kay Teri Tolosa, prodyuser ng College.Pinoycentral.com, napili ang Unibersidad bilang unang destinasyon para sa paglulunsad dahil sa malaking populasyon nito.

“We’ll be hitting top universities and you’re in the list, I know you have 34,000 students so publicity is not a problem,” dagdag pa niya.

Nakatakda rin nilang kausapin ang mga publikasyon sa Unibersidad upang bumuo ng isang programang makatutulong sa kanilang paglilimbag sa Internet.

Tunay na hindi maipagwawalang-bahala ang patuloy na pagdagsa ng mga oportunidad sa Internet. Sinimulan na ng Pinoycentral ang paglabas mula sa mga buhul-buhol na kable ng sari-saring impormasyon upang higit maabot ang kabataan.

Dahil sa hangarin nitong ilapit ang walang patlang na mga dala ng Internet, nananatiling isa sa mga pinakamabilis at pinaka-masigasig na websites ang Pinoycentral.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.