ALAM ba ninyong may hardin na tila isang naligaw na oasis sa loob ng UST?

Lingid sa kaalaman ng marami, matatagpuan sa tuktok ng silungan sa harap ng Main Building ang isang hardin na maihahalintulad sa isang munting paraiso.

Katatapos pa lamang ng digmaan nang pinasinayaan ang hardin noong 1947, 20 taon mula nang maitayo ang Main Bldg., upang magsilbing annex ng opisina ng Rektor. Kasabay nito ang paglalagay ng canopy sa gusali na silunagn habang papasok sa gusali. Ginagamit din ito sa iba’t ibang pagtitipon ng mga mataas na opisyal ng Unibersidad.

Bagaman hindi pansin mula sa ibaba ang harding ito, maaari itong makita ng ibang Tomasino kung aakyat sila sa ikaapat na palapag ng gusali at tutuntong sa paanan ng Tria Haec. Mula roon, matatanaw ang maayos na pagkakasalansan ng iba’t ibang at kakaibang bulaklak tulad ng Manila Palm, Vanilla, at Yellow Bell.

Puno ng malalapad na hanay ng mga kahoy at mga halamang tropiko, hindi lamang mainam na pahingahan ng Rektor sa maghapong pangangasiwa sa Unibersidad ang hardin. Nagsisilbi rin itong tahanan ng mga natatanging hiyas ng kalikasan.

Noon po sa Amin

Hindi lamang sa larangan ng pagtuturo nangunguna ang UST. Nangunguna rin ito sa larangan ng panggagamot.

Hunyo, 1978 nang opisyal na buksan sa ikatlong palapag ng UST Clinical Division ang USTH Hearing and Speech Rehabilitation Center, ang kauna-unahang hearing and speech center sa Pilipinas. Pinasinayaan ito nina P. Frederik Fermin, O.P., rektor ng Unibersidad; P. Francisco Tuaño, O.P., tagapangulo ng UST Hospital; at P. Pastrana Gabriel, O.P., rehente ng Faculty of Medicine and Surgery.

READ
Pharmacy aims for Level III accreditation in three months

Nilalayon ng nasabing sentro ang panggagamot sa mga may kapansanan sa pagdinig at pagsasalita. Bago gamutin, sumasailalim muna ang mga pasyente sa pagsusuri ng Otolaryngology Section sapagkat ang mga mahihirap ang pangunahin nitong nais paglingkuran.

Matatagpuan sa USTH Hearing and Speech Rehabilitation Center ang mga makabagong kagamitan na tulad ng audiometer. Nabili ng sentro ang nasabing kagamitan sa tulong ng Manila Hearing Aid Center. Samantalang naitayo naman ang mismong USTH Hearing and Speech Rehabilitation Center, na mayroong sound-proof-acoustics room, dahil sa pagtulong ng Tomasinong si Dr. Eusebio Llamas na nagpasimula ng dalawang konsyerto upang makalikom lamang ng pera para sa nasabing proyekto. Tumulong din si Leticia Buhay, isang speech therapist na noo’y nagtuturo sa Faculty of Arts and Letters.

Bukod kina Dr. Llamas at Buhay, nakibagi rin sa pagbuo ng USTH Hearing and Speech Rehabilitation Center ang Asian Calibration and Electronics Corporation.

Tomasino Siya

Tomasino ang kauna-unahang Filipina na nahirang bilang Chief Executive Officer ng Citibank, si Nina Datu-Aguas.

Nagtapos si Aguas ng Accounting sa UST College of Commerce. Habang nag-aaral, naging pangulo siya ng Junior Philippine Institute of Accounting. Bilang pangulo ng nasabing organisasyon, ipinaglaban niya ang pagpapabuti ng accounting curriculum sa kalagitnaan ng rehimeng militar sa bansa.

Dahil sa kanyang kahusayan sa pamamahala, umani ang Citibank ng 100 milyong dolyar na higit pa sa kanilang inaasahang kita para sa taong 2000. At noong Marso, 2000, hinirang siya bilang Country Manager for Global Consumer Banking in the Philippines ng Citibank NA.

Bago ang pagkakahirang na ito, nakapagsilbi na rin si Aguas sa iba’t ibang sangay ng Citibank sa ibang bansa. Sa kabila nito, mas pinili niyang manatili at magtrabaho sa Pilipinas dahil sa kagustuhan niyang makapaglingkod sa bansa.

READ
Si Haraya

Bilang pagkilala sa kanyang mga nagawa, iginawad sa kanya ng UST Alumni Association ang Outstanding Thomasian Alumni Award sa larangan ng Consumer Banking nitong Marso 22, 2002. John Ferdinand T. Buen at Hector Christian D. La Victoria

Tomasalitaan

Prakaso (Pangngalan) – pagkabigo, pagbagsak, o pagkalugi

Nagsara ang kanilang tindahan dahil sa prakasong idinulot ng biglaang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.

Sanggunian

UST Public and Alumni Affairs Office

The Varsitarian, Tomo, 50, Bilang 9

The Varsitarian, Tomo, 50, Bilang 12

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.