LIHIS sa kinagisnang adhikain ng isang pagamutan ang ipagkait sa sinuman ang impormasyong makatutulong upang makaiwas sa anumang sakuna o seryosong problemang pang-kalusugan ang isang may karamdaman.

Sa ganitong pagkakataon, nararapat lamang suriin kung naipagkakaloob ba ng isang ospital ang kaukulang serbisyo at tapat na paglilingkod na siyang mga pangunahing layunin ng pagkakatatag nito. Kung dadanas ng hindi kinakailangang hirap sa pangangalap pa lamang ng pangunahing impormasyon, ano pa kaya ang kailangang danasin ng isang pasyenteng nangangailangan na ng karampatang lunas?

Kalbaryo

Kamakailan lamang, sinadya ng Varsitarian ang University of Santo Tomas Hospital (USTH) upang makakuha ng impormasyon hinggil sa halaga ng mga pangunahing serbisyo at pasilidad dito. Ang nasabing datos ang sana’y siyang gagamitin sa comparative survey na inilathala ng Sunday Inquirer Lifestyle noong Agosto 12. Isinagawa ang nasabing comparative survey na kinabilangan ng walong ospital sa Kamaynilaan bilang pakikiisa sa National Hospital Week.

Noong nakaraang taon, ibinigay ng USTH Governing Board ang karapatan sa pamamahala ng pagamutan sa Summit Ventures Management and Marketing Group, Inc., isang lokal at bagong tatag na kompanyang walang karanasan sa pamamahala ng ospital. Mula noon, naghigpit ang bagong administrasyon ng ospital, partikular sa pagbibigay-impormasyon hinggil sa mga bagong patakaran ng USTH.

Patotoo rito ang pinagdaanan ng Varsitarian nang sinimulan nang likumin ang nasabing datos. Umpisa pa lamang, pinagsabihan na agad ang publikasyon na tumungo sa administration office upang doon kunin ang kinakailangang impormasyon.

Sa nabanggit na tanggapan, sinabi ng sekretarya ni Atty. Pilar Almira, chief operating officer at pinuno ng Board of Directors ng USTH, na kailangan ng liham para kay Almira na nagsasaad ng sadya sa opisina ng pagamutan.

Agad namang lumiham kay Almira ang tagapayo ng Varsitarian. Isinaad niya sa kanyang liham ang layunin ng pahayagan sa pagkalap ng nasabing impormasyon at sinabi rin niyang USTH lamang ang university hospital na makalalahok sa survey ng Inquirer, patunay ng mataas na pagkilala sa pagamutan.

Mismong si Almira ang nakatanggap ng liham. Sa kanyang pag–uusisa sa naghatid ng liham, nagtanong si Atty. Almira kung ginagawa diumano ng Inquirer ang naturang survey sa pamamagitan ng Varsitarian.

READ
Prop binigyang diin ang moralidad

Agad na ipinaliwanag sa kanya na nagkataon lamang na patnugot din ng nasabing pahayagan ang tagapayo ng Varsitarian. Bukod dito, tungkulin din ng Varsitarian ang alamin at ipabatid sa pamayanang Tomasino ang mga bagong kaganapan sa lahat ng fakultad, kolehiyo, at kagawaran ng Unibersidad. At dahil sa tungkuling ito, inaasahang hindi magiging maramot ang mga kinauukulan lalo pa at sumunod naman ang publikasyon sa kinakailangang proseso upang makakalap ng sapat at tamang impormasyon.

Umpisa pa lamang ito ng kalbaryo. Nang sabihing kailangan ang datos sa Huwebes ng linggong iyon, agad nangaral si Almira na maiintindihan niya na kailangang-kailangan talaga ang impormasyon kung para sa balita ang mga datos at hindi para sa seksyong Lifestyle. Hanggang sa wakas, sinabi niyang bumalik na lamang sa Huwebes para sa kanyang tugon.

Dumating ang Huwebes at tinawagan ng Varsitarian ang kanyang tanggapan upang alamin kung maaari nang sumadya nang personal para sa kanyang tugon, subalit kung hindi busy, walang sumasagot sa kanyang opisina.

Tinawagan siya muli sa kanyang tanggapan noong Biyernes. Ang sekretarya niya ang nakasagot at pagkarinig sa sadya kay Atty. Almira, sinabi niya na sa marketing department na lamang ng ospital alamin ang tungkol sa kailangang impormasyon.

Pinuntahan ng aming manunulat ang kanyang tanggapan nang araw na iyon. Nalaman niya na wala si Atty. Almira at kahit sinong miyembro ng administrasyon dahil may pagpupulong silang dinaluhan. Nang tumungo siya sa marketing, sinabi pa sa kanya na maibibigay nila ang hinihinging impormasyon ngunit sa Lunes pa ng darating na linggo.

Nagbakasakali pa rin siya kung may mapapala pa sa USTH. Sinubukan niya ang information terminal sa lobby ng ospital upang makakuha ng kaukulang datos. Mula sa Rxpinoy.com, ang kauna-unahang website sa bansa ukol sa mga isyung medikal, ang information terminal sa USTH. Naglagay din sila nito sa may 24 pang ospital sa Kamaynilaan.

READ
New CSC leadership vows to focus more on long-term goals

Makikita sa computer sa USTH lobby ang pahina ng website ng ospital. Nang tumipa na sa keyboard at itinuro na ang mouse sa information item ng pahina, natuklasan niyang hindi pala gumagana ang nasabing computer.

Kung hindi nagtanung-tanong ang isa pang taga-Varsitarian, wala sana ang ospital sa nailathalang survey dahil sa hindi nila maagap na pagtugon. Nang lumabas ang survey sa Sunday Inquirer Lifestyle, nakatanggap ng impormasyon ang Varsitarian at liham ang Inquirer mula sa mga opisyal ng USTH na nagsasabing mali raw ang mga detalyeng nailathala tungkol sa nasabing ospital.

Kung naging maayos ang pagtanggap nila sa amin at ibinigay sana nila ang kailangang impormasyon, nakatulong pa sana ito sa media mileage ng USTH, lalo pa ngayong bago na ang pamamalakad sa nasabing pagamutan.

Karagdagang reklamo

Kung susuriing mabuti, hindi lamang ito ang hinaing sa bagong pamamahala ng USTH.

Katulad na problema rin ang dinanas ni Ramil Gulle, junior associate ng UST Center for Creative Writing and Studies (UST-CCWS) at manunulat sa seksyong Lifestyle ng pahayagang Today. Nakatakda siyang magsulat ng artikulo tungkol sa pagpapasinaya ng Center for Respiratory Medicine ng USTH noong Agosto 13. Ngunit nang sinimulan na niyang likumin ang detalye para sa ilalathalang artikulo, hindi rin tumugon ang ospital sa kailangan ng pahayagan.

Noong Hunyo 11, sinimulan na ang sistema ng hindi pagpapasok sa mga empleyadong walang berdeng sticker sa kanilang I.D. Ito ang tugon sa memorandum na inilabas ng ospital noong Mayo na nagbabawal sa mga kawani ng pagamutan na dumaan sa harap ng Medicine Building.

Ipinaliwanag naman ng administrasyon na inilabas nila ang nasabing memorandum upang tiyakin ang kapakanan at seguridad ng mga pasyente at ang kaginhawahan ng mga bisita at mamimili sa parmasya ng ospital.

Inirereklamo rin ng mga estudyanteng bumibili sa parmasya ang paghihigpit sa pagpapapasok sa ospital. Sa main entrance, pinaiiwan pa ng guwardiya ang kanilang I.D. kahit sabihin nilang sa parmasya lamang sila pupunta at sa daanang malapit sa kanilang gusali na lamang lalabas. Dahil dito, kailangan pa nilang bumalik at lumakad nang malayo, dala-dala ang mga gamit pang-laboratoryo at mga gamot para lamang balikan ang kanilang I.D.

READ
Building communities of the heart

Nagbabagong bihis

Ilan lamang ang mga nabanggit na insidente na nagsisilbing hadlang sa pagbabagong bihis ng USTH.

Nilalayon ng nasabing pagamutan na makilala sa pamamagitan ng bago nitong pangalan at bagong pamamalakad. Ngunit, kung ang sarili nitong pamayana’y hindi nito mapagkakalooban ng mga pangunahing serbisyo at pinaghihigpitan pa sa maling paraan, tila nabahiran na agad ang bagong bihis na pagamutan.

Naiintindihan ng mga pahayagang nabanggit at ng Varsitarian ang pag-aalangan ng USTH sa pagbibigay-impormasyon sapagkat nahirapan ding makakalap ng detalye ang Inquirer sa iba pang nakalahok na ospital sa survey. Ngunit nang kanilang mabatid ang layunin ng pahayagan, malugod naman silang tumugon sa sadya nito.

Malaking tulong ang pagbabahagi ng pangunahin at kailangang impormasyon ng USTH sa positibong publisidad para sa pagamutan. Subalit, kung ipagkakait naman nila ang impormasyon, hindi makatutulong ang alinmang pahayagan, radyo, o telebisyon, lalo na ang Varsitarian na ipamahagi sa loob at labas ng pamayanang Tomasino ang bagong simulain at pagpapatibay sa kinagisnang adhikain ng pagamutan.

Nang nalaman ng pamunuan ng USTH ang panggigipit na dinaranas ng mga tanggapang nangangalap ng impormasyon ukol sa pagamutan, dagling nagpadala ng imbitasyon si Almira sa Varsitarian noong Agosto 17 para sa isang salu-salo upang aniya, simulan ang pagkakaroon ng kaaya-ayang samahan ng bagong administrasyon ng pagamutan at ng publikasyon.

Nagpahayag din si Almira na bukas na ang kanilang tanggapan sa anumang tanong at impormasyon na makatutulong upang mapabuti ang imahen ng bagong USTH.

Sa kabuuan, huwag sanang mangyari na ang pagamutang siyang nagbibigay-lunas sa sinumang may karamdaman at biktima ng sakuna ang siyang mangailangan ng gamot o, mas malala, magupo na lamang ng sakit dahil sa pagtanggi nitong linisin ang kumakalat na lason sa kanyang katawan, sa kanyang sistema, sa umpisa pa lamang. Kasama si Girard R. Carbonell

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.