MARAMING obispo ng iba’t ibang diocese at archdiocese ng Pilipinas ang nagmula sa UST. Sa kasalukuyan, 52 na aktibong miyembro ng CBCP ay pawang mga Tomasino. At bilang pagkilala sa kanila, matatagpuan ang kanilang mga larawan sa Bishop’s Gallery ng UST Central Seminary.

Tumira sa Central Seminary at nag-aral sa Ecclesiastical Faculties, kung saan tinapos nila ang mga kursong Philosophy, Theology at Canon Law, ang karamihan sa mga Tomasinong Obispo. Kabilang dito ang mga Arsobispo ng iba’t ibang lugar—si P. Edmundo Abaya, D.D. ng Nueva Segovia, Ilocos Sur; P. Pedro Dean Jr., D.D. ng Palo, Leyte; P. Onesimo Gordoncillo, D.D. ng Capiz; P. Carmelo Morelos, D.D. ng Zamboanga; P. Diosado Talamayen, D.D. ng Tuguegarao; at P. Jesus Tuquib, D.D. ng Cagayan de Oro.

Kabilang din sa mahabang listahan na ito ang mga dating rektor ng Unibersidad at Central Seminary na sina P. Leonardo Z. Legaspi, OP, D.D. ng Nueva Caceres, Naga, P. Oscar Cruz, D.D. ng Lingayen-Dagupan, dating pangulo ng CBCP; at P. Nestor Carino, D.D. ng Pasig, dating kalihim ng CBCP. Maliban kay P. Carino, dalawa pang Tomasino ang auxilliary bishop ng Manila. Ito ay sina P. Teodoro Buhain, D.D. ng Quiapo at P. Leoncio Lat, D.D. ng San Carlos Formation Complex, Makati.

Samantala, napasama din sa Bishop’s Gallery ang mga larawan nina Jaime Cardinal Sin, Jose Cardinal Sanchez at Ricardo Cardinal Vidal dahil sa pagkagawad sa kanila ng Doctor of Theology, Honoris Causa, ng Unibersidad.

Noong nakaraang taon, muling nadagdagan ang mahabang listahan ng mga Tomasinong Obispo. Hinirang ng Mahal na Santo Papa sina P. Guillermo Afable bilang auxiliary bishop ng Davao, P. Jose Advincula bilang obispo ng San Carlos, Negros Occidental, P. Julito Cortes bilang auxiliary bishop ng Cebu at P. Nereo Odchimar bilang obispo ng Tandag, Surigao.

READ
Fire-proof faith

Noon po sa Amin

Bilang pinakamatandang Unibersidad sa Pilipinas, naging tahanan na ng ilang makasaysayang pagtitipon at pagdiriwang ang UST. At isa na rito ang pagdaraos ng pagdiriwang para sa ika-34 na anibersaryo ng paglaya ng Maynila mula sa mga Hapon na ginanap sa UST grandstand noong Peb. 3, 1979.

Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni P. Frederik Fermin, OP, dating rektor ng Unibersidad, na patuloy ang pakikipaglaban ng UST sa kamangmangan, kawalan ng katarungan at kagutuman.

Samantala, nagsilbing panauhing pandangal sa nasabing pagdiriwang ang ambasador ng Estados Unidos na si Richard Murphy. Sa kanyang talumpati, tinalakay niya ang kasaysayan ng pagtutulungan at pagkakaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos, partikular na ang nagaganap na usapin noon tungkol sa mga base militar. Pinuri rin niya ang sigla at lakas ng Maynila sa pagbangon nito mula sa pagkasira na dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Dumalo rin sa naturang pagdiriwang si Ramon D. Bagatsing, punong lungsod ng Maynila, at ipinadala naman ni Hen. Romeo Espinosa, punong opisyal ng Sandatahan Lakas, si Hen. Augustin Marking, AFP, bilang kanyang kinatawan.

Binigyang-pugay ni Bagatsing, ang mga beteranong Pilipino at Amerikano na nag-alay ng kanilang mga buhay para sa kalayaan ng bayan. Samantalang inilarawan naman ni Espinosa sa kanyang ipinadalang sulat ang nakaraang digmaan bilang isang patunay ng kalupitan na dulot ng hindi pagkakaunawaan at bilang isang simbolo ng pagwawagi ng tunay na diwa ng sangkatauhan.

Tomasino Siya

Tomasino ang isa sa mga nangunguna sa larangan ng serbisyong panlipunan na si Dr. Miguel C. Cruz. Dati siyang medical officer ng Del Monte Rhythm Clinic at assistant physician surgeon ng Philipps Memorial Hospital sa Bukidnon. Natapos ni Cruz sa UST ang kursong Medisina noong 1936 at naipasa niya ang medical board exam sa nasabi ring taon.

READ
Washed ashore

Naging makulay ang buhay ni Cruz noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naglingkod siya bilang junior medical officer ng Clearing Company, 1st USAFFE Medical Battalion, hanggang sa lumaya siya sa concentration camp noong Hulyo, 1942. Pagkatapos ng digmaan, pinabalik siya ng Philippine Army sa serbisyo at nagsilbi siya bilang junior officer sa V. Luna Gen. Hospital, AFP Medical Clinic. Naging aktibo rin siyang kasapi ng Knights of Columbus at Kilusang Cursillio.

Bilang pagkilala sa mga nagawa niyang serbisyo sa lipunan, partikular na ang kanyang pagtuturo ng tamang birth control, pagpapaayos ng mga programang pangkalusugan sa Bukidnon, at pagbibigay ng libreng konsultasyon, pinarangalan siya bilang “Outstanding Thomasian” ng UST Alumni Association noong 1976.

Tomasalitaan

Timbulan (Pangngalan) – lutang na bagay na kinakapitan ng isang nalulunod; salbabida

Ang timbulang inihagis ko sa tubig ang nagligtas sa kanya mula sa tiyak na kamatayan.

Mga Sanggunian

New Thomasian Bishops, Tomo 4, Blg. 1

UST Alumni-Priests Association Directory, UST Central Seminary

Thomasian Who’s Who, UST Alumni Association

The Varsitarian, Tomo 51, Blg. 3

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.