SA KAUNA-UNAHANG pagsabak ng Unibersidad sa Occupational Therapy (OT) Licensure Exams, isang Tomasino ang nagkamit ng unang puwesto.

Samantala, walong Tomasino naman ang nakapasok sa top 10 ng PT board exams. Pawang mga cum laude graduates ang apat sa kanila.

Nanguna sa pagsusulit sa OT si August Vincent Pammit, na may gradong 83.80 porsiyento. Kasama niya ang anim pang Tomasino na nakapasok sa top 10.

Nakuha nina Gracielee Therese Coloso, isang cum laude graduate, ang ikalawang puwesto (83.20 porsiyento), Amos Charles Go (81.60) ang ikaapat na puwesto, Jilly Gay Baraoidan at Desiree Anne Valles (80.80) ang ikapitong puwesto, at Rodehl James Obaldo at Maureen Algaba Ocretao (80.40) ang ikasiyam na puwesto.

Bukod dito, 23 mula sa 28 (82.14 bahagdan) na Tomasinong kumuha ng pagsusulit ang pumasa kung kaya’t nakuha ng unibersidad ang unang puwesto sa pangkalahatang ranggo ng mga paaralang may 10 o higit pang estudyanteng kumuha ng pagsusulit.

Ayon kay department Chair Joel Guerrero ng Occupational Therapy, malaki ang naitulong sa kanilang inaning tagumpay sa board exams ang pagsala sa mga aplikante bago sila makapasok sa unibersidad at gayundin ang pagsasanay na ibinigay ng kolehiyo sa kanilang mga estudyante.

Idinagdag pa niya na nagdaos din ang College of Physical Therapy (PT) ng isang review course sa loob ng tatlong buwan para sa lahat ng nagtapos ng PT at OT sa UST.

“We made sure they attended the review classes and took the mock board (exams),” wika ni Guerrero.

Ito ang kauna–unahang pagkakataon na kumuha ng OT board exams ang mga Tomasino dahil noong 1995 lamang ipinakilala sa Unibersidad ang naturang kurso.

READ
Ang 'problema' sa pagtulong sa problema

Sa board exam sa PT, nakuha ni Dinnah Brojan ang ikalawang puwesto sa gradong 85.15 porsiyento; ni Ma. Theresa Ibarra ang ikatlong puwesto, 85.05 porsiyento; ni Julie Ann Chiu ang ikaapat na puwesto, 84.95 porsiyento; ni John Paul Rogando, ang ikalimang puwesto, 84.85 porsiyento; at ni Tracy Ellice Young ang ikawalong puwesto, 84.15 porsiyento.

Nagtapos bilang cum laude sina Brojan, Chiu, Rogando, at Young.

Nagtala naman si Maricel Rivera ng markang 83.95 porsiyento. Samantalang pinaghatian naman nina Louella Precilla at Ma. Lourdes Clarissa Chipeco ang ikasampung puwesto sa gradong 83.80 porsiyento.

Dagdag pa rito, umangat sa unang puwesto ang Unibersidad sa pangkalahatang ranggo mula sa ikalawang puwesto noong isang taon dahil 63 sa 64 (98.48 porsiyento) na estudyanteng kumuha ng pagsusulit ang pumasa. Ikalawa lamang ito noong nakaraang taon dahil sa 92 porsiyento lamang ng mga kumuha ang pumasa. Teodoro Lorenzo A. Fernandez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.