AKO SI Jun Tayag o mas kilala bilang si “Ka-Tayag.” Miyembro ako ng organisasyong Samahang Demokratikong Kabataan, na itinuturing na isang “militanteng grupo” ng pamahalaan. Tawagin na nila kaming rebelde, radikal, progresibo, aktibista, militante; ang sa akin lang naman, ipinaglalaban ko ang aking pinaniniwalan. Ika nga, walang mang-aapi kung walang magpapaapi.

Saksi ang mga kalye ng Maynila sa anim na taon kong pakikibaka. Kung nakakapagsalita nga lang ang kalsada ng Mendiola, buong lakas niyang isisigaw na matapang ako. Kasama yata ako sa libu-libong estudyanteng sumugod noong 1970 sa Mendiola, kung saan anim sa amin ang namatay at maraming nasugatan, kabilang na ako. Dahil napasok naman namin ang tarangkahan ng Malacañang gamit ang trak ng mga bumbero at marami rin naman ang nasugatan sa kampo ng pamahalaan, patas lang.

Setyembre 23, 1972

“Now, therefore, I, Ferdinand E. Marcos, President of the Philippines, by virtue of the powers vested upon me by Article VII, Section 10, Paragraph (2) of the Constitution, do hereby place the entire Philippines as defined in Article I, Section 1 of the Constitution under Martial Law.”

Lunes ng gabi nang marinig namin sa radyo ang deklarasyong maituturing na isang panganib sa mga Pilipino, lalo na sa aming mga kumakalaban sa administrasyon. Naging hudyat ang araw na ito ng panibagong pakikipaglaban para sa kalayaan, hindi laban sa dayuhang mananakop kundi sa isang diktador na binulag ng kapangyarihan.

Makalipas lamang ang ilang araw, apat na bangkay ang natagpuan sa isang tambakan ng basura sa Tondo. Pinaghinalaan silang mga kasapi ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, isang grupong tulad din namin. Ngunit ang totoo, isa lang sa kanila ang miyembro at pawang inosente ang tatlo. Tinanggalan ng mga mata ang dalawang bangkay samantalang basag naman ang bungo ng isa. Nakatali ng alambre ang kamay at paa ng apat na bangkay at parang asong itinapon sa basurahan. Patuloy na dumami ang mga nagbuwis ng buhay, ang nasirang mga pamilya at nawasak na mga pangarap—mga pagbabagong hindi na kailanman maibabalik. At hindi ko inaasahang kasama pala ako at ang kasintahan kong si Noemi sa mga magiging biktima ng pagkakataon.

READ
New child, new life

Isang dalagang Pilipina—mahinhin, morena, matalino, masipag mag-aral, at galing sa isang mabuting pamilya. Wala na kong maihihiling pa kay Noemi liban na lamang sa pag-unawa niya sa pagiging aktibista ko. Nakilala ko siya noong nasa unang taon pa lang kami sa UST Engineering.

“Mas pipiliin mo pa ba ang kapahamakan kaysa sa ating pagmamahalan? Alam mo namang hindi boto ang pamilya ko sa’yo dahil sa mga pinaggagagawa mo, Jun. Bigyan mo naman ako ng dahilan para ipaglaban din kita.”

“Hindi ko kayang tiisin na may nagdurusa habang nagpapakasarap ako. Hindi ko kayang iwan ang mga taong may natitira pang pag-asa. Intindihin mo sana ako, Noemi.”

Hiniling niyang iwanan ko ang ipinaglalaban kong prinsipyo para sa katiwasayan ng kanyang puso, ngunit binigo ko siya. Naghiwalay kami nang hindi ko man lang nalinaw sa kaniya kung gaano siya kahalaga sa akin.

Umalis siyang baon sa kaniyang kalooban na mas pinili ko pa ang kapahamakan kaysa sa kaniya, at kaysa bumuo kami ng isang pamilya sa hinaharap. Sana lamang na sa paglipas ng panahon, maintindihan niya na para rin sa amin ang pagsasakripisyo kong ito.

Itinuon ko ang aking atensyon at lahat ng aking lakas sa ikauunlad ng aming samahan. Hindi naglaon, Kumander Tayag na ang itinawag sa akin sa samahan, at ako ang naging pangalawa sa may pinakamataas na ranggo.

Ayaw na ng taong-bayan sa pamamalakad ni Marcos kaya naman isang plebesito ang kaniyang idinaos upang patunayan na hindi na siya gusto ng karamihan. Nanalo si Marcos at batid ng tao ang kaniyang talamak na pandaraya. Dahil dito, isang pagpupulong ang pinangunahan ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army na dinaluhan ng ibat-ibang samahan. Magkakaiba man ng pangalan, halos iisa lang ang aming naging layunin—ang pababain si Marcos at i-angat ang hustiya para sa lahat ng kaniyang nilapastangan.

READ
Architecture freshmen cut by a quarter

Sa pulong na ito nakilala ko si Blanca, isang babaeng palaban, may paninindigan at prinsipyo. Kasapi siya ng Kabataang Makabayan, isang samahan ng mga militanteng estudyante. Kakaibang babae si Blanca. Taglay niya hindi lamang ang tatag ng kalooban kundi ng mabuting hangarin para sa kaniyang bayan. Humanga ako hindi lamang sa taglay niyang kagandahang pisikal, kundi higit sa ipinamalas niyang katapangan.

“Ako nga pala si Jun Tayag. Mas kilala nila ako bilang Kumander Tayag, pero tawagin mo na lang akong Jun,” ang sabi ko sa kaniya.

“Ako naman si Blanca,”ang tangi niyang tugon.

“Anong nagdala sa’yo para sumali rito? Sa kilos at sa ayos mo, mukhang galing ka sa mayamang pamilya. Tama ba ako?” ang tanong ko sa kaniya.

“Oo, pero gusto kong patunayan sa mga magulang ko na may magagawa ako. Hindi ko kayang tiisin na may nagdurusa habang nagpapakasarap ako.”

“Ikaw, matagal ka na rito ‘di ba? Bakit mo ginagawa ‘to?” aniya.

“Pareho lang tayo ng dahilan.”

Naging magkasama kami ni Blanca sa lahat ng pagpupulong, sa demonstrasyon sa kalye at sa lahat ng gawain ng samahan. Nagsama kami sa hirap at pagdurusa. Nakilala namin nang lubusan ang isat-isa at higit na lumalim ang aming pagtitinginan.

Sa kabila ng kaguluhan na aming kinapapalooban, nagsilbing lakas at sandigan namin ang isa’t isa. At dahil doon, naging mas madali ang lahat para sa aming dalawa.

Dumating ang panahon na humina ang operasyon ng samahan dahil sa panggigipit sa amin ng militar. Isang araw, nahuli ang ilang matataas na lider ng CPP. Nadakip din maging ang ilang mga miyembro ng ibang samahan, kung saan kabilang na si Blanca. Masuwerte ako dahil nagkataong wala ako sa aming kampo. Ngunit si Blanca, kinuha nila.

READ
Supermanny

Hinalughog ko ang bawat presinto sa Maynila, ang bawat kalye, at pati na rin bawat lugar na maaaring pagtapunan ng bangkay. Subalit hindi ko siya nakita. Nakita ko na sa presinto ng Binondo ang iba naming mga kasamahang nahuli, ang iba, malamig nang mga bangkay. Ngunit si Blanca, ni bakas niya hindi ko pa nakita.

“Nawala na sa akin si Noemi. Hindi ko hahayaang maglaho si Blanca sa kamay ng mga hayop na ‘yon.” Sa bawat paghakbang sa kalsada, at sa bawat pagtawag at pagsigaw ko sa kaniyang pangalan, may kaakibat akong kahilingan na buhay pa sana siya.

Narinig ko ang isang ungol mula sa isang banketa sa kalye ng Espan?a. Doon ko natagpuan si Blanca—duguan, walang saplot ang katawan, magulo ang buhok at nanginginig sa takot.

“Blanca…Blanca anong ginawa nila sa’yo? Sumagot ka!”

“Mga hayop sila, mga hayop sila Jun, binaboy nila ko. Demonyo sila,” ang mahina at pautal niyang tugon.

“Halang ang mga kaluluwa nila! Huwag kang mag-alala Blanca. Babawi tayo. Makikita nila ang hinahanap nila.”

Ang buong akala ko ay iniwan na niya ko.

Labingwalong taon na rin ang nakararaan nang mangyari ang trahedyang iyon.

Sumuko ako sa gobyerno matapos na umupo ni Cory Aquino bilang pangulo ng Republika noong 1986 at nabigyan naman ako kaagad ng amnestiya matapos lang ang dalawang taon. Hindi pa rin kami nawawalan ng pag-asa sa kasong aming isinampa laban sa mga gumahasa sa aking asawang si Blanca. Nagbunga ang ginawang kahalayan sa kaniya at pinangalanan naming siyang Jun-Jun.

Huling beses naming sumigaw sa kalsada ng EDSA noong 1986, ngunit handa kaming bumalik anumang oras na ipataw muli ang batas militar. Hindi ko inaasahan na ang aking pagiging aktibista—ang dahilan ng aming paghihiwalay ni Noemi—ang siya ring magdadala sa akin sa panibagong mukha ng pag-ibig. R.U. Lim

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.