PASKO na naman at nasasabik na ang mga Tomasino sa pagdiriwang ng Paskuhan.

Ang Paskuhan ang taunang pagdiriwang ng Unibersidad para sa nalalapit na araw ng Pasko. Dito nagtitipon ang mga Tomasino—mga pari, propesor, manggagawa, at mga mag-aaral—upang sama-samang makinig ng misa, kumain ng libreng handaang inihahain ng Unibersidad, at masaksihan ang magarbong konsiyerto at fireworks display. Ganito kalaki ang pagdiriwang ng Paskuhan kaya naman ang paghahanda para sa pagdiriwang na ito ay mabusisi.

Ang unang Paskuhan sa Unibersidad ay ginanap noong Disyembre 19, 1991 sa temang “Paskong Tomasino, Paskong Filipino ’91.”

Taong 2004 nang maging isang malawakang charity work ang Paskuhan dahil sa apat na malalakas na bagyong nagdulot ng malubhang pinsala sa ating bansa. Napagdesisyunan ng Unibersidad na sa halip na ilaan ang pera sa tradisyunal na fireworks display ay ibukas na lamang ang palad sa mga Pilipinong nasalanta’t nahihirapan.

Sa nakaraang taon, saklaw ang pagdiriwang ng Paskuhan sa ika-400 na taong selebrasyon ng pagkakatatag ng Unibersidad kaya naman inihayag ang temang “Pasasalamat sa 400 Taong Biyaya (Pagbibigay ng pasasalamat sa Nakaraan at Kasalukuyan).”

Ngayong taon, ang tema ng Paskuhan ay “Pagsalubong sa Ika-limang Siglo (Pagtingin sa hinaharap nang may pag-asa).”

Ayon kay P. Florentino Bolo Jr. O.P., Secretary General ng Unibersidad, “[Nangangahulugan ang temang ito na] ang pagsasara ng quadricentennial celebration ng UST ay itinuturing na hindi isang pagtatapos, kundi pagbubukas ng panibagong siglo para sa Unibersidad.”

Kasama ng Secretary General sa komite para sa Paskuhan ang 16 pang mga kinatawan. Ilan sa kanila ay sina P. Manuel Roux, O.P. (Vice Rector for Finance), P. Winston Cabading, O.P. (Vice Rector for Religious Affairs), Giovanna Fontanilla (direktor ng Office for Public Affairs), Evelyn Songco (assistant to the Rector for Student Affairs), Jacqueline Kaw (direktor ng Human Resource Department), Augusto Antonio Aguila (executive assistant ng Office of the Secretary General), Rolando Vittorio Gatmaitan (presidente ng Student Organizations Coordinating Council) at Lorraine Taguian (presidente ng Central Student Council).

READ
Campus lab gets license; no plans to transfer storage

Para kay P. Bolo, isang pagkakataon ang Paskuhan para maipagdiwang ng buong komunidad ng UST ang kapaskuhan gaya ng isang pamilya na sama-samang pinagdiriwang ang pagdating ng Panginoon.”

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasino ang nagpinta ng “Pag-ahon ng Pagoda,” isang paglalarawan ng fluvial parade sa Pilipinas na kinilala pa ng Rockefeller Foundation sa New York dahil sa bukod-tangi nitong kagandahan?

Taong 1955 nang magtapos sa School of Fine Arts, ngayo’y College of Fine Arts and Design, si Jose V. Blanco na bitbit ang “best thesis award.”

Sa pagtatapos ng kaniyang pag-aaral ay pinili niyang magtrabaho bilang isang advertising director. Taong 1971 nang iniwan niya ang trabahong ito at ibinuhos ang buong oras sa pagpipinta. Sa taon ding iyon ay nagawa niyang ganapin ang kaniyang unang one-man show sa Manila Hilton.

Si Blanco ay nakilala bilang isang folk artist at muralist o nagpipinta ng mga larawan sa pader. Kasama niya sa sining na ito ang kaniyang pamilya na maaaring naging inspirasyon niya sa pagpapalago ng kaniyang dunong.

Kaniyang ninuno si Pedro Pison na isang religious artist noong ika-labing siyam na siglo. Lumaki siya at nakilala sa Angono, Rizal sa pangalang Pitok Bunggan kung saan pinalawak niya ang pagpipinta. Karamihan sa mga larawang naipinta niya’y mga tunay na kaganapan at mga tao sa Angono gaya ng “Angono Town Fiesta” na isang malaking canvas na naglalarawan ng pista sa pook. Kaloob sa larawang ito ang maraming mga gawaing sabay-sabay na nilalahukan ng mga taumbayan.

Nahimlay noong Agosto 14, 2008 si Blanco sa edad na 76.

READ
Civil Engineering passing rate steady; Electronics Engineering sinks

Tomasalitaan

Mintu (png) — pagsunod, pagtupad

Halimbawa: Ang pagmintu sa tagubilin ng guro ay hindi naging madali sa mga mag-aaral dahil pabago-bago ang kaniyang panuto.

Mga Sanggunian

The Varsitarian: Tomo LXXVI Blg. 8, ika-16 ng Disyembre 2004

http://showbizandstyle.inquirer.net/you/2bu/view/20080815-154739/Jose-Blanco-Angono-folk-muralist-dies-76

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.