“LOVE…is the Great Edible; is a majority of two”–– mga linyang namumulaklak sa pag-ibig mula sa koleksiyong “Cadena de Amor and other short stories” ni Wilfrido Nolledo mula sa UST Publishing House.

Hindi tipikal na pag-ibig ang ipinahihiwatig sa koleksiyong ito: pawang pag-ibig ng mag-ina, ng doktor sa kanyang propesyon, at ng tao sa kanyang kapwa. Ngunit sa gitna ng mga emosyonal na tagpo, tinatalakay din ang mga sosyo-pulitikal na isyu gaya ng karahasan, kamatayan sa panahon ng digmaan, moralidad ng mga manggagamot, at mababang pagtingin ng tao sa kapwa.

Dating manunulat ng Varsitarian, mapapansing kakaiba ang estilo ng pagsasalaysay ni Nolledo. May mga pagkakataong madaling basahin ang mga akda ngunit mayroon ding dapat ulit-ulitin dala ng kahabaan ng mga talata.

Nakahihingal man ang pagbabasa, naisasalaysay pa rin ni Nolledo ang bawat kuwento nang may kulay at buhay. Mararamdaman ng mambabasa ang nais niyang ipahiwatig mula sa emosyon ng mga tauhan at kung papaano nila tinatakasan ang mga pagsubok.

Sa aklat na ito, matutuklasan ng mambabasa na hindi lang kasiyahan ang ibinibigay ng pag-ibig. Nariyan din ang hinagpis at kasawian na naidudulot nito: “Feeling forever fatal/love lonelier than logic/loss larger than life.” Ma. Nicole Pauline C. Cruz

READ
Renewed ties

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.