HINDI pa rin nagbabago ang ayos ng sala. Naroroon pa rin ang tumba-tumba at ang mesa sa gawing kanan nito. Naroroon din ang isang lumang radyo na parang kailan lang ay dinig na dinig hanggang kalsada. Ngunit ngayon ay animo isa itong pipi na napaliguan ng alikabok.

Marami na ang nagbago rito subalit para sa akin, ito pa rin ang kinagisnan kong sala. Dito ko naramdaman ang mga piling pagkakataon na ako’y tunay na minahal. Dito ko natutunang limutin ang mga pasakit na aking dinaranas. At ngayon, dito ko rin nararanasan ang kakaibang pangungulila sa masaya’t mapait na nakaraan.

Mula sa aking bulsa ay hinugot ko ang isang luma at putol na rosaryo. Nawawala na ang mga mumunting bilog nito na ginagamit sa pagbibilang ng mga dasal. Ang tanging natitira na lamang ay ang kaputol na tali kung saan nakalambitin ang nakapakong Kristo.

Noong una’y hindi ko inakala na ito’y dating bahagi ng isang tunay na rosaryo. Noong mahalungkat ko ito sa aking lumang gamit, hindi ko malaman kung ano ang gagawin ko rito. Alam ko kasing ibabalik nito ang nakaraang matagal ko nang gustong ibaon sa limot. Hindi ko rin akalain na ito ang magsisilbing daan sa akin para balikan ang nakalipas at suriin kung saan ako nagkulang.

* * *

Halos ganito ang ginagawa ko nu’n kapag ako’y nagkakasala—isinisilid ko ang mga damit ko sa loob ng aking backpack at dideretso na ako sa bahay ng aking Lolo. Alam ko kasing kapag hinintay ko pa ang pagdating ng aking ama’y pihadong hindi lamang masasakit na salita ang aking mapapala.

Maraming pangarap para sa akin ang aking ama. Mga pangarap na hindi niya nakamtam dahil sa pagpapabaya sa mga pagkakataong ibinigay sa kanya. Dahil dito, ibinubunton niya ang lahat ng kabiguan niya sa akin. Sa paggawa niyo nito, wala siyang kamalay-malay na unti-unti niyang kinikitil ang aking sariling mga pangarap.

Buhay na buhay pa sa aking isipan ang mga alaalang ito na pilit namang ibinabalik ng lugar na aking kinatatayuan. At muling gumuhit ang nakaraan sa aking harapan.

* * *

Nakaupo ang Lolo sa tumba-tumba, ang mga mata’y pinagmamasdan ang isang malaking larawan na nakasabit sa kanyang harapan habang nakikinig sa malakas na boses ng announcer sa radyo. Hawak niya ang isang putol na rosaryo habang gumagalaw naman ang kanyang bibig at bumubulong-bulong. Hindi ko matanto kung nagdarasal ba ito o kinakausap na naman ang sarili. Palagi niya kasing ipinagdidiinan na nagrorosaryo raw siya subalit hindi ko lubos maisip kung paano siya nakapagdarasal sa hawak-hawak na putol na rosaryo.

READ
Life and love-the cowboy way

Paralisado na ang kalahati ng katawan ni Lolo dulot ng atake sa puso. Bumigay na rin ang kanyang memorya. Alzheimer daw, sabi ng doktor. Dulot daw iyon ng katandaan, sabi ng mga tao sa amin. Ulyanin, pagpupumilit naman ng aking ama.

“Lolo, ‘musta na po?” sabay abot sa kanyang kamay. Tiningnan lamang niya ako. Marahil ay nairita sa aking pang-iistorbo sa kanyang pagdarasal. Dahil alam kong hindi niya ako kakausapin hangga’t hindi pa siya tapos sa kanyang ginagawa, nilapitan ko na lamang ang radyo upang hinaan ito.

“May problema na naman ba?” tanong niya sa akin habang nakatitig pa rin sa malaking larawan sa kanyang harapan. Kuha iyon noon isang taong gulang pa lamang ako. Larawan ng Lolo’t Lola, kasama ang kanyang mga anak, manugang at apo.

“Wala naman po,” pagsisinungaling ko. “Napadaan lang.”

Ano kaya ang reaksyon niya kapag nalaman niyang ang kanyang paboritong apo ay sadyang ayaw iwanan ng gulo? Na ngayo’y tinataguan niya ang ama dahil sa isa na namang pagkakasala? Tiyak na mauuwi na naman ito sa usapan sa kung anu-anong bagay.

Madalas kaming magtalo ni Lolo dahil sa di ko pagsunod sa mga utos niya. Akalain mo namang halos lahat ng tao sa lugar na ito ay kanyang ipinapatawag kahit dis-oras na ng gabi dahil sa kung anu-anong dahilan.

At sa tuwing mapapansin kong pilit niyang inaabot ang isang baso sa may kalapit na mesa ay dahan-dahan akong umaalis. Alam ko kasing kahit anong bagay na maabot ng kanyang kamay ay kanyang ibinabato kapag hindi pinagbibigyan.

* * *

Kung gaano ako kalapit sa aking Lolo ay ganoon naman katindi ang galit niya sa kanyang panganay, ang aking ama. Sa mga mumunting bagay na nalalaman ko, inubos daw ng Papa ang yaman ng pamilya hanggang siya’y tuluyang pinalayas at tinalikuran ng Lolo. Hindi raw natinag ang Lolo at pinatawad ang Papa kahit noong ipinanganak na ako. Mabuti na lamang at hindi ako idinamay ng matanda.

Mahirap para sa akin ang maipit sa ganoong sitwasyon. Malapit kami sa isa’t isa ng Lolo ko subalit kung minsan ay nararamdaman ko na parang ginagamit niya lamang ako para tubusin ang mga pagkukulang ng aking ama. Ngunit hindi ako nauubusan ng mga pangaral mula sa kanya at sunod pa ang lahat ng aking mga layaw.

“Huwag na huwag mong tularan ang iyong suwail na ama,” bukambibig ng matanda kapag nakikita niya ang malaking larawan kung saan nakangiti ang Papa habang karga-karga ako noong ako’y sanggol pa.

READ
The Rector's Christmas message

Marahil ay may mas matindi pang dahilan sa hidwaan ng mag-ama subalit bigo ako sa pagtu-

tuklas kung ano ito.

“Huwag kang makialam sa buhay ng may buhay,” pasigaw na sinabi sa akin nang minsang nagtanong ako. Mula noon ay pinigilan na niya ako sa pagbisita sa lolo.

* * *

Sumunod na gumuhit ang isang larawan ng nakaraan kung saan nakita ko ang aking sarili sa loob ng isang kuwarto.

Hindi ko namalayang nakatulog pala ako sa panonood ng telebisyon sa loob ng dating silid ng aking ama na siyang tinutuluyan ko kapag nagpupunta ako rito sa lumang bahay. Sa aking mga panaginip ay naririnig ko ang pagsisigaw ng aking ama. Namumula ang kanyang mukha at sa isang kamay ay parang may isang malaking bato na balak ihampas sa ulo ko.

Bigla kong naramdaman ang pagpalo nang mabibigat na kamay sa aking katawan. At dahil sa malakas at malalim na boses ay napagtanto kong wala na ako sa mundo ng panaginip.

“Akala mo malulusutan mo ako, diyables kang bata,” wika ng aking ama. “Ano na naman ba ang kalokohang pinagagawa mo ngayon? Pinapaalis ka na sa inyong paaralan.”

Nanlilisik ang kanyang mga mata habang pinagmamasdan niya akong tumayo mula sa kinahihigaan at umupo sa gilid ng kama. Pinahid ko ang aking mga mata. Nagkatinginan kami nang malalim, animo’y nagsusukatan ng lakas. At namalayan ko na lamang ang biglang pagdating ng kakaibang puwersa na nagbigay sa akin ng tibay ng loob upang magsalita.

“Ako na naman ang mali. Nagmana lang naman ako sa iyo,” sigaw ko.

Hindi ko alam kung ano ang mas nauna, suntok sa panga o tadyak sa dibdib. Namalayan ko na lamang ang aking sarili na nakahandusay sa kama na pilit sinasalo ang nagliparang suntok at sipa ng aking ama. Kung ninais ko sanang gumanti ay kayang-kaya ko siyang itumba at ipatikim sa kanya ang naipon kung mga sakit at pagdurusa. Subalit ama ko pa rin siya at ito ang humahadlang sa akin upang sabayan siya sa panununtok at paninipa. Marahil ay napikon dahil sa matagumpay kong pagsalo sa kanyag mga sipa’t suntok, ginanahan siyang bugbugin ako. At hindi ko rin malaman kung galing sa akin ang dugong nagmantsa sa kumot.

“Ano ba’ng nangyayari rito?” isang malakas at halatang hirap na hirap sa pagbigkas na boses ang nagpatigil sa aming ginagawa. At sa duruwangan ng pintuan ay nakita ko ang Lolo na pilit binabalanse ang katawan sa isang nakabalandrang mesa.

READ
Medecine for the Masses

Linayuan ako ng aking ama. Dahil na rin sa sobrang sakit at hilong nadarama ay hindi ko napigilang matumba nang tinangka kong tumayo.

“Ano ang ginawa mo sa apo ko?” tanong ng matanda, namumuti ang mukha at parang hinahabol ang mga hininga.

Hindi mapakali ang aking ama. Papalit-palit ang kanyang tingin sa aming dalawa, waring pinag-iisipan kung sino ang mas matimbang sa kanyang atensyon. At bago ko tuluyang isinuka ang namumuong dugo sa aking lalamunan ay nakita ko ang biglang pagbitiw ng matanda sa mesa. Huli na ang Papa nang saluhin siya dahil tuluyan na itong bumagsak at nauntog ang ulo sa matigas na mesang gawa sa narra.

At sa pagkakita sa aking Lolo na sugatan ang ulo habang pinipilit siyang buhayin ng aking ama ay biglang dumilim ang aking paningin. Subalit sa halip na magpahina, ito’y nagbigay sa akin ng panibagong lakas na isumpa ang aking ama sa tibay ng aking kamao.

* * *

Ngayon ako’y nagbabalik sa bahay na ito matapos ang matagal na pagkawala. Ang tawag ng aking ina na nagbalitang patay na raw ang Papa ang nakapagpabalik sa akin sa lugar na ito.

“Hinahanap ka ng Papa mo,” wika minsan sa akin ng aking ina noong nakaratay pa sa ospital ang aking ama. Subalit sobrang matigas ang puso kong puno pa rin ng galit. Ang makalimot ay mahirap, ano na lang kaya ang magpatawad lalo na’t ang nawala ay ang taong tanging itinatangi?

Subalit gaano man katigas ang isang puso’y napapalambot din ng panahon. Hindi ko pa rin malaman kung ang aking pagbabalik ay nangangahulugan ng pagpapatawad at paglimot.

“Hangga’t sa huli niyang hininga’y humihingi siya ng tawad sa nangyari sa Lolo mo,” ang mangiyak-ngiyak na boses ng aking ina’y sadyang ayaw mawala sa aking alaala.

Umupo ako sa lumang tumba-tumba. Maalikabok ito dahil wala nang gumagamit. Wala na rin ang nakatira sa bahay na ito maliban sa binabayarang tagabantay.

Naroroon pa rin ang malaking larawan na medyo kupas na. Ang Lolo’t Lola ay nasa gitna kasama ang kanilang apat na anak, mga manugang at apo. At sa likod ng Lolo ay ang nakangiting Papa na karga-karga ako noong ako’y sanggol pa lamang.

Hinugot kong muli ang putol na rosaryo sa aking bulsa. Marahan ko itong inilapag sa ibabaw ng lumang radyo. At sa loob ng mahigit sampung taon ay hinayaan ko ang malayang pagdaloy ng aking mga luha.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.