HALOS taon-taon nagbubukas kami ng balikbayan box tuwing sasapit ang kapaskuhan.

Naging tradisiyon na ito mula nang maging overseas Filipino workers (OFW) sina Papa at Mama noong 2008.

Laman ng malalaking kahon ang sandamukal na tsokolateng nabibili nila ng bagsak presyo kumpara sa Pilipinas, mga bagong kamiseta na branded at ginto kung tingalain sa Pinas, at mga rekadong panghanda sa noche buena—gatas na delata, spaghetti noodles, ketchup at maraming pa iba.

Nakagawian na nila ang pagpapadala ng balikbayan box sa aming bahay sa Pampanga gawa na rin ng kanilang mahigpit na trabaho sa ibayong-dagat. Pihikan sa bakasiyon kaya hindi sila nakauuwi ng bansa upang ipagdiriwang ang pasko at bagong taon kasama ang angkan. Ngunit paminsan-minsan, sa abot ng makakaya—ng bulsa at ng trabaho—nagbabalik-bansa sila.

Ngunit ngayong taon, mukhang alanganin ang dalawa: balikbayan box at pagbabalik-bansa para sa mga OFW na katulad ng aking mga magulang.

Sa kaliwa’t kanang problemang kinahaharap ng bansa, hindi maiiwasang tumatanim ito sa isipan ng mga “bagong bayani.” Lalo na nang pumutok ang isyu ng balikbayan box nitong Agosto kung saan walang harbas na binubuksan ng mga taga-Custom ang mga kahon para sa “random inspection.” Dagdag pa rito ang suhestiyon ng ahensya ng Customs na itaas ang tax sa mga box ng 125 percent.

Matapos ang halos tatlong buwan, sumambulat naman sa bayan ang isyu ng tanim-bala sa NAIA. Simple lang ang modus: magtatanim ng bala at kapag hindi ka “naglagay” sa kinauukulan, hindi ka makaaalis ng bansa.

At hanggang ngayon wala pa ring malinaw o matinong resolusiyon ang dalawang problema.

READ
Report traces US clergy sex abuse crisis to '60's sexual revolution

Tinatayang halos 10.2 milyon ang bilang ng mga OFW sa buong mundo. Isipin na lamang ang takot na maaaring matanim sa isipan nila dahil sa mga problema ng bansa. Bakit pa magpapadala ng mga balikbayan box para sa kapaskuhan kung iba naman ang makikinabang? Bakit pa uuwi sa bansa kung hindi naman makaaalis muli nang hindi nahihingan ng pamasko?

Para sa tulad kong anak ng mga OFW, higit sa isang balik-bayan box ang simpleng kahon na naglalaman ng mga padalang pasalubong. Simbolo iyon ng paghihirap at pagmamahal ng isang OFW para sa kaniyang pamilya. Lalo na para sa mga hindi makababalik ng bansa upang ipagdiwang pasko kasama ng kanilang mahal sa buhay.

Ang mga pakete ng spaghetti at rekado pang-noche buena ang nagiging daan upang makasama ang mga kamag-anak na OFW sa salu-salo. Ang mga bagong kamiseta at tsokolate ang nagsusumigaw ng “Merry Christmas and Happy New Year!”

Ngunit, mukhang “Merry ‘Customs’” at “Happy New Year! ‘Ito ang bala, hindi pumuputok,’” ang matatanggap ng mga OFW at ng mga mahal nila sa buhay ngayong kapaskuhan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.