IGINALA ni Aida ang mata sa langit
na kanlong ang mga talang noon nakakubli
sa hamog ng makukulay na baga.
Umihip, umihip,
ang batang nakasilip.
Bumulong nang marahan
at sandaling lumangitngit,
Sumumpa sa tala
na sa taong sasapit,
mag-iipon, mag-aaral, magpapakabuti.
Umihip, umihip.
Nakaalpas sa torotot ang tunog na impit
kagaya ng pangakong inusal na rin dati.
Tinangay ng hangi’t samyo ng pulbura
ang hinahapong hininga,
at bulong sa mga tala.
Bernadette A. Pamintuan