LUBOS na pinahahalagahan ng Unibersidad ang paglalakbay ng mga mag-aaral tungo sa karunungan na hindi lamang sa loob ng silid aralan matatagpuan.

Noong 1932, sinimulan ng Unibersidad ang isang kakaibang "educational tour" na kinilala bilang UST Afloat, ang kauna-unahang floating educational tour sa kasaysayan ng bansa sapagkat noon pa man, mahilig na sa paglalayag ang mga Tomasino.

Alinsunod ang paglulunsad ng proyektong ito sa paniniwala ng Unibersidad na may nabibingwit na karunungan sa paglalayag.

Bukod sa pagdalaw sa mga magaganda at makasaysayang lugar sa bansa, nagdaraos rin sila ng pagtatanghal para maipakita ang talento at iba’t ibang tradisyon at kultura sa mga bibisitahing bayan na siyang nagbubunsod ng pagpapalitan ng mga kakayahan at kaalaman.

Noong taon ding iyon, nakarating ang UST Afloat sa China at Japan.

Taong 1934, sakay ng S.S Cebu, naglayag ang mga Tomasino papuntang Visayas at Mindanao kasama ng mga mag-aaral mula sa ibang kolehiyo.

Sa taong ding iyon, bumuo ang Unibersidad ng orchestra upang malibang ang mga guro at mag-aaral na kabilang sa UST Afloat. Dahil dito, kinilala ang orchestra bilang kauna-unahang “Floating Orchestra” sa bansa.

Naging matagumpay ang paglulunsad ng UST Afloat kaya naman napukaw ang pagnanais sa paglalayag hindi lamang ng mga Tomasino kung hindi pati na rin ang mga mag-aaral at mga guro mula sa ibang unibersidad.

Kaya naman noong 1934, labis na dumami ang mga nagpahayag ng kanilang kagustuhan na mapabilang sa mga mapapalad na makakasama sa paglalayag.

Bagaman wala na ang UST Afloat, patuloy ang paglalayag ng mga Tomasino para malinang ang kaisipan at maging dalubhasa sa iba't-ibang larangan.

READ
Thomasian shows 'Ondoy' art

Tomasino siya

Alam niyo ba na isang Tomasino ang kinilala dahil sa kaniyang malawak na kaalaman sa larangan ng cardiology?

Si Primo Andres, Jr., nagtapos ng kursong BS Pre-Medicine taong 1968 at Doctor of Medicine taong 1972 sa Unibersidad, ay isang hinahangaan at iginagalang na cardiologist sa Estados Unidos.

Siya ang nanguna sa pagsasagawa ng mga makabagong pamamaraan sa panggagamot sa kanilang komunidad tulad ng cardiac catherization, angioplasty at endovascular repair.

Dahil sa kaniyang kadalubhasaan, naitatag niya ang Terre Heart Center, isang klinikang outpatient na nagbibigay ng serbisyo na "non-invasive" para sa "catheterization."

Sa kaniyang angking galing at dedikasyon sa napiling larangan, nagkamit si Andres ng mga parangal bilang isang matagumpay na physician tulad ng Most Exalted Brother of the Tau Mu Sigma Phi Fraternity, 2002 Most Outstanding Alumnus of the Year for Service by UST Medical Alumni Association of America at Sagamore of the Wabash Valley Award, ang pinakamataas na parangal na binibigay sa isang mamamayan ng Indiana.

Bagaman namamalagi sa ibang bayan, hindi nalimutan ni Andres ang kaniyang bansang pinagmulan sa pamamagitan ng pagtulong sa pagtatatag ng Gawad Kalinga sa Nanyo, Panabo, Davao del Norte, Cordon, Isabela at Towerville, Bulacan.

Bilang pagpapasalamat naman sa Unibersidad na humasa sa kaniyang karunungan at kakayahan, patuloy na pinagsisilbihan ni Andres ang Unibersidad bilang pangulo at direktor ng UST-MAAA.

Madami nang nagawang Medical Mission si Andres at isa sa mga ito ang “Save a Heart” Cardiovascular Mission na ginaganap sa ating unibersidad taun-taon simula noong 2004 na nagaganap sa loob ng tatlong araw.

READ
Grad prof: Quantity of honor grads does not mean quality education

Nagdaos din siya ng Medical at Surgical Mission sa Angeles Pampanga noong Pebrero 2006; sa Nanyo, Panabo, Davao del Norte noong Disyembre 2007; at sa Ligao, Albay noong Enero 2008.

Bilang bahagi ng “Simbahayan 400,” na proyekto noong nagdiwang ang UST ng ika-400 na anibersaryo, inilunsad niya ang Klinika Tomasino sa Towerville Bulacan noong Enero 29, 2011. Tumulong siya sa mga nasalanta nang sumabog ang Bulkang Mayon sa Albay noong 2006 at nang sa nasalanta ng Habagat sa Central Luzon nang 2012. Sa kasalukuyan, chairman siya ng Filipino American Leadership Council (Falcon) na nagtataguyod sa karapatan ng mga Filipinong Amerikano.

Tomasalitaan

Ngalumata (PNG)—pananamlay o pagkalalim ng mata dahil sa puyat

Hal.: Pumasok sa silid-aralan sina Joanne at Roxanna na nangangalumata dulot ng pagsusunog ng kilay hanggang madaling araw.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian Tomo V Blg. 1, Enero 16, 1932

The Varsitarian Tomo VII Blg. 9, Disyembre 16, 1933

The Varsitarian Tomo VIII Blg. 5, Pebrero 1, 1934

The Varsitarian Tomo VIII Blg. 7, Marso 12, 1934

The Varsitarian Tomo VIII Blg. 12 Marso 12, 2934

The Varsitarian Tomo V Blg. 3, Pebrero 20, 1930

2014. Total Awards 2014 Souvenir Program.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.