HINDI na mawawala sa kasaysayan ng Pilipinas ang Unibersidad ng Santo Tomas . Hanggang ngayon, ito ang kinikilalang pinakamatandang unibersidad sa bansa at Asya, dating Colegio de Santissimo Rosario na itinatag noong Abril 11, 1611 ni P. Miguel de Benavides, O.P. Sa katunayan, matanda pa ito sa Unibersidad ng Harvard sa Estados Unidos nang humigit-kumulang na 20 taon.
Sa ngayon, dinarayo ang UST ng mga mag-aaral mula sa ibang paaralan at iba’t ibang bansa at mga turista dahil bukod sa pagiging makasaysayan nito, isa sa pinakamayaman sa buong Asya ang koleksiyon ng mga memorabilia, antigong imahen, at painting collections ang Museum of Arts and Sciences nito.
Dating nakatayo sa Intramuros, sinimulang ilipat ang UST sa Sampaloc, Manila noong 1911 dahil sa patuloy na paglaki ng populasyon ng mga estudyante nito.
Ginawaran ito ng titulong “Royal” ni Haring Carlos III ng Espanya noong 1758, at ipinagkaloob naman ni Pope Leo XIII noong 1902 ang titulong “Pontifical.”
Hindi malilimutan ang pagiging interment camp ng UST noong panahon ng Hapon. Mahigit na 10,000 tao ang inilagak dito ng Japanese Imperial Army mula Enero 1942 hanggang Pebrero 1945.
Bukod sa UST, isa lamang ito sa maraming lugar dito sa Maynila na sumasalamin sa ating kasaysayan. Inisa-isa ng Varsitarian ang mga historical landmarks na maaaring bisitahin sa Maynila bukod sa UST.
Rizal National Park
Tinaguriang Luneta, na nangangahulugang “Little Moon” sa Espanyol, kilala ito bilang Bagumbayan noong panahon ng Kastila. Dito lumikas ang mga Muslim matapos sakupin ng mga Kastila ang Intramuros noong 1571.
Sa parkeng ito rin binibitay ang mga erehe at sinumang kumakalaban sa pamamalakad ng pamahalaang kolonyal sa loob ng 74 apat na taon. Isa na sa mga ito ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, kung kanino ipinangalan ang lugar. Sinimulang itayo ang monumento ni Rizal noong 1900 sa tulong ni Gobernador-Heneral William Howard Taft matapos lumikom ng donasyon mula sa publiko.
Sa ilalim ng pamamalakad ni Richard Kissling, natapos ang monumento noong 1912 sa Switzerland. Noong taon ding iyon inilagak ang mga labi ni Rizal sa huling hantungan nito sa kanyang monumento mula sa sementeryo ng Paco.
Mga ilang hakbang pa mula sa monumento, matatagpuan ang Light and Sound Sculptural Show. Ito ang makabagong pagsasabuhay ng pagbitay kay Rizal sa pamamagitan ng mga iskultura na binibigyang buhay ng mga kakaibang timpla ng mga kulay. Nilikha ng Tomasiong eskultor na si Ed Castillo ang mga estatwa sa palabas, sinulat naman ng yumaong direktor at Pambansang Alagad ng Sining na si Lamberto Avellana ang iskrip ng programa.
Sa lawak na 58 ektarya, ito ang pinakamalawak na parke sa Asya. Kung sakaling magutom sa mahabang paglalakad, nagkalat lamang ang maliliit na tindahan at karinderya dito.
Ang Kanlungan ng Sining o Artist’s Haven naman ng Luneta ay kumakalinga sa mga manlilikhang-sining sa gumagawa ng kanilang mga obra sa parke.
Mayroon ding Japanese Garden, na pinangangasiwaan ng National Parks Development Committee, kasama ang Japanese Community sa Pilipinas. Maliban sa layuning ipakita ang kulturang Hapon, layunin din nitong pagtibayin ang pagkakaibigan ng dalawang bansa sa 9,000 metro kuwadradong sukat ng hardin.
Sa pagdadapit-hapon, maaaring masaksihan ng mga namamasyal ang paglubog ng araw sa kinikilalang “finest harbor in the Far East,” ang Manila Bay. Dito maaari ring sariwain ang tanyag na “mock battle” sa pagitan ng mga Amerikano at Kastila na naganap dito sa Manila Bay noong 1898. Maraming istoryador ang naniniwalang tumagal ang Maynila-Acapulco Galleon Trade ng 244 na taon dahil da estratehikong lokasyon ng look.
Mula sa UST, maaaring makapunta ng Luneta sa pagsakay sa mga dyip na may biyaheng T.M. Kalaw St.o Taft Avenue.
Intramuros
Makasaysayan ang apat na sulok ng Intramuros, ang tinaguriang Walled City. Sa kabila ng mga pagbabago, nananatili itong maganda at preserbado ang pamanang kultural.
Dahil sa pagsabay sa agos ng panahon, mas pinaganda pa ngayon ang Intramuros, matapos ang renobasyon ng mga bahaging tulad ng dinarayong Plaza San Luis, Fort Santiago, San Agustin Church, Manila Cathedral at sari-saring museo sa loob nito.
Patuloy na sumasalamin sa panahon ng Kastila ang disenyo ng Plaza San Luis at maging ng buong Intramuros. Bukod sa mga specialty shops, mayroon ding museo sa Casa Manila na naglalaman ng mga kasangkapang matatagpuan sa tahanan ng mga ilustrado noong ika-19 at ika-20 siglo. Isa lamang ang Casa Manila sa limang bahay na bumubuo sa Plaza San Luis. Naroon din ang Casa Urdaneta, Casa Blanca, Los Hidalgos, at El Hogar Filipino.
Sa hilagang kanluran ng Intramuros, babati sa mga namamasyal ang Fort Santiago, na tinatawag ding “Shrine of Freedom,” bilang pag-alala sa mga Pilipinong nakulong at nagpakabayani noong Panahon ng Kastila at ng Hapon.
Natapos lamang ang Fort Santiago makalipas ang 150 taon dahil sa sapilitang paggawa ng mga indio. Subalit malaking bahagi nito ang nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ngayon, tahanan na ng Philippine Educational Theatre Association, isang organisayong pang-teatro ang isang bahaging labi ng digmaan para sa kanilang mga presentasyon sa kasalukuyan na pinangalanan nilang Raja-Sulayman Theater.
Kalapit nito ang Rizal Shrine, kung saan nakalagak ang ilang mga gamit ni Rizal noong kanyang mga huling araw. Kasama dito ang mga aklat na sinulat niya o tungkol sa kanya, ang kanyang mga ipininta at nililok, ilang memorabilya ng kanyang mga paglalakbay, at mga kagamitang mula sa kanilang tahanan sa Calamba, Laguna.
May dalawang museo pa sa Intramuros na may kaugnayan naman sa pananampalataya.
Pinangangalagaan ng mga paring Agustino, makikita sa San Agustin Church ang 26 na koleksiyon ng malalaking larawan ng mga santo, mga lumang imahen na kasama sa koleksiyon ng pilantropong si Don Luis Araneta, mga lumang carrosa sa Sacristy, at ang tanyag na nililok na koro ng simbahan mula sa isang punong molave noong 1614. Mayroon ding libingan sa loob nito kung saan nakalagak ang ilang mga paring Agustino, at si Miguel Lopez de Legaspi, ang siyang nagtatag ng Lungsod ng Maynila. Nasa San Agustin din ang isang Capitulation room kung saan sumuko ang mga Kastila sa mga Amerikano noong 1898.
Kasama rin sa eksibit ang “Kasaysayan ng Katolikong Simbahan sa Pilipinas,” na binuo ni Arsobispo Jaime Cardinal Sin.
Maaaring magtungo rito sa pamamagitan ng pagsakay sa mga dyip na biyaheng T.M. Kalaw. Maglalakad nga lamang nang kaunti hanggang marating ang kalye Mabini o ang Pedro Gil. Dito maaaring sumakay ng dyip na biyaheng Pier at bumaba na lamang sa Bonifacio Drive.
Palasyo ng Malacañang
Mahalaga ang parteng ginampanan ng Palasyo ng Malacañang sa kasaysayan. Sa loob ng ilang daang taon, ito ang naging kanlungan ng gobyerno ng ilang presidente ng Pilipinas. Saksi ito sa samu’t saring digmaan, pagpapalit ng presidente, at mga pangyayaring humubog sa ating demokrasya. Matapos ang dalawang makasaysayang mapayapang rebolusyon noong 1986 at 2001, ang kanlungan ng pamahalaan ng Pilipinas ay puno ng mga lugar na maaring pasyalan.
Bago pa ito binili ng gobyerno sa halagang P 5,000, kay Luis Rocha, isang mayamang Kastila, ang palasyo ay isa nang marangyang gusali. Ang Malacañang ay mula sa mga salitang “May Lakan Diyan.”
Una itong naging bakasyunan ng mga Kastilang gobernador-heneral. Matapos masira sa isang lindol ang Palacio del Gobernador, naging permanente na itong luklukan ng kapangyarihan ng pamahalaan.
Matapos ang unang People Power, isang pribadong organisasyon ang nabuo upang mapanatili at lalo pang mapaganda ang 200-taong palasyo. Napagkasunduan ng mga bumubuo na lumikha ng isang museo, isang koleksiyon ng mga bagay-bagay na magpapakita ng mayamang kulturang Pilipino. Sa tuwi-tuwina, nagkakaroon ng mga programa dito bilang pagbabalik-tanaw sa mga makasaysayang pangyayari sa Malacañang. Naririto pa rin ang tanyag na koleksiyon ng mga damit at sapatos ni dating Unang Ginang Imelda Marcos.
Mula sa UST, maaring bisitahin ang palasyo sa pamamagitan ng pagsakay sa dyip na biyaheng Quiapo. Mula Quiapo, sumakay ng dyip patungong San Miguel. Bumaba ng kalye J.P. Rizal at pumasok sa gate six ng palasyo.